Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon
21 Mayo 2023
I-click dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 01 Hunyo 2014.)
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 01 Hunyo 2014.)
'Yun bang nakita mo si crush tapos nakangiti siya sa 'yo o tumawag siya sa iyo para kumustahin ka. O bigla kang sinagot ng nililigawan mong dalaga matapos ang ilang taong panunuyo. Feeling mo puwede ka nang mamatay kinabukasan. Para kang nasa ibabaw ng mga ulap, tinatangay ng hangin papunta sa kanyang mga bisig. Kalerki.
Akala mo, wala ka nang pag-asang manalo sa contest na sinalihan mo o matanggap sa trabaho dahil sa mga kapalpakan mo tapos makakatanggap kang bigla ng tawag o e-mail o text message na nagsasabing nanalo ka o natanggap ka sa trabaho.
'Yung feeling na parang wala nang kalutasan ang problema mo. Hindi mo na alam kung ano ang gagawin mo. Biglang darating ang isang tao na siyang ginamit ng Diyos para masolusyonan ang problema mo. All of a sudden, nakaramdam ka ng relief at matinding kaligayahan dahil na-feel mong hindi ka pala pinababayaan ni Lord.
Heaven ang feeling kapag ganito. Parang anggaan-gaan ng pakiramdam.
Ngayong linggong ito, inaalala natin ang pag-akyat sa heaven ng ating Panginoong Hesus. Kaiba ang heaven na pinuntahan ni Hesus kumpara sa mga heaven na nararamdaman natin dito sa mundo. Ang matinding kaligayahang inaalok ng mundo'y panandalian lamang samantalang walang hanggan ang sa Diyos.
Umakyat sa langit si Hesus upang ipaghanda ng puwang sa buhay na walang hanggan ang mga tapat sa Kanya. Nakaluklok Siya ngayon kasama ng Ama at ng Espiritu Santo. Muling magbabalik upang hukuman ang mga buhay at mga patay. Lagi nating inihahayag sa Banal na Misa ang ating pananampalataya sa katotohanang ito.
Sa Kanyang pagbabalik, titimbangin Niya ang mga nagawa natin sa mundo. Kung natupad ba natin ang misyong iniatang sa bawat isa sa atin, "...gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo." (Mateo 28:19-20)
Nasa itaas ang langit. At dahil malayo ito, pakiramdam tuloy ng marami sa atin ay napakalayo ng Diyos. Na wala Siyang pakialam sa ating mga tao habang pinanonood tayo mula sa malayo. Mali ang kaisipang ito dahil lagi natin Siyang kasama. Ipinangako Niya sa Ebanghelyo noong isang linggo, "dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan..." (Juan 14:16-17)
Maiksi lang ang ating mga buhay. Sabi nga ng ilan, suwerte ka na kapag umabot ka sa edad na animnapu. Hindi pa kasama rito ang posibilidad ng mga aksidente. Pagnilayan natin ngayong linggo ang kaluwalhatiang naramdaman ng mga apostol habang umaakyat sa langit si Hesus at ang misyong tinanggap nila mula kay Hesus.
Kung hindi ka na magising bukas, nagawa mo na ba ang misyong ibinigay Niya sa iyo? Handa ka na bang maranasan ang totoong heaven?
Panalangin:
O aming Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, Ikaw po'y aming sinasamba at niluluwalhati. Ang Iyong kabutihan ang dahilan kung bakit kami ngayon nabubuhay. Ang kabutihan Mo rin ang dahilan kung paano kami nagkaroon ng pagkakataong makisalo sa Kaluwalhatian Mo. Ang kaisahan Ninyo ng Anak at Espiritu Santo, ang bukal ng buhay na walang hanggang ipinagkaloob ng Kordero ng Diyos.
Panginoon, sumaamin po sana ang Iyong kaharian habang kami'y namamalagi pa sa mundong ito. Maramdaman po sana namin ang pagkilos ng Espiritu Santo sa pang-araw-araw naming mga buhay. Manatili Ka po sana sa aming mga puso. Batid po naming hindi kami karapat-dapat at patuloy na naninikluhod sa Iyong pagpapatawad. Unti-unti po, gawin Mo po kaming karapat-dapat sa Iyong kaharian.
Matupad po sana namin ang utos ni Hesus na binyagan ang lahat ng tao sa mundo sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.