"Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin." (Lucas 6:22)
07-Linggo 08-Lunes 09-Martes 10-Miyerkules 11-Huwebes 12-Biyernes 13-Sabado
_________________________________________
07 Setyembre 2014
Ika-23 Linggo Sa Karaniwang Panahon
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. (Unang Pagbasa: Ezekiel 33:7-9; Salmo: Awit 95:1-2. 6-7. 8-9; Ikalawang Pagbasa: Roma 13:8-10; Mabuting Balita: Mateo 18:15-20)
I-click po dito para sa Gospel Reflection.
I-click po dito para sa Gospel Reflection.
"Sinasabi ko pa rin sa inyo: kung ang dalawa sa inyo rito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.” (Mateo 18:19-20)
_________________________________________
08 Setyembre 2014
Unang Pagbasa: Mikas 5:1-4; Salmo: Awit 13:6
Mabuting Balita: Mateo 1:18-23
18 Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo.
19 Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya.
20 Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, 21 at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.”
22 Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: 23 “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasa-atin-ang-Diyos.”
09 Setyembre 2014
Unang Pagbasa: 1 Corinto 6:1-11; Salmo: Awit 149:1-9
Mabuting Balita: Lucas 6:12-19
12 Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. 13 Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: 14 si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, 15 si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, 16 si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
17 Pagkababa kasama nila, tumigil si Jesus sa isang patag na lugar. Naroon ang maraming alagad niya, at napakarami ring tao mula sa buong Judea at Jerusalem at mula sa baybaying dako ng Tiro at Sidon 18 ang dumating para makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Gumaling din ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. 19 Kayat sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya dahil may kapangyarihang lumalabas sa kanya, na nagpapagaling sa lahat.
10 Setyembre 2014
Unang Pagbasa: 1 Corinto 7:25-31; Salmo: Awit 45:11-17
Mabuting Balita: Lucas 6:20-26
20 Tumingala noon si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi:
“Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon sapagkat bubusugin kayo.
Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon sapagkat tatawa kayo.
22 Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. 23 Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.
24 Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa!
25 Sawimpalad kayong mga busog ngayon sapagkat magugutom kayo!
Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak!
26 Sawimpalad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao dahil ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.
11 Setyembre 2014
Unang Pagbasa: 1 Corinto 8:1-13; Salmo: Awit 139:1-24
Mabuting Balita: Lucas 6:27-38
27 Ngunit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, 28 pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ninyo ang tumatrato sa inyo nang masama. 29 Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Sa umaagaw ng iyong kamiseta, huwag mong itanggi ang iyong sando. 30 Magbigay ka sa sinumang humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang hingin pa uli.
31 Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin nila sa inyo.
32 Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. 33 Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa nito sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Iyon din ang ginagawa ng mga makasalanan. 34 Kung nagpapautang kayo sa mga inaasahan ninyong makapagbabayad, ano ang kahanga-hanga roon? Nagpapautang din ang mga makasalanan sa mga makasalanan para matanggap ang katumbas.
35 Sa halip ay mahalin ninyo ang inyong mga kaaway; gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang inaasahang anuman. Kaya gagantimpalaan kayo nang malaki at magiging mga anak ng Kataas-taasan dahil butihin siya sa mga walang-utang-na-loob at masasama. 36 Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain.
37 Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. 38 Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan – isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang mabubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
12 Setyembre 2014
Unang Pagbasa: 1 Corinto 9:16-27; Salmo: Awit 84:3-12
Mabuting Balita: Lucas 6:39-42
39 Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinhaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? 40 Hindi higit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad.
41 Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. 42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.
13 Setyembre 2014
Unang Pagbasa: 1 Corinto 10:14-22; Salmo: Awit 116:12-18
Mabuting Balita: Lucas 6:43-49
43 Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. 44 Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. 45 Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At sinasabi nga ng bibig ang umaapaw mula sa puso.
46 Bakit pa ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko?
47 Ilalarawan ko sa inyo ang lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at tumutupad nito. 48 May isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay nang malalim at sa batuhan inilagay ang mga pundasyon. Pagdating ng baha, hinampas ng agos ang bahay na iyon pero wala itong lakas para yanigin iyon sapagkat mabuti ang pagkakatatag niyon.
49 At kung may nakaririnig ngunit di naman nagsasagawa, matutulad siya sa nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na wala namang pundasyon. Hinampas ito ng agos at kaagad bumagsak. Anong laki ng pagkawasak ng bahay na iyon!”
07-Linggo 08-Lunes 09-Martes 10-Miyerkules 11-Huwebes 12-Biyernes 13-Sabado