“Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito.” (Marcos 1:15)
Ito ang sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, “Ako’y nakikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, gayon din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo – mga ibon, maaamo’t maiilap na hayop na kasama ninyo sa daong.
Ito ang masasabi ko sa aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma’y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.”
Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo. Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari, aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay.”
Salmo: Awit 25:4-5. 6-7. 8-9
Tugon: Poon, iyong minamahal
ang tapat sa iyong tipan!
Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod.
Ayon sa matuwid, ako ay turuan;
ituro mo, Poon, ang katotohanan.
Tagapagligtas ko na inaasahan.
Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa’y nahayag.
Pagka’t pag-ibig mo’y hindi nagmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin!
Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay.
Sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.
Ikalawang Pagbasa: 1 Pedro 3:18-22
Pinakamamahal kong mga kapatid: Si Kristo’y namatay para sa inyo. Namatay siya dahil sa kasalanan ng lahat – ang walang kasalanan para sa mga makasalanan – upang iharap kayo sa Diyos.
Siya’y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa Espiritu. Sa kalagayang ito, pinuntahan niya at inaralan ang mga espiritung nakabilanggo.
Iyan ang mga espiritung ayaw sumunod nang sila’y matiyagang hinihintay ng Diyos noong panahon ni Noe, samantalang ginagawa nito ang daong. Sa tulong ng daong na ito’y iilang tao – wawalo – ang nakaligtas sa baha.
Ang tubig ay larawan ng binyag na nagliligtas ngayon sa inyo. Ang binyag ay hindi paglilinis ng dumi ng katawan kundi isang pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng binyag sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesukristo, na umakyat sa langit at ngayo’y nakaluklok sa kanan ng Diyos. Naghahari siya roon sa mga anghel at sa mga kapangyarihan at lakas na panlangit.
Mabuting Balita: Marcos 1:12-15
Noong panahong iyon, si Hesus ay agad pinapunta ng Espiritu sa ilang. Nanatili siya roon nang apatnapung araw, na tinutukso ni Satanas. Maiilap na hayop ang naroon ngunit si Hesus ay pinaglilingkuran ng mga anghel.
Pagkatapos dakpin si Juan, si Hesus ay nagtungo sa Galilea at ipinangaral ang Mabuting Balitang mula sa Diyos: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito.”