Ikatlong Araw ng Simbang Gabi - 18 Disyembre 2014



“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki, at tatawagin itong Emmanuel,” ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos.” 
(Mateo 1:23)


Unang Pagbasa: Jeremias 23:5-8

“Nalalapit na ang araw,” sabi ng Panginoon, “na pasisibulin ko mula sa lahi ni David ang isang sangang matuwid, isang hari na buong karunungang maghahari. Paiiralin niya sa buong lupain ang batas at katarungan. Magiging matiwasay ang Juda sa panahon ng kanyang pamamahala, at ang Israel ay mapayapang mamumuhay. Ito ang pangalang itatawag sa kanya: ‘Ang Panginoon ay Matuwid.’ ” 

Sinasabi ng Panginoon, “Darating nga ang panahon na ang mga tao’y di na manunumpa nang ganito: ‘Nariya’t buhay ang Panginoong nagpalaya sa Israel mula sa Egipto.’ Sa halip, sasabihin nila, ‘Saksi ko ang Panginoon na nagpalaya sa mga Israelita mula sa lupain sa hilaga at sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Babalik sila sa sariling lupa at doon muling mamumuhay.’ ”

Salmo: Awit 72:1-2. 12-13. 18-19

Tugon: Mabubuhay s’yang marangal 
           at sasagana kailanman!

Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran, 
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan; 
upang siya’y maging tapat mamahala sa ’yong bayan, 
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay. 

Kanya namang ililigtas ang sinumang tumatawag, 
lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap; 
sa ganitong mga tao siya’y lubhang nahahabag; 
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas. 

Ang Poong Diyos ng Israel, purihin ng taong madla; 
ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa. 
Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman, 
at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan! Amen! Amen! 

Mabuting Balita: Mateo 1:18-24

Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.” 

Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki, at tatawagin itong Emmanuel,” ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos.” Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinanganlan nga niyang Hesus. 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: