"Kaya’t ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”
(Mateo 20:16)
Unang Pagbasa: Isaias 55:6-9
Hanapin ang Panginoon samantalang siya’y iyong makikita, siya ang tawagin habang malapit pa. Ang mga gawain ng taong masama’y dapat nang talikdan, at ang mga liko’y dapat magbago na ng maling isipan; sila’y manunumbalik, lumapit sa Panginoon upang kahabagan, at mula sa Diyos, matatamo nila ang kapatawaran.
Ang wika ng Panginoon: “Ang aking isipa’y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maaabot ng inyong akala.”
Salmo: Awit 145:2-3. 8-9. 17-18
Tugon: Ang D’yos ay tapat at totoo
sa dumadalanging tao!
Aking pupurihi’t pasasalamatan ang D’yos araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
Dakila ang Poon, at karapat-dapat na siya’y purihin;
ang kadakilaan niya ay mahirap nating unawain.
Ang Panginoong Diyos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag.
Banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya’y mamamalagi.
Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao.
Sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.
Ikalawang Pagbasa: Filipos 1:20-24. 27
Mga kapatid: Ang aking pinakananais ay, sa mabuhay o sa mamatay, mabigyan ko ng karangalan si Kristo. Sapagkat para sa akin si Kristo ang buhay at dahil dito’y pakinabang ang kamatayan. Ngunit kung sa pananatili kong buhay ay makagagawa ako ng mabubuting bagay, hindi ko malaman ngayon kung alin ang aking pipiliin sa dalawang hangarin. Ang ibig ko’y pumanaw na sa buhay na ito upang makapiling ni Kristo, yamang ito ang lalong mabuti para sa akin. Sa kabilang dako, kung mananatili akong buhay ay makabubuti naman sa inyo.
Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay ayon sa Mabuting Balita tungkol kay Kristo.
Mabuting Balita: Mateo 20:1-16
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: lumabas nang umagang-umaga ang may-ari ng ubasan upang humanap ng mga manggagawa. Nang magkasundo na sila sa upa na isang denaryo maghapon, sila’y pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-iikasiyam ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa liwasang-bayan. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumaroon din kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ At pumaroon nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-iikalabindalawa ng tanghali at nang mag-iikatlo ng hapon, at gayon din ang ginawa niya. Nang magiikalima ng hapon, siya’y lumabas uli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit kayo tatayu-tayo lang dito sa buong maghapon?’ ‘Wala pong magbigay sa amin ng trabaho, e!’ sagot nila. At sinabi niya, ‘Kung gayon, pumaroon kayo at gumawa sa aking ubasan.’
Pagtatakip-silim, sinabi ng mayari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at sila’y upahan, magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.’ Ang mga nagsimula nang magiikalima ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang denaryo.
At nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa’y tumanggap din ng isang denaryo. Pagkatanggap nito, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sabi nila, ‘Isang oras lang pong gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagpagal at nagtiis ng nakapapasong init ng araw. Bakit naman po ninyo pinagpare-pareho ang upa sa amin?’ At sinabi niya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo? Kunin mo ang ganang iyo, at umalis ka na. Maano kung ibig kong upahan ang nahuli nang tulad ng upa ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin ang aking maibigan sa ari-arian ko? O naiinggit ka lang sa aking kabutihang-loob?’ Kaya’t ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”