Araw Ng Dalawang Pag-ibig

Sunday Gospel Reflection

Ikaapat Na Linggo Ng Pasko Ng Muling Pagkabuhay
Linggo Ng Panginoon, ang Mabuting Pastol; Araw Ng Mga Ina
11 Mayo 2014


"Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak?
Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal?
Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak,
hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali." (Isaias 49:15)

Madalas gamitin ng mga speaker ang talatang ito sa Lumang Tipan kapag pinag-uusapan ang pag-ibig ng Diyos. Kung hindi man nila ito direktang banggitin, minsan ay pinakakanta na lang nila ang kantang "Hindi Kita Malilimutan" na hinango sa mga nasabing berso.

Sino nga bang ina ang makakalimot sa kanyang anak na nagmula sa kanya? Na naging bahagi niya? Na namalagi at inalagaan niya sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan?

Kinilala ng may-akda sumulat ng berso ang kadakilaan ng pag-ibig ng isang ina at itinulad dito ang pag-ibig ng Diyos. Dalawang dakilang pag-ibig na sinubok na ng kasaysayan at naramdaman na ng marami sa atin.

(Personally, hindi ko na matandaan ang aking inang namatay noong mahigit dalawang taong gulang pa lamang ako. Pero alam kong minahal niya ako. At naramdaman ko rin ang pag-ibig ng maraming inang dumating sa buhay ko.)


Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, ipinakikilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang isang Mabuting Pastol. Isang pastol na handang mag-alay ng buhay para sa kanyang mga tupa.

Tayo ang mga tupa. Ang marami sa atin ay mga naliligaw na tupa. Tinitipon tayo ni Hesus palapit sa Kanya. Kung tayo'y sa Kanya. Makikilala natin Siya at pakikinggan natin ang Kanyang tinig. Ang tinig Niyang humihimok sa ating manalig sa Kanya. Nag-aalok ng kapahingahan at ng buhay na walang hanggan.

Ngayo'y araw ng dalawang pag-ibig; pag-ibig ng mga ina at pag-ibig ni Kristong Mabuting Pastol natin. Batid nating parehas na dakila ang mga pag-ibig na ito. Walang duda ang bagay na ito subalit paano nga ba natin pinahahalagahan ang pag-ibig na kaloob nila?

Paano natin pinahahalagahan ang ating ina? Paano natin pinahahalagahan si Hesus, ang Mabuting Pastol? Paano natin pinahahalagahan silang laging nag-aalaga sa atin? Kailan ba natin huling sinabi sa kanila ang mga katagang "I love you"?


Panalangin:

Ama, Diyos at Panginoon namin, ang aming puso'y ipinagkakaloob namin sa Iyo. Pagsamba at pagluwalhati ang aming handog sa Iyong mapagpalang Pangalan.

Kami'y mga tupang ipinagkatiwala Mo sa Iyong Bugtong na Anak na si Hesus. Siya ang Mabuting Pastol na nagkaloob ng Kanyang buhay para sa amin. Pinasasalamatan Ka po naming lagi sa Iyong kabutihang palagiang nagkakaloob ng biyaya sa amin.

O aming Ama, tularan po sana ng aming mga obispo, mga pari at mga laykong lider ang halimbawa ni Hesus. Gabayan po sana nila ang mga pamayanan patungo sa Iyo. Sundin po sana namin ang kababaang-loob ni Hesus upang mapaglingkuran namin ang aming kapwang uhaw sa Iyo.

Gayundin po, idinadalangin namin ang mga ina. Patuloy po sana nilang magabayan ang kanilang mga anak patungo sa Iyo. Manatili po sana silang mga maliliwanag na ilaw ng tahanan. Palakihin po sana nila ang kanilang mga anak na may takot at pananampalataya sa Iyo.

Ang lahat ng ito ay iniluluhog namin, ngayong araw ng dalawang pag-ibig, sa matamis na Pangalan ni Hesus, ang Mabuting Pastol na kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.




Mga kasulyap-sulyap ngayon: