Ika-21 Linggo Sa Karaniwang Panahon - 25 Agosto 2013




Tumalon sa:     Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
 
Unang Pagbasa: Isaias 66:18-21


18 "Nalalaman ko ang kanilang iniisip at mga ginagawa. Darating ako upang tipunin ang lahat ng bansa, at ang mga taong iba't iba ang salita. Kapag sila'y nagkasama-sama, makikita nila ang magagawa ng aking kapangyarihan. 19 Malalaman din nilang ako ang nagpaparusa sa kanila. Ngunit magtitira ako ng ilan upang ipadala sa iba't ibang bansa. Susuguin ko sila sa Tarsis, sa Libya at sa Lydia, mga dakong sanay sa paggamit ng pana. Magsusugo rin ako sa Tubal at Javan, at sa mga baybaying hindi pa ako nababalita sa aking kabantugan. Ipahahayag nila sa lahat ng bansa kung gaano ako kadakila. 20 Bilang handog sa akin sa banal na bundok sa Jerusalem, ibabalik nila ang mga kababayan ninyo buhat sa pinagtapunan sa kanila. Sila'y darating na sakay ng mga kabayo, asno, kamelyo, karwahe at kariton, tulad ng pagdadala ng mga handog na pagkaing butil sa Templo, nakalagay sa malilinis na sisidlan ayon sa kautusan. 21 Ang iba sa kanila ay gagawin kong mga pari at ang iba naman ay Levita.


Tumalon sa:    Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Salmo: Awit 117:1-2

1 Purihin si Yahweh!
Dapat na purihin ng lahat ng bansa. Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa!


2 Pagkat ang pag-ibig na ukol sa ati'y dakila at wagas,
at ang katapatan niya'y walang wakas.
Purihin si Yahweh! 


Tumalon sa:    Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 12:5-13

5 Nalimutan na ba ninyo ang panawagan ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya, mga salitang nagpapalakas ng loob?

"Anak ko, huwag mong bale-walain ang pagtutuwid ng Panginoon,
at huwag mong mamasamain kapag ikaw ay dinidisiplina niya.


6 Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
at pinapalo ang itinuturing niyang anak."
                
7 Tiisin ninyo ang lahat ng hirap bilang pagtutuwid ng isang ama, dahil ito'y nagpapakilalang kayo'y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama? 8 Kung ang pagdidisiplina na ginagawa sa lahat ng anak ay hindi gagawin sa inyo, hindi kayo tunay na mga anak kundi kayo'y mga anak sa labas. 9 Hindi ba't dinidisiplina tayo ng ating mga magulang, at dahil diyan ay iginagalang natin sila? Hindi ba't upang tayo'y mabuhay, mas nararapat na tayo'y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu? 10 Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya. 11 Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay.
                
12 Dahil dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. 13 Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling.

Tumalon sa:     Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
 
Mabuting Balita: Lucas 13:22-30



22 Nagpatuloy si Jesus sa kanyang paglalakbay, at siya'y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan papuntang Jerusalem. 23 Minsan may nagtanong sa kanya, "Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?"
               
Sinabi niya sa kanila, 24 "Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag ang pinto ay isinara na ng pinuno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, 'Panginoon, papasukin po ninyo kami.' Ngunit sasabihin niya sa inyo, 'Hindi ko kayo kilala!' 26 Sasabihin naman ninyo, 'Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan.' 27 Sasagot naman siya, 'Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!' 28 Iiyak kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama'y ipinagtatabuyan! 29 Darating ang mga tao buhat sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli." 

Tumalon sa:    Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita


Mga kasulyap-sulyap ngayon: