Ikaanim Na Linggo Ng Pasko Ng Muling Pagkabuhay - 25 Mayo 2014



Unang Pagbasa: Gawa 8:5-8. 14-17

5 Nagpunta si Felipe sa lunsod ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo. 6 Nang mapakinggan ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginagawa niya, inisip nilang mabuti ang kanyang sinasabi. 7 Ang masasamang espiritu ay umaalis sa mga taong sinasapian ng mga ito at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang napagaling 8 kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon.

14 Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating doon, ipinanalangin ng dalawang apostol ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, 16 sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga Samaritano at tumanggap ang mga ito ng Espiritu Santo.

Salmo: Awit 66:1-3. 4-5. 6-7. 16-20

1 Sumigaw sa galak ang mga nilalang!

2 At purihin ang Diyos na may kagalakan;
wagas na papuri sa kanya'y ibigay!
Awitan siya't luwalhatiin siya!

3 Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
"Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga;
yuyuko sa takot ang mga kaaway,
dahilan sa taglay mong kapangyarihan.

4 Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba,
awit ng papuri yaong kinakanta;
ang iyong pangala'y pinupuri nila." 

5 Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,
ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.

6 Naging tuyong lupa kahit na karagatan,
mga ninuno nati'y doon dumaan;
doo'y naramdaman labis na kagalakan.

7 Makapangyarihang hari kailanman,
siya'y nagmamasid magpakailanman;
kaya huwag magtatangkang sa kanya'y lumaban. 

16 Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos,
at sa inyo'y aking isasaysay ang kanyang ginawang mga kabutihan.

17 Ako ay tumawag, sa Diyos ay nagpuri,
kanyang karangalan, aking sinasabi.

18 Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy,
di sana ako dininig ng ating Panginoon.

19 Ngunit tunay akong dininig ng Diyos,
sa aking dalangin, ako ay sinagot.

20 Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan,
pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan,
at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan.

Ikalawang Pagbasa: 1 Pedro 3:15-18

15 Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso at sambahin ninyo siya bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa na nasa inyo. 16 Ngunit maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagpapaliwanag. Bilang mga lingkod ni Cristo, panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali. 17 Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang ito'y ipahintulot ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa espiritu. 

Mabuting Balita: Juan 14:15-21

15 Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga itinuturo. 16 Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman. 17 Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili sa inyo.

18 Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng mundong ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo.

21 Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: