Ikalawang Linggo ng Adbiyento - 08 Disyembre 2013



Tumalon sa:      Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Unang Pagbasa: Isaias 11:1-10

1 Naputol na tulad ng punongkahoy, ang paghahari ng anak ni Jesse.
Ngunit katulad ng pag-usbong ng mga bagong sanga sa pinutol na puno,
sa lahi niya'y lilitaw ang isang bagong hari.


2 Mananahan sa kanya ang Espiritu ni Yahweh,
ang espiritu ng karunungan at pang-unawa,
ng mabuting payo at kalakasan,
kaalaman at pagsunod at paggalang kay Yahweh.


3 Kagalakan niya ang sumunod at gumalang kay Yahweh.
Hindi siya hahatol ayon sa kanyang nakita,
o magpapasya batay sa kanyang narinig.


4 Ngunit hahatulan niya ng buong katuwiran ang mga dukha,
at ipagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
Tulad ng pamalo ang kanyang mga salita,
sa hatol niya'y mamamatay ang masasama.


5 Maghahari siyang may katarungan,
at mamamahala ng may katapatan.


6 Maninirahan ang asong-gubat sa piling ng kordero,
mahihiga ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
magkasamang manginginain ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanila'y isang batang paslit.


7 Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila'y mahihigang magkakatabi,
ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.


8 Maglalaro ang sanggol sa tabi ng lungga ng ahas,
hindi mapapahamak ang batang munti
kahit pa isuot nito ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.


9 Walang mananakit o mamiminsala
sa nasasaklaw ng aking bundok na pinagpala;
sapagkat ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala kay Yahweh,
kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.


10 Sa araw na iyon, lilitaw ang isang hari mula sa angkan ni Jesse,
at ito ang magiging palatandaan para sa mga bansa.
Ang mga bansa'y tutungo sa banal na lunsod upang siya'y parangalan. 


Tumalon sa:      Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Salmo: Awit 72:1-17

1 Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;


2 nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.


3 Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.


4 Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.


5 Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.


6 Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.


7 At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.


8 Nawa kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.


9 Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang;
isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway.


10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya,
maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.
Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia,
may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.


11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.


12 Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;


13 sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.


14 Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,
sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.


15 Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay!
At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman;
sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan,
kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.


16 Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain;
ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim
at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain.
At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,
sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.


17 Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan,
manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa,
at sa Diyos, silang lahat dumalanging: "Harinawa,
pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala." 


Tumalon sa:      Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita

Ikalawang Pagbasa: Roma 15:4-9

4 Anumang naisulat noon ay isinulat para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakasan ng loob mula sa kasulatan, magkaroon tayo ng pag-asa. 5 Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa kay Cristo Jesus, 6 upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
                
7 Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos. 8 Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno, 9 at upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat,
"Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin,
ang karangalan mo'y aking aawitin,
ang iyong pangalan, aking sasambahin."


Tumalon sa:      Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
 
Mabuting Balita: Mateo 3:1-12


1 Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. 2 Ganito ang kanyang sinasabi, "Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!" 3 Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,
Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
 

"'Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!'"

                
4 Gawa sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan, at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. 5 Dinayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea, at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. 6 Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.
                
7 Nang makita niyang lumalapit din sa kanya ang maraming Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, "Lahi ng mga ulupong! Akala ba ninyo'y makakatakas kayo sa parusa ng Diyos? 8 Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo'y talagang nagsisisi na, 9 at huwag ninyong akalain na makakaiwas kayo sa parusa ng Diyos dahil sinasabi ninyong ama ninyo si Abraham. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng tunay na mga anak ni Abraham. 10 Ngayon pa lamang ay nakahanda na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.
                
11 Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ang siyang magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. 12 Hawak na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo ngunit ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman." 

Tumalon sa:     Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita


Mga kasulyap-sulyap ngayon: