Power In The Hands Of The Weak

Gospel Reflection

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
19 Nobyembre 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 16 Nobyembre 2014.)


"Power in the hands of the weak is less than nothing!"

Isang kaibigan at kaklase ko sa kolehiyo ang nagsabi sa akin nito. Hindi ko alam kung sino ang may sabi ng nasabing quotation. Sinubukan ko itong i-google pero hindi ko makita. Pero ang quote na ito ang isa sa mga driving force sa kung sino at kung ano ako ngayon.


Tayong lahat ay binibigyan ng Diyos ng tatlong "t"-- time, treasure and talents. Nagtitiwala ang Diyos na pangangasiwaan natin ng maigi ang mga resources na ito. Hindi man tayo pantay-pantay sa mga biyayang mula sa Diyos, iisa ang inaasahan Niya mula sa atin. Gagamitin natin kung anuman ang mayroon tayo para sa kabutihan.

Kapangyarihan ang kaloob sa atin ng bawat biyayang nagmumula sa Diyos. May kalakip itong responsibilidad. Gamit ang ating God-given na freewill, inilalagay ng Diyos sa ating mga kamay ang desisyon kung paano natin gagamitin ang mga ito. Gagawa ba tayo ng mabuti o ng masama? Uunahin ba natin ang pagtulong sa iba o ang mga sarili nating kapritso?


Ibinibigay sa atin ng Diyos ang mga bagay na kaya lang nating i-manage. Kung hindi natin magawang i-manage ng maayos ang maliit na halaga, lalong hindi natin magagawang i-manage ang mas malaking yaman. Kung hindi tayo magiging responsableng mga miyembro ng ating mandated organization, lalong hindi tayo magiging responsableng opisyal. Tulad nga ng laging sinasabi sa atin sa mga catholic seminars at workshops, "a good leader is a good follower."


Ito ang dahilan kung bakit magkakaiba ang mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos. Subalit magkakaiba man ang mga biyaya, iisa lamang ang Espiritu Santong nagkakaloob.


Pagyamanin natin ang lahat ng kaloob Niya. Gamitin natin ito para sa Kanyang kaluwalhatian. Tandaan nating walang silbi ang kapangyarihang nasa ating mga kamay kung hindi natin ito magagamit ng maayos. Kaya humingi tayo ng paggabay mula sa Diyos upang magkaroon tayo ng sapat na lakas at karunungan upang mainam nating mapamahalaan ang Kanyang mga kaloob. Upang sa huli, makapagsulit tayo sa Panginoon at maipakita nating nagkaroon ng saysay ang mga kaloob na ipinagkatiwala Niya sa atin.


Panalangin:


Ama naming makapangyarihan sa lahat, bukal ng aming buhay at ng lahat ng biyayang hawak namin ngayon, papuri, pagsamba, pagluwalhati at pag-ibig ang kaloob namin sa Iyo. Kaming mga inangkin Mong Anak sa pamamagitan ni Kristong aming panginoon ay tumatanaw ng utang na loob sa Iyong pag-ibig at kabutihan.


Ama, pinasasalamatan po namin ang lahat mga biyayang ipinagkatiwala Mo sa amin. Magamit po sana namin ito para sa aming kabutihan at para sa kabutihan ng aming kapwa. Pamahalaan po sana namin ito ng aming buong puso at pag-iisip upang mapagyaman namin at mapalago.


Magawa po sana naming ibalik sa Iyo ang mga biyayang ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga ito sa kabutihan at para sa kaluwalhatian Mo. Bigyan Mo po kami ng pusong bukas-palad. 


Ama, ang lahat ng ito ay hinihingi po namin sa Pangalan ni Hesus, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: