Agosto 2013

01 02 03 04 05 06 07 08 09 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31



01 Agosto 2013
Pagbasa: Exodo 40:16-38; Salmo: Awit 84:3-11
Mabuting Balita: Mateo 13:47-53


47 "Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa lawa at nakahuli ng sari-saring isda. 48 Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga tao habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapapakinabangan. 49 Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig, darating ang mga anghel, ihihiwalay ang masasama sa mga matuwid, 50 at ihahagis ang masasama sa naglalagablab na apoy. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin." 

51 "Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng ito?" tanong ni Jesus. "Opo," sagot nila. 52 At sinabi niya sa kanila, "Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na kumikilala sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang taguan ng kayamanan."
                
53 Umalis si Jesus mula roon matapos niyang isalaysay ang mga talinhagang ito. 

02 Agosto 2013
Pagbasa: Levitico 23:1-37; Salmo: Awit 81:3-11
Mabuting Balita: Mateo 13:54-58


54 Umuwi siya sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya, kaya't kanilang itinanong, "Saan kumuha ng ganyang karunungan ang taong iyan? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 55 Hindi ba siya ay anak ng isang karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid? 56 At tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, di ba? Saan kaya niya natutuhan ang lahat ng iyan?" 57 At siya'y hindi nila pinaniwalaan.
               
Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, "Ang isang propeta'y iginagalang kahit saan maliban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan." 58 At dahil ayaw nilang maniwala kay Jesus, hindi siya roon gumawa ng maraming himala.

03 Agosto 2013
Pagbasa: Levitico 25:1-17; Salmo: Awit 67:2-8
Mabuting Balita: Mateo 14:1-12


1 Ang balita tungkol kay Jesus ay nakarating kay Herodes na gobernador ng Galilea, 2 kaya't nasabi niya sa kanyang mga lingkod, "Si Juan na Tagapagbautismo iyon! Siya'y muling nabuhay kaya't nakakagawa ng mga himala!"
                
3 Itong si Herodes ang nagpahuli kay Juan. Ipinagapos niya ito at ipinabilanggo dahil kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe. 4 Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes, "Hindi matuwid na magsama kayo ng asawa ng iyong kapatid." 5 Ibig ni Herodes na ipapatay si Juan, ngunit natatakot siya sa mga Judio sapagkat kinikilala nilang propeta si Juan na Tagapagbautismo. 

6 Nang sumapit ang kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak na babae ni Herodias sa harap ng mga panauhin. Labis na nasiyahan si Herodes, 7 kaya't sumumpa siyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito. 8 Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga sa hari, "Ibigay po ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo." 9 Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangakong narinig ng mga panauhin, iniutos niyang ibigay sa dalaga ang ulo ni Juan. 10 Kaya't pinapugutan niya si Juan sa bilangguan. 11 Inilagay ang ulo sa isang pinggan at ibinigay ito sa dalaga. Dinala naman ito ng dalaga sa kanyang ina.
                
12 Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang kanyang bangkay at inilibing. Pagkatapos, ibinalita nila kay Jesus ang nangyari.

_________________________________________________________

04 Agosto 2013
Ika-18 Linggo Sa Karaniwang Panahon
Unang Pagbasa: Ang Mangangaral 1:2-2:23
Salmo: Awit 95:1-9
Ikalawang Pagbasa: Colosas 3:1-11
Mabuting Balita: Lucas 12:13-21
 
Gospel Reflection



"Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan." 
(Lucas 12:15)

_________________________________________________________


05 Agosto 2013
Pagbasa: Mga Bilang 11:4-15; Salmo: Awit 81:12-17
Mabuting Balita: Mateo 14:13-21


13 Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang lugar na walang tao. Ngunit nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila'y naglakad papalabas sa kani-kanilang bayan at sinundan si Jesus. 14 Pagdating ni Jesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong iyon. Nahabag siya sa kanila kaya't pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila.  
15 Nang dapit-hapon na'y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, "Malapit na pong lumubog ang araw at ilang ang lugar na ito. Papuntahin na po ninyo sa mga kalapit na nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain."
                
16 "Hindi na sila kailangang umalis. Kayo ang magpakain sa kanila," sabi ni Jesus.
                
17 Sumagot sila, "Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay lamang at dalawang isda."
                
18 "Dalhin ninyo rito," sabi niya. 19 Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao. Kinuha ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamahagi iyon sa mga tao. 20 Nakakain at nabusog ang lahat. Nang ipunin ng mga alagad ang natirang pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing ng tinapay. 21 May limanlibong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata. 

06 Agosto 2013
Unang Pagbasa: Daniel 7:9-14; Salmo: Awit 97:1-9; 

Ikalawang Pagbasa: 2 Pedro 1:16-19
Mabuting Balita: Lucas 9:28-36


28 Makalipas ang halos walong araw, umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. 29 Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30 Biglang may nagpakitang dalawang lalaki, sina Moises at Elias, 31 na ang mga anyo ay nakakasilaw din. Sila'y nakipag-usap kay Jesus tungkol sa nalalapit niyang kamatayan na magaganap sa Jerusalem.
                
32 Natutulog sina Pedro noon, ngunit sila'y biglang nagising at nakita nila si Jesus na nakakasilaw ang anyo at may kasamang dalawang lalaki. 33 Nang papaalis na ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, "Panginoon, mabuti po at nandito kami. Gagawa po kami ng tatlong kubol, isa sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias." Ang totoo'y hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang matakpan sila ng isang makapal na ulap at sila'y natakot.
                
35 Isang tinig ang nagsalita mula sa ulap, "Ito ang aking Anak, ang aking Pinili. a Pakinggan ninyo siya!" 36 Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita.

07 Agosto 2013
Pagbasa: Mga Bilang 13:1-14:35; Salmo: Awit 106:6-23
Mabuting Balita: Mateo 15:21-28


21 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. 22 Isang Cananea na nakatira doon ang lumapit sa kanya na sumisigaw, "Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan nito."
                
23 Ngunit hindi sumagot si Jesus. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi kay Jesus, "Paalisin na nga po ninyo siya. Napakaingay niya at sunod nang sunod sa atin." 24 Sumagot si Jesus, "Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo." 25 Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod ito at nagmakaawa, "Tulungan po ninyo ako, Panginoon."
                
26 Sumagot si Jesus, "Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso."
                
27 "Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon," tugon ng babae. 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, "Napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo." At noon di'y gumaling ang kanyang anak.

08 Agosto 2013
Pagbasa: Mga Bilang 20:1-13; Salmo: Awit 95:1-9
Mabuting Balita: Mateo 16:13-23


3 Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, "Ano ang sinasabi ng mga tao patungkol sa Anak ng Tao?" 14 At sumagot sila, "Ang sabi po ng ilan kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta." 15 Tinanong ulit sila ni Jesus, "Ngunit para sa inyo, sino ako?" 16 Sumagot si Simon Pedro, "Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay." 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, "Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. 18 At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit." 20 At mahigpit niyang iniutos sa kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya nga ang Cristo.
                
21 Mula noon ay ipinaalam na ni Jesus sa kanyang mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, "Dapat akong magtungo sa Jerusalem at magdanas ng maraming hirap sa kamay ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Ako'y papatayin, ngunit sa ikatlong araw ako'y muling mabubuhay."
                
22 Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagalitan, "Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Kailanma'y hindi iyan mangyayari sa inyo."
               
 23 Ngunit hinarap siya ni Jesus at sinabihan, "Umalis ka sa harapan ko, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao."

09 Agosto 2013
Pagbasa:
Deuteronomio 4:32-40; Salmo: Awit 77:12-21
Mabuting Balita: Mateo 16:24-28


24 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 25 Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. 26 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? 27 Sapagkat darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel, at taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama. Sa panahong iyo'y gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito. 28 Tandaan ninyo: may ilan sa inyong naririto na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang hari."  

10 Agosto 2013
Pagbasa:
Deuteronomio 6:4-13; Salmo: Awit 18:2-51
Mabuting Balita: Mateo 17:14-20


14 Nang sila'y makabalik, napakaraming tao ang kanilang nadatnan. Lumapit kay Jesus ang isang lalaki at lumuhod ito sa harap niya, at nagsabi, 15 "Ginoo, maawa po kayo sa anak ko! Siya po'y may epilepsya at lubhang nahihirapan kapag sinusumpong. Madalas po siyang mabuwal sa apoy o kaya'y mahulog sa tubig. 16 Dinala ko po siya sa inyong mga alagad ngunit siya'y hindi nila mapagaling."
                
17 Sumagot si Jesus, "Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!" 18 Inutusan ni Jesus ang demonyo na lumabas sa bata, at ang bata'y gumaling agad.
                
19 Pagkatapos, lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, nang wala na ang ibang nakakarinig, "Bakit po hindi namin mapalayas ang demonyo?" 20 Sumagot siya, "Dahil sa maliit ang inyong pananampalataya. Tandaan ninyo: kung kayo'y may pananampalataya sa Diyos na sinlaki ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, 'Lumipat ka roon!' at ito'y lilipat nga. Tunay na walang bagay na hindi ninyo magagawa."

_________________________________________________________

11 Agosto 2013
Ika-19 na Linggo Sa Karaniwang Panahon
Unang Pagbasa: Karunungan 18:6-9
Salmo: Awit 33:1-22
Ikalawang Pagbasa: Hebreo 11:1-19
Mabuting Balita: Lucas 12:32-48
 

Gospel Reflection


"Maging handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan." (Lucas 12:35)

_________________________________________________________ 


12 Agosto 2013
Pagbasa:
Deuteronomio 10:12-22; Salmo: Awit 147:12-20
Mabuting Balita: Mateo 17:22-27


22 Nang magkatipon sa Galilea ang mga alagad, sinabi sa kanila ni Jesus, "Ang Anak ng Tao ay pagtataksilan 23 at papatayin, ngunit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw." At sila'y lubhang nalungkot.
                
24 Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. "Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong guro?" tanong nila.
                
25 "Opo," sagot ni Pedro. Nang pumasok siya sa bahay, tinanong siya ni Jesus, "Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang dapat magbayad ng buwis sa hari ng isang bansa, ang mga mamamayan ba, o ang mga dayuhan?" 26 "Ang mga dayuhan po," tugon ni Pedro. Sinabi ni Jesus, "Kung gayon, hindi dapat magbayad ang mga mamamayan. 27 Gayunman, para wala silang masabi sa atin, pumunta ka sa lawa at mamingwit ka. Kunin mo ang unang isdang mahuli mo, ibuka mo ang bibig niyon, at may makikita kang isang malaking salaping pilak. Kunin mo iyon at ibayad mo para sa buwis nating dalawa." 

13 Agosto 2013
Pagbasa:
Deuteronomio 31:1-8; Salmo:
Deuteronomio 32:3-12
Mabuting Balita: Mateo 18:1-14


1 Nang mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, "Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?" 2 Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa harap nila 3 at sinabi, "Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. 4 Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. 5 Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap."
               
 6 "Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin. 7 Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito.
                
8 "Kung ang iyong kamay o paa ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo iyon at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang kamay o isang paa, kaysa kumpleto ang iyong dalawang kamay at dalawang paa na itatapon sa apoy na hindi namamatay. 9 Kung ang mata mo naman ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na bulag ang isang mata, kaysa may dalawang mata kang itapon sa apoy ng impiyerno."
               
10-11 "Pakaingatan ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harap ng aking Ama na nasa langit. a
                
12 "Ano sa akala ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa bundok upang hanapin ang naligaw? 13 Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikinagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman, ayaw ng inyong Ama b na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito."

14 Agosto 2013
Pagbasa:
Deuteronomio 34:1-12; Salmo: Awit 66:1-17
Mabuting Balita: Mateo 18:15-20


15 "Kung magkasala sa iyo c ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo sa dati ang pagsasamahan ninyong magkapatid. 16 Ngunit kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. 17 Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesya ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesya, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis."
                
18 "Tandaan ninyo: anumang ipagbawal ninyo dito sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang pahintulutan ninyo dito sa lupa ay pahihintulutan sa langit.
                
19 "Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman sa pananalangin, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit. 20 Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila." 

15 Agosto 2013
Unang Pagbasa: Pahayag 11:19-12:10
; Salmo: Awit 45:10-16;

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 15:20-27
Mabuting Balita: Lucas 1:39-56


39-40 Makalipas ang ilang araw, gumayak si Maria at nagmamadaling pumunta sa isang bayang bulubundukin sa Judea, sa bahay ni Zacarias. Pagdating doon ay binati niya si Elisabet. 41 Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. 42 Napasigaw siya sa galak, "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! 43 Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!"
46 At sinabi ni Maria,
 

"Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,
47 at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,
48 sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong mapalad;

49 dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.
Siya'y banal!
50 Ang kanyang kahabagan ay para sa mga tao
at sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.

51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
nilito niya ang mga may palalong isip.

52 Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.

53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.

54 Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
at naalala ito upang kanyang kahabagan.

55 Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!"

56 Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan bago siya umuwi.

16 Agosto 2013
Pagbasa:
Josue 24:1-13; Salmo: Awit 136:1-24
Mabuting Balita: Mateo 19:3-12


3 May ilang Pariseong lumapit sa kanya at nagtangkang humanap ng maipaparatang sa pamamagitan ng tanong na ito, "Naaayon ba sa Kautusan na palayasin at hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?" 4 Sumagot si Jesus, "Hindi pa ba ninyo nababasa sa kasulatan na sa pasimula'y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? 5 At siya rin ang nagsabi, 'Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila'y magiging isa.' 6 Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman."
                
7 Tinanong siya ng mga Pariseo, "Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago niya palayasin at hiwalayan ito?"
                
8 Sumagot si Jesus, "Ipinahintulot ni Moises na palayasin at hiwalayan ninyo ang inyong asawa dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit hindi ganoon sa pasimula. 9 Ito ang sinasabi ko sa inyo, sinumang lalaking magpalayas at humiwalay sa kanyang asawa, maliban kung ang asawa niya'y nangangalunya, a at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya."
                
10 Sinabi naman ng mga alagad, "Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag na siyang mag-asawa."
                
11 Sumagot si Jesus, "Hindi lahat ay kayang tumanggap ng aral na ito kundi sila lamang na pinagkalooban ng Diyos. 12 Sapagkat may iba't ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan ay dahil sa kanilang katutubong kalagayan; ang iba nama'y naging ganoon dahil sa kagagawan ng ibang tao; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa kaharian ng langit. Dapat itong gawin ng taong nakakaunawa sa katuruang ito." 

17 Agosto 2013
Pagbasa:
Josue 24:14-29; Salmo: Awit 16:1-11
Mabuting Balita: Mateo 19:13-15


13 May nagdala ng mga bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. 14 Sinabi ni Jesus, "Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit." 15 Ipinatong nga niya sa mga bata ang kanyang kamay, at pagkatapos, siya'y umalis. 

_________________________________________________________

18 Agosto 2013
Ika-20 Linggo Sa Karaniwang Panahon
Unang Pagbasa: Jeremias 38:4-10
Salmo: Awit 40:2-18
Ikalawang Pagbasa: Hebreo 12:1-4
Mabuting Balita: Lucas 12:49-53
 

Gospel Reflection


"Akala ba ninyo'y naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan ang dala ko kundi pagkabaha-bahagi."  (Lucas 12:51)

_________________________________________________________


19 Agosto 2013
Pagbasa:
Mga Hukom 2:11-19; Salmo: Awit 106:34-44
Mabuting Balita: Mateo 19:16-22


16 May isa namang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, "Guro, ano pong kabutihan ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?"
                
17 Sumagot si Jesus, "Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti. Ngunit kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga Kautusan ng Diyos."
                
18 "Alin sa mga iyon?" tanong niya. Sumagot si Jesus, "Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; 19 igalang mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili."
                
20 Sinabi ng binata, "Tinutupad ko na po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?"
               
 21 Sumagot si Jesus, "Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap ang pinagbilhan. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin." 22 Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman. 

20 Agosto 2013
Pagbasa:
Mga Hukom 6:11-24; Salmo: Awit 85:9-14
Mabuting Balita: Mateo 19:23-30


23 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Tandaan ninyo: napakahirap sa isang mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit! 24 Inuulit ko, mas madali pang makadaan sa butas ng karayom ang isang kamelyo, kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman."
               
25 Nagtaka ang mga alagad nang marinig ito kaya't naitanong nila, "Kung gayon, sino po ang maliligtas?" 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, "Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay."
               
27 Nagsalita naman si Pedro, "Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?"
                
28 Sinabi sa kanila ni Jesus, "Tandaan ninyo: kapag naghahari na ang Anak ng Tao sa kanyang trono ng kaluwalhatian sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay uupo din sa labindalawang trono upang mamuno sa labindalawang lipi ng Israel. 29 Kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina,  mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap siya ng sandaang ibayo at pagkakalooban siya ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahuhuli na mauuna."

21 Agosto 2013
Pagbasa:
Mga Hukom 9:6-15; Salmo: Awit 21:2-7
Mabuting Balita: Mateo 20:1-16


1 "Ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang humanap ng manggagawa para sa kanyang ubasan. 2 Nang magkasundo na sila sa upa na isang salaping pilak sa maghapon, ang mga manggagawa ay pinapunta niya sa kanyang ubasan. 3 Lumabas siyang muli nang mag-aalas nuwebe ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa palengke. 4 Sinabi niya sa kanila, 'Pumunta din kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.' 5 At pumunta nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-aalas dose ng tanghali at nang mag-aalas tres ng hapon, at ganoon din ang ginawa niya. 6 Nang mag-aalas singko na ng hapon, siya'y lumabas muli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, 'Bakit tatayu-tayo lang kayo dito sa buong maghapon?' 7 'Kasi po'y walang magbigay sa amin ng trabaho,' sagot nila. Kaya't sinabi niya, 'Kung gayon, pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.'
               
 8 "Nang gumagabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, 'Tawagin mo na ang mga manggagawa at bayaran mo sila magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.' 9 Ang mga nagsimula nang mag-aalas singko ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang salaping pilak. 10 Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa'y binayaran din ng tig-iisang salaping pilak. 11 Nang magkagayo'y nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12 Sinabi nila, 'Isang oras lamang gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakakapasong init ng araw. Bakit naman pinagpare-pareho ninyo ang aming upa?' 13 Sumagot ang may-ari ng ubasan sa isa sa kanila, 'Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba't nagkasundo tayo sa isang salaping pilak? 14 Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Ano sa iyo kung ibig kong bayaran ang nahuli nang tulad ng ibinayad ko sa iyo? 15 Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan? Kayo ba'y naiinggit dahil ako'y nagmagandang-loob sa iba?' "
                
16 At sinabi ni Jesus, "Ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli."

22 Agosto 2013
Pagbasa:
Isaias 9:1-6; Salmo: Awit 113:1-3
Mabuting Balita: Lucas 1:26-38


26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, "Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!"
                
29 Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan."
                
34 "Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?" tanong ni Maria.
                
35 Sumagot ang anghel, "Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos."
                
38 Sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." Pagkatapos, umalis na ang anghel. 

23 Agosto 2013
Pagbasa:
Ruth 1:1-22; Salmo: Awit 146:5-10
Mabuting Balita: Mateo 22:34-40


34 Nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo. 35 Isa sa kanila, na dalubhasa sa Kautusang Judio, a ang nagtanong kay Jesus upang subukin ito. 36 "Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?" tanong niya.
              
37 Sumagot si Jesus, "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. 38 Ito ang pinakamahalagang utos. 39 Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. 40 Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta."

24 Agosto 2013
Pagbasa:
Pahayag 21:9-14; Salmo: Awit 145:10-18
Mabuting Balita: Juan 1:45-51


45 Nakita ni Felipe si Nathanael at sinabi niya dito, "Natagpuan na namin ang tinutukoy ni Moises sa kanyang isinulat sa aklat ng Kautusan at gayundin ng mga propeta. Siya'y si Jesus na taga-Nazaret, na anak ni Jose".
                
46 "May mabuti bang maaaring magmula sa Nazaret?" tanong ni Nathanael.
               
Sumagot si Felipe, "Halika't tingnan mo".
                
47 Nang malapit na si Nathanael ay sinabi ni Jesus, "Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita. Wala siyang anumang pagkukunwari".
                
48 Tinanong siya ni Nathanael, "Paano ninyo ako nakilala?"
               
Sumagot si Jesus, "Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos."
                
49 Sumagot si Nathanael, "Guro, kayo nga po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!"
                
50 Sinabi ni Jesus, "Sumampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa riyan ang masasaksihan mo." 51 At sinabi niya sa kanya, "Pakatandaan mo: makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!" 

_________________________________________________________
 

25 Agosto 2013
Ika-21 Linggo Sa Karaniwang Panahon
Unang Pagbasa: Isaias 66:18-21
Salmo: Awit 117:1-2
Ikalawang Pagbasa: Hebreo 12:5-13
Mabuting Balita: Lucas 13:22-30
 

Gospel Reflection


"Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok."  (Lucas 13:24)

_________________________________________________________  


26 Agosto 2013
Pagbasa:
Tesalonica 1:2-10; Salmo: Awit 149:1-9
Mabuting Balita: Mateo 23:13-22


13-14 "Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila makapasok sa kaharian ng langit. Ayaw na ninyong pumasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nais pumasok!
                
15 "Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. Ngunit kung ito'y mahikayat, ginagawa ninyo siyang masahol pa kaysa sa inyo. Kaya't lalong may dahilan para siya'y parusahan sa impiyerno.
                
16 "Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay! Itinuturo ninyo na kung gagamitin ninuman ang Templo sa panunumpa, walang anuman ito. Ngunit kung ang gagamitin niya sa panunumpa ay ang ginto ng Templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. 17 Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto, o ang Templong nagpapabanal sa ginto? 18 Sinasabi rin ninyo na kung gagamitin ninuman ang dambana sa panunumpa, walang anuman ito. Ngunit kung ang gagamitin niya ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? 20 Kaya nga, kapag nanumpa ang sinuman na saksi ang dambana, ginagawa niyang saksi ito at ang lahat ng handog dito. 21 Kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang Templo, ginagawa niyang saksi ito at ang Diyos na nasa Templo. 22 At kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang langit, ginagawa niyang saksi ang trono ng Diyos at ang Diyos na nakaupo doon.

27 Agosto 2013
Pagbasa:
Tesalonica 2:1-8; Salmo: Awit 139:1-6
Mabuting Balita: Mateo 23:23-26


23 "Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng naaani ninyong yerbabuena, ruda, linga, ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Huwag ninyong kaligtaang gawin ang mga ito kahit na tamang gawin ninyo ang pagbibigay ng ikasampung bahagi ng ani. 24 Mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang kulisap sa inyong inumin, ngunit nilulunok naman ninyo ang kamelyo!
                
25 "Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit ang mga iyon ay puno ng kasakiman at pagiging makasarili. 26 Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang nasa loob ng tasa, at magiging malinis din ang labas nito!

28 Agosto 2013
Pagbasa:
Tesalonica 2:9-13; Salmo: Awit 139:7-12
Mabuting Balita: Mateo 23:27-32


27 "Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay. 28 Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti, ngunit ang totoo'y punung-puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan."
                
29 "Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ipinagpapatayo ninyo ng libingan ang mga propeta, at pinapaganda ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, 'Kung kami sana'y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi kami sasama sa pagpatay sa mga propeta.' 31 Sa sinabi ninyong iyan, inaamin na ninyong kayo'y mga anak ng mga nagpapatay sa mga propeta! 32 Sige! Tapusin ninyo ang pinasimulan ng inyong mga ninuno!"

29 Agosto 2013
Pagbasa:
Jeremias 1:17-19; Salmo: Awit 71:1-17
Mabuting Balita: Marcos 6:17-29


17 Si Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) 18 Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, "Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!" 19 At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawa 20 sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit na labis siyang nalilito sa mga sinasabi nito.
                
21 Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, "Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo." 23 Naipangako rin niya sa dalagang, "Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit pa ang kalahati ng aking kaharian."
               
 24 Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, "Ano po ang hihingin ko?" "Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo," sagot ng ina.
               
 25 Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, "Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan."
                
26 Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. 27 Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. 28 Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina.
                
29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

30 Agosto 2013
Pagbasa:
Tesalonica 4:1-8; Salmo: Awit 97:1-12
Mabuting Balita: Mateo 25:1-13


1 "Ang kaharian ng langit ay maitutulad dito. May sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa'y may dalang ilawan. 2 Ang lima sa kanila'y hangal at ang lima nama'y matatalino. 3 Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. 4 Ang matatalino nama'y nagbaon ng langis, bukod pa sa nasa kanilang mga ilawan. 5 Naantala ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya't inantok at nakatulog sila sa paghihintay.
                
6 "Ngunit nang hatinggabi na'y may sumigaw, 'Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas na kayo upang salubungin siya!' 7 Agad bumangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. 8 Sinabi ng mga hangal sa matatalino, 'Bigyan naman ninyo kami kahit kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan.'
                
9 'Baka hindi ito magkasya sa ating lahat. Mabuti pa'y pumunta muna kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo,' tugon naman ng matatalino. 10 Kaya't lumakad ang limang hangal na dalaga. Habang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at isinara ang pinto.
                
11 "Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. 'Panginoon, panginoon, papasukin po ninyo kami!' sigaw nila.
                
12 "Ngunit tumugon siya, 'Tandaan ninyo, hindi ko kayo nakikilala.' "
                
13 Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, "Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras man." 

31 Agosto 2013
Pagbasa:
Tesalonica 4:9-12; Salmo: Awit 98:1-9
Mabuting Balita: Mateo 25:14-30


14 "Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang taong maglalakbay. Kaya't tinawag niya ang kanyang mga tauhan at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. 15 Binigyan niya ng salaping ginto ang bawat isa ayon sa kanilang kakayahan. Binigyan niya ang isa ng limanlibong salaping ginto, ang isa nama'y dalawang libong salaping ginto, at ang isa pa ay isanlibong salaping ginto. Pagkatapos nito, siya'y umalis. 16 Kumilos agad ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at ipinangalakal iyon. Kumita siya ng limanlibong salaping ginto. 17 Gayundin naman, ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto ay kumita pa ng dalawang libong salaping ginto. 18 Ngunit ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto ay humukay sa lupa at itinago ang salaping ginto ng kanyang panginoon.
               
19 "Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga tauhang iyon at sila'y pinag-ulat. 20 Lumapit ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at sinabi, 'Panginoon, ito po ang limanlibong salaping ginto na iniwan ninyo sa akin. Heto naman po ang limanlibong salaping ginto na tinubo nito.'
               
 21 "Sinabi sa kanya ng panginoon, 'Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Halika, makihati ka sa aking kagalakan. Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga.'
                
22 "Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto at ang sabi, 'Panginoon, ito po ang iniwan ninyo sa aking dalawang libong salaping ginto. Heto naman po ang dalawang libong salaping ginto na tinubo nito.'
               
 23 "Sinabi ng kanyang panginoon, 'Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya't pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!'
                
24 "Lumapit naman ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto at sinabi, 'Alam ko pong kayo'y mahigpit at pinipitas ninyo ang bunga ng hindi ninyo itinanim at inaani ninyo ang hindi ninyo inihasik. 25 Natakot po ako, kaya't ibinaon ko sa lupa ang inyong salaping ginto. Heto na po ang salaping iniwanan ninyo sa akin.'
               
26 "Sumagot ang kanyang panginoon, 'Masama at tamad na lingkod! Alam mo palang pinipitas ko ang bunga ng hindi ko tanim at inaani ang hindi ko inihasik, 27 bakit hindi mo na lamang inilagay sa bangko ang aking salapi! Kahit paano'y may tinubo sana ito! 28 Kunin ninyo sa kanya ang isanlibong salaping ginto at ibigay sa may sampung libong salaping ginto. 29 Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. 30 Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang walang silbing taong iyan! Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.'"

01 02 03 04 05 06 07 08 09 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31

Mga kasulyap-sulyap ngayon: