Ikaapat Na Linggo Ng Pasko Ng Muling Pagkabuhay - 11 Mayo 2014

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo



Unang Pagbasa: Gawa 2:14. 36-41

14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, "Mga taga-Judea, at kayong lahat na mga panauhin sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko.

36 "Kaya't dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay siyang ginawa ng Diyos na Panginoon at Cristo!"

37 Nabagbag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, "Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?"

38 Sumagot si Pedro, "Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu Santo. 39 Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos."

40 Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, "Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang sasapitin ng masamang lahing ito."

41 Kaya't ang mga tumanggap sa sinabi niya ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon.

Salmo: Awit 23:1-6

1 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;

2 pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.

3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.

4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.

5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.

6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang,
siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.

Ikalawang Pagbasa: 1 Pedro 2:20-25

20 Maipagmamalaki ba ang magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit kung magtiis kayo ng hirap sa kabila ng paggawa ninyo ng mabuti, pagpapalain kayo ng Diyos. 21 Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng isang halimbawang dapat tularan. 22 Hindi siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman. 23 Nang siya'y insultuhin, hindi siya gumanti. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol. 24 Sa kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay na sa kasalanan at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kayo'y pinagaling na sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. 25 Sapagkat kayo ay tulad ng mga tupang naliligaw, ngunit ngayon kayo'y nanumbalik na upang sumunod sa Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa.

Mabuting Balita: Juan 10:1-10

1 Pakatandaan ninyo: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan ay magnanakaw at tulisan. 2 Ang tunay na pastol ay sa pintuan nagdaraan. 3 Pinapapasok siya ng gwardiya, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. 4 Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. 5 Hindi sila sumusunod sa iba, kundi patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.

6 Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.

7 Kaya't muling sinabi ni Jesus, Pakatandaan ninyo: ako nga ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. 8 Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. 9 Ako nga ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, ng isang buhay na masagana at ganap.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: