General Cleaning

Sunday Gospel Reflection

Ang Pagtatalaga sa Basilikang Laterano
09 Nobyembre 2014


Lihim akong natuwa nang marinig ko ang balita tungkol sa isang artistang babaeng binreak o nakipag-break sa kanyang boyfriend dahil hindi pumayag si babae sa isang pre-marital na relasyong sekswal. It made me realize na may mga babae pa talagang nagpapahalaga sa kanilang virginity. Na nagagawa nilang igalang ang kanilang mga sarili. Taliwas sa idinidikta sa kanila ng mundo.

Sa linggong ito, ipinapaalala ng ating simbahan na tayo ang mga buhay na templo ng Diyos. Ang terminong templo ay hindi lamang patungkol sa istrukturang bato kundi sa atin ring mga mananampalataya.

Ang katawan natin ang templo ng Diyos. Ito ay pag-aari ng Diyos. Ang ating buong pagkatao ay dapat nating inihahandog sa Kanya dahil ito naman ay nagmula sa Kanya.

Marami sa atin ang nabubuhay sa nosyong "katawan ko 'to, walang sinumang may pakialam kung ano ang gawin ko dito." 

Kaya kung anu-ano tuloy ang ginagawa natin sa katawan natin. Nariyang magpa-sex change. Magparetoke ng mukha at katawan o pagpapabawas ng taba. Tadtarin ng tattoo ang katawan. Abusuhin ang katawan sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Pagpapakalasing sa alak (ito ang kahinaan ko noon). Paninigarilyo. 

Hindi natin intensyong magkaroon ng diskriminasyon sa mga taong ito. Nais lang po nating ipuntong sa ginagawa natin, hindi natin ipinapahayag ang pagiging templo natin ng Diyos. Bagkus, ipinapamukha natin sa mundong ang ating katawan ay instrumento ng ating pagpapahayag ng ating mga kagustuhan at ng ating katigasan ng ulo.

Sabi nga ni San Pablo sa ating Ikalawang Pagbasa, "hindi ba ninyo alam na kayo’y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? Parurusahan ng Diyos ang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan."

Nilinis ni Hesus ang templo at inialay Niya ang kanyang sarili bilang Kordero ng Diyos na naglilinis ng ating mga kasalanan. Ginawa Niya ito bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. Tayo man ay hinihimok ring linisin ang ating mga sarili. Mga sariling tunay na templo ng Diyos. Panatilihin natin Siya sa ating mga puso. Anuman ang gagawin natin sa araw-araw ay gawin natin para sa Kanyang ikaluluwalhati.

Kaya linis-linis din ng ating mga puso at mga sarili. General cleaning kumbaga. Tanggalin natin ang galit, ang inggit, ang takot, ang pagduruda. Kung nasa puso na natin si Hesus, wala na tayong hahangarin pang iba.

Panalangin:

O aming Ama, ang lahat ng pagbubunyi, pagdakila at pagsamba ay inihahandog namin sa Inyo.

Sa pagdiriwang po namin ng Pagtatalaga sa Basilikang Laterano sa Linggong ito, itulot Mo pong mapagtanto naming ang templo Mo ay hindi lamang isang gusaling bato. Ang buhay na templo ay kaming mga nananampalataya sa Iyo.

Ama, idinadalangin namin ang aming Santo Papa. Maipakita po sana namin sa Kanya ang aming pagmamahal lalo na po sa Kanyang pagdalaw sa aming bansa sa darating na Enero 2015. Bigyan Mo po siya ng kalusugan at sapat na lakas upang patuloy Niyang magawa ang kanyang tungkulin sa aming Simbahan.

Idinadalangin din po namin ang mga parokya. Ang mga pamayanan ng Iyong mga mananampalataya. Panatilihin Mo po sana sa amin ang aming pagkakaisa. Maipahayag po sana namin ang aming pagmamahal at paglilingkod sa Iyo. Lalo na po sa aming pakikiisa sa Banal na Misa. Ang pinakamataas naming pagsamba kung saan naririnig namin ang Iyong Salita at tinatanggap namin ang Iyong Bugtong na Anak sa Sakramento ng Eukaristiya.

Ama, kami ang mga buhay Mong templo, gamitin Mo po kami sa Iyong ikaluluwalhati.

Sa Pangalan ni Hesus, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: