Pananampalataya Sa Gitna ng Pagsubok

Gospel Reflection

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
13 Nobyembre 2016
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 17 Nobyembre 2013, ilang Linggo matapos tumama sa Kabisayaan ang Bagyong Yolanda.)



God is good all the time! And all the time, God is good!

Kaysarap namnamin ng mga salitang ito. Inilalarawan nito ang paniniwala nating hindi tayo kailanman pinababayaan ng Diyos. Hindi kailanman magwawakas ang kabutihan Niya. Ipinagsisigawan natin ito ng buong lakas. Ng buong pagbubunyi.

Subalit paano kung nakilala mo si Yolanda? Paano kung natikman mo ang kanyang bagsik? Ang kanyang sungit? Paano kung nawasak ang tirahan n'yo? Nawasak ang pamayanan n'yo? Nawala ang mga mahal mo sa buhay? Paano kung ilang araw nang walang laman ang sikmura mo? Paano kung pakiramdam mo, nawasak na ang buhay mo?

Paano kung ilang araw ka nang dasal nang dasal pero parang wala namang Diyos na nakikinig sa 'yo? Pinabayaan ka na ba ng Diyos? Iniwanan ka ba Niya sa ere? Iniwan para magdusa?

Isinigaw ni Yolanda sa mga kababayan natin sa Kabisayaan kung sino siya. Totoo ngang ipinakilala niya kung gaano siya kalakas at kabagsik. At narinig natin ang kanyang sigaw. Narinig ng buong mundo.

Sa gitna ng katatapos na unos, hindi lamang ang mga nasalanta ang humaharap sa isang hamon. Tayo mang nakakita ng kanilang mga sitwasyon sa telebisyon at sa internet ay nalalagay sa timbangan ng pananampalataya.

"Sapagkat ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan." (Mateo 25:35-36)

Maliwanag ang sinabi ng Panginoong Hesus sa ating Ebanghelyo ngayong linggo. Bago dumating ang ganap na paghahari ng Anak ng Tao, darating muna ang mga digmaan at maraming sakuna. Darating din ang pag-uusig sa bawat isa sa atin.

Katunayan-- at nakita ko ito mismo sa facebook newsfeed ng isa kong kaibigan-- ilang tao ang nangangahas pang magsabing kaya dinanas ng Visaya ang ganitong trahedya ay dahil sa kanilang kasalanan at pinarurusahan sila ng Diyos. Napakalaking kasinungalingan. Sabi ko nga nang mabasa ko ang fb post, Sige! Ikaw na ang banal! Makasalanan na kaming lahat!

Kasalukuyang sinusubok ang ating mga kababayang sinalanta ni Yolanda. Inuusig din sila. Kahit na sino sa atin, banal man o makasalanan, ay maaaring dumanas ng pinagdaraanan nila ngayon. Sinabi ni Hesus,  

"Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan." (Mateo 25:40)

Sa mga pagkakataong tulad nito, ganap na masusubukan ang ating pananampalataya. Hahawakan mo ba si Kristo sa harap ng trahedya sa iyong buhay? Alam nating hindi gano'n kadaling gawin 'yon habang nagluluksa at kumakalam ang tiyan.

Sina San Lorenzo Ruiz man at si Pedro Calungsod, mga simpleng katolikong naging mga Pilipinong banal, ay humarap sa paghihirap at pag-uusig para panghawakan ang kanilang pananampalataya.

Kung hindi ka naman naapektuhan ni Yolanda, magkikibit-balikat ka na lang ba, manonood at mananatiling walang pakialam? Sarili mo na lang ba ang iintindihin mo habang panay ang post mo ng selfie sa facebook?

Mararamdaman ng mga nasalanta ang kabutihan ng Diyos kung hahayaan nating gamitin tayo ng kabutihan Niya. Bakit hindi tayo tumulong? Ang sinuman, gaano man kahirap, ay may kakayahang tumulong. Kung gugustuhin. Kung ibubukas lamang natin ang ating mga palad, ang ating mga puso.

Haharapin natin ang mga kaganapang ito--Kristyano man, muslim man o anumang relihiyon-- bilang isang bayang kumakapit sa Diyos. Dahil sa gitna ng pagsubok na ito, ipagsisigawan nating nananampalataya tayong mabuti ang Diyos at hindi Niya tayo pababayaan.

Panalangin:

O aming Amang Diyos, sa gitna po ng aming mga kalituhan at ng hamong nasa aming harapan, patuloy Ka po naming sinasamba at niluluwalhati.

Turuan Mo po kaming patuloy na kumapit sa Iyo. Kahit na po mahirap. Kahit na po masakit. Payapain Mo po ang aming mga pusong nagdadalamhati at bigyang-liwanag ang aming mga isipang naguguluhan.

Ang liwanag po nawa ni Hesu-Kristo ang aming maging tanglaw sa madilim na bahaging ito ng aming buhay. At ang tanglaw Niya ay amin nawang maging gabay sa pagtahak namin sa matinik na landasing ito.

Opo, aming Ama, idinadalangin po namin ang aming mga kababayang tinamaan ng mga kalamidad, bigyan Mo po sila ng pananampalataya at lakas ng loob na harapin ang buhay matapos ang unos. Wala pong imposible para sa Iyo, ipakita Mo po sa kanila ang pag-ibig na inialay ni Hesus sa krus.

Panginoon, hindi man po kami karapat-dapat dahil sa aming mga kasalanan ipagkaloob Mo po sa amin ang Banal na Espiritu. Turuan po sana Niya kaming maging bukas-palad. Huwag po sana kaming maging manhid sa Iyong tawag ng pagtulong.

Itinataas namin ang lahat ng ito, sa katamis-tamisang pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo, aming sinasampalatayanan noon, ngayon at magpakailanman. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: