Ikaapat Na Linggo ng Adbiyento - 22 Disyembre 2013



Tumalon sa:      Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Unang Pagbasa: Isaias 7:10-14

10 Muling nagsalita si Yahweh kay Ahaz:

11 "Humingi ka ng palatandaan kay Yahweh na iyong Diyos, maging ito ay buhat sa malalim na libingan o sa kaitaasan ng langit."

12 Ngunit sinabi ni Ahaz: "Hindi po ako hihingi. Hindi ko po susubukin si Yahweh."

13 At sinabi ni Isaias: "Makinig kayo, sambahayan ni David!
Hindi pa ba sapat na subukin ninyo ang pagtitiis ng mga tao, at pati ang pagtitiis ng aking Diyos ay inyong sinusubok?

14 Dahil dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin sa pangalang Emmanuel.

Tumalon sa:     Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Salmo: Awit 24:1-6

1 Ang buong daigdig at ang lahat ng naroon,
ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.

2 Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,
inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.

3 Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?
Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?

4 Ang taong malinis ang buhay pati ang isipan,
hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;
at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.

5 Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,
ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.

6 Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,
silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah) 

Tumalon sa:     Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita

Ikalawang Pagbasa: Roma 1:1-7

1 Mula kay Pablo na isang alipin ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Magandang Balita ng Diyos.

2 Ang Magandang Balitang ito na ipinangako niya noong una pa man sa pamamagitan ng mga propeta, at sinasabi sa mga Banal na Kasulatan, 3-4 ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Tungkol sa kanyang pagiging tao, siya'y ipinanganak mula sa lahi ni David. At tungkol naman sa Espiritu ng kabanalan, ipinahayag siya bilang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang gawa, ang kanyang muling pagkabuhay. 5 Sa pamamagitan niya, tinanggap namin sa Diyos ang kaloob na maging apostol alang-alang kay Cristo, upang ang mga Hentil ay akayin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya. 6 Kayo'y kabilang sa mga tinawag na maging mga tagasunod ni Jesu-Cristo.

7 Sa inyong lahat na nasa Roma, mga minamahal ng Diyos at tinawag upang maging banal, sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Tumalon sa:     Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa

Mabuting Balita: Mateo 1:18-24

18 Ito ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nalaman ni Maria na siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 19 Subalit dahil isang taong matuwid si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa lubos na kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan si Maria nang palihim.

20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, "Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. 21 Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan."

22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,

23 "Tingnan ninyo; 'Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin itong Emmanuel.' " (Ang kahulugan nito'y "Kasama natin ang Diyos").

24 Nang magising si Jose, sinunod nga niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria.

Tumalon sa:     Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita


Mga kasulyap-sulyap ngayon: