“Ako’y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak.” (Juan 1:26-27)
Unang Pagbasa: Isaias 61:1-2. 10-11
Pinuspos ako ng Panginoon ng kanyang Espiritu.
Hinirang niya ako upang ang magandang balita’y dalhin sa mahihirap, pagalingin ang sugat ng puso, palayain ang mga bihag at bilanggo. Sinugo niya ako, upang ibalitang ngayo’y panahon nang iligtas ng Panginoon yaong mga tao na hinirang niya. At ang Jerusalem sa ginawang ito’y pawang malulugod, anaki’y dalagang gayak ay pangkasal, siya’y parang dinamtan ng kaligtasan at pagtatagumpay. Kung paanong ang binhi ay tiyak na tutubo at sisibol, gayon ang pagliligtas ng Panginoon sa bayang kanyang hinirang. Dahil dito, lahat ng bansa ay magpupuri sa kanya.
Salmo: Lucas 1:46-48. 49-50. 53-54
Tugon: Sa Poong D’yos malulugod
ang hinirang niyang lunsod!
Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!
At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi.
Dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan –
Banal ang kanyang pangalan!
Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya,
sa lahat ng sali’t saling lahi.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang.
Ikalawang Pagbasa: 1 Tesalonica 5:16-24
Mga kapatid: Magalak kayong lagi; maging matiyaga sa pananalangin. Ipagpasalamat ninyo sa pangalan ni Kristo Hesus ang lahat ng pangyayari, sapagkat yaon ang ibig ng Diyos.
Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. Huwag ninyong hamakin ang anumang pahayag mula sa Diyos. Suriin ninyo ang lahat ng bagay at pulutin ang mabuti. Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.
Nawa’y lubusan kayong pabanalin ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa’y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan – ang espiritu, kaluluwa, at katawan – hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Hesukristo. Tapat ang tumawag sa inyo, at gagawin niya ang mga bagay na ito.
Mabuting Balita: Juan 1:6-8.19-28
Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at manalig sa ilaw ang lahat dahil sa patotoo niya. Hindi siya ang ilaw kundi naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.
Nang suguin ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang saserdote at Levita upang itanong kung sino siya, sinabi niyang hindi siya ang Mesiyas. “Kung gayo’y sino ka?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi po,” tugon niya. “Ikaw ba ang Propetang hinihintay namin?” Sumagot siya, “Hindi po.” “Sino ka kung gayon?” tanong nila uli. “Sabihin mo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” Sumagot si Juan, “Ako ‘Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang: Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!’ ” Ang propeta Isaias ang maysabi nito.
Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbibinyag, hindi pala naman ikaw ang Mesiyas, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sumagot siya, “Ako’y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak.”
Ito’y nangyari sa Betania, sa ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.