Ikatlong Linggo ng Adbiyento - 15 Disyembre 2013
Tumalon sa: Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Unang Pagbasa: Isaias 35:1-10
1 Muling sasaya ang ulilang lupain na matagal nang tigang;
mamumulaklak ang mga halaman sa disyerto.
2 Ang disyerto ay aawit sa tuwa,
ito'y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Lebanon
at mamumunga nang sagana tulad ng Carmel at Sharon.
Mamamasdan ng lahat ang kaluwalhatian
at kapangyarihan ni Yahweh.
3 Inyong palakasin ang mahinang kamay,
at patatagin ang mga tuhod na lupaypay.
4 Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
"Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob!
Darating na ang Diyos, at ililigtas ka sa mga kaaway."
5 Ang mga bulag ay makakakita, at makakarinig ang mga bingi.
6 Ang mga pilay ay lulundag na parang usa,
aawit sa galak ang mga pipi.
Mula sa kaparangan ay aagos ang tubig,
at dadaloy sa disyerto ang mga batis.
7 Ang nakakapasong buhanginan ay magiging isang lawa,
sa tigang na lupa ay bubukal ang tubig.
Ang dating tirahan ng mga asong-gubat,
ay tutubuan ng tambo at talahib.
8 Magkakaroon ng isang maluwang na lansangan,
na tatawaging Landas ng Kabanalan.
Sa landas na ito ay hindi makakaraan,
ang mga makasalanan at mga hangal.
9 Walang leon o mabangis na hayop
na makakapasok doon; ito'y para lamang sa mga tinubos.
10 Babalik sa Jerusalem ang mga tinubos ni Yahweh
na masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian sila ng kaligayahan.
Ang lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Salmo: Awit 146:6-10
6 Ang itapat mo sa kanya'y masama ring tulad niya,
kaaway ang pausigin, nang magtamo ng parusa,
7 pagkatapos na malitis, bayaan mo na magdusa,
kahit siya manalangin, huwag mo nang dinggin pa.
8 Ang dapat ay paikliin tinataglay niyang buhay,
kuhanin ng ibang tao maging kanyang katungkulan.
9 Silang mga anak niya ay dapat na maulila,
hayaan mong maging biyuda, itong giliw nilang ina.
10 Bayaan ang mga supling, maglakad at mamalimos,
sa nawasak na tahanan palayasin silang lubos.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita
Ikalawang Pagbasa: Santiago 5:7-10
7 Mga kapatid, kaya nga't magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang kapana-panabik na ani ng kanyang bukirin, at minamatyagan ang pagpatak ng ulan. 8 Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
9 Mga kapatid, huwag na kayong magsisihan sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. 10 Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
Mabuting Balita: Mateo 11:2-11
2 Nakabilanggo na noon si Juan na Tagapagbautismo. Nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Cristo kaya't nagsugo siya ng ilang mga alagad 3 upang itanong, "Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?" 4 Sumagot si Jesus, "Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita. 5 Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. 6 Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!"
7 Nang paalis na ang mga alagad ni Juan, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, "Bakit kayo nagpunta sa ilang? Ano ang nais ninyong makita? Isa bang tambo na hinihipan ng hangin? 8 Bakit kayo pumunta sa ilang? Para makita ang isang taong may mamahaling kasuotan? Ang mga nagdaramit ng ganyan ay nasa palasyo ng mga hari! 9 Ano nga ba ang nais ninyong makita? Isang propeta? a Oo, siya'y propeta. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. 10 Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng kasulatan, 'Ipadadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.' 11 Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita