Hanapan ang Blog na Ito

Post/s Para sa Linggo

Post/s Para sa Susunod na Linggo

Ipinapakita ang mga post na may etiketa na kuwaresma. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na kuwaresma. Ipakita ang lahat ng mga post

22 Marso 2026

Ikalimang Linggo ng Kuwaresma 


“Lazaro, lumabas ka!” (Juan 11:43)

Unang Pagbasa: Ezekiel 37:12-14

Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos: “Magpahayag ka. Sabihin mong ipinasasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako ang Panginoon. Hihingahan ko kayo upang kayo’y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayun, malalaman ninyo na akong Panginoon ang nagsabi nito at aking gagawin.”

Salmo: Awit 129

Tugon: Sa piling ng Poong Diyos 
           may pag-ibig at pagtubos.

Sa gitna ng paghihirap, tinawag ko’y Panginoon, 
Panginoon, ako’y dinggin pagkat ako’y tumataghoy, 
dinggin mo ang pagtawag ko’t paghingi ng iyong tulong. 

Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan, 
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan. 
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot, 
pinatawad mo nga kami upang sa ’yo ay matakot. 

Sabik akong naghihintay sa tulong mo, Panginoon, 
pagkat ako’y may tiwala sa pangako mong pagtulong. 
Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa, 
sa serenong naghihintay ng pagsapit ng umaga. 

Magtiwala ka, Israel, magtiwala sa iyong Diyos, 
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot, 
lagi siyang nahahandang sa sinuman ay tumubos, 
ililigtas ang Israel, yaong kanyang mga hirang. 
Ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan. 

Ikalawang Pagbasa: Roma 8:8-11

Mga kapatid: Ang mga nabubuhay ayon sa laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos. Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung ang Espiritu ni Kristo’y wala sa isang tao, hindi siya kay Kristo. Ngunit kung nasa inyo si Kristo, bagamat patay na ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, buhay naman ang inyong espiritu dahil sa pinawalang-sala na kayo. Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Hesukristo, ang Diyos ding iyan ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.

Mabuting Balita: Juan 11:3-7. 17. 20-27. 33b-45

Noong panahong iyon: Nagpasabi kay Hesus ang mga kapatid na babae ni Lazaro, “Panginoon, ang kaibigan mong minamahal ay may sakit.” Ngunit nang marinig ito ni Hesus ay sinabi niya, “Hindi magwawakas sa kamatayan ang sakit na ito. Nangyari ito upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito’y maparangalan ang Anak ng Diyos.” 

Mahal ni Hesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. Gayunma’y pinaraan pa niya ang dalawang araw matapos mabalitaang may sakit si Lazaro bago sinabi sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.” Pagdating ni Hesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. Nang marinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito; ngunit si Maria ay naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo’y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” wika ni Hesus. Sumagot si Marta, “Nalalaman ko pong siya’y mabubuhay uli sa huling araw, sa muling pagkabuhay.” Sinabi naman ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?” “Opo, Panginoon!” sagot niya. “Nananalig ako sa inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaasahang paparito sa sanlibutan.” 

Si Hesus ay napahimutok. “Saan ninyo siya inilibing?” tanong niya. Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” Tumangis si Hesus; kaya’t sinabi ng mga Judio, “Talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” Ngunit sinabi ng ilan, “Nakapagpadilat ng bulag ang taong ito. Bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro?” 

Muling napahimutok si Hesus pagdating sa libingan. Ito’y yungib na natatakpan ng isang bato. “Alisin ninyo ang bato,” sabi ni Hesus. Sumagot si Marta, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.” Sinabi ni Hesus, “Hindi ba sinabi ko sa iyo na kung mananalig ka sa akin ay makikita mo kung gaano kadakila ang Diyos?” At inalis nila ang bato. Tumingala si Hesus at ang wika, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, sapagkat dininig mo ako. Alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinabi ko ito dahil sa mga taong nasa paligid ko, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” Pagkasabi nito, sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” Lumabas nga si Lazaro; napupuluputan ng kayong panlibing ang kanyang mga kamay at paa, at nababalot ng panyo ang kanyang mukha. Sinabi ni Hesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya, at nang makalaya.” 

Marami sa mga Judiong dumalaw kay Maria ang nakakita sa ginawa ni Hesus at nanalig sa kanya. 



"Ginagawa namin ang lahat ng ito para sa iyo."

Madalas nating marinig sa mga magulang natin ang mga salitang ito. Hindi natin ito masyadong maintindihan pero ito naman ang totoo. Gagawin ng isang magulang ang lahat para sa kanyang mga anak.

Madaling maka-relate dito ang mga magulang na nagtatrabaho sa abroad para maitaguyod ang magandang kinabukasan ng kanilang pamilya.

Halos ganito rin ang mga Salitang mababasa natin sa Ebanghelyo natin ngayong linggo. Habang nananalangin si Hesus, narinig ng mga taong naroon sinabi niya "Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin." (Juan 11:42)

Nasa kamay ni Hesus ang lahat ng pagkakataon para pagalingin ang maysakit na si Lazaro. Hindi Niya piniling pumunta agad sa kinaroroonan nito. Hinintay muna Niyang mamatay ito upang muling buhayin.

Tumangis Siya. Nagpahayag Siya ng mga katotohanan sa Kanyang mga apostol at sa magkapatid na sina Marta at Maria. Nakita ito ng maraming tao. Nangyari ang lahat ng ito upang ganap na manalig sa Kanya ang mga alagad Niya at ang mga nakasaksi.

Sa totoo lang, kung pagninilayan nating maigi, ang lahat tungkol sa buhay ni Hesus ay para sa ating kaligtasan.

Isinilang Siya. Naging paslit. Lumaki. Naglingkod at nakisalamuha. Nagpagaling. Nagpakain ng marami. Bumuhay ng patay. Ipinagkanulo sa mga Hudyo. Nilitis at nahatulang mamatay. Pinasan ang krus ng kasalanan. Ipinako at namatay sa krus. Inilibing. Nabuhay matapos ang tatlong araw. Nagpakita sa Kanyang mga apostol. Umakyat sa langit. Naluklok sa kanan ng Diyos Ama. Muli Siyang babalik upang hukuman ang mga nabubuhay at namatay na tao.

Naganap ang lahat ng ito at ang marami pang mga pangyayari sa kasaysayan ng mga hudyo at ng ating simbahan upang magkaroon tayo ng pagkakataong makapiling ang Diyos.

"Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." (Juan 3:16)

Si Hesus ang buhay at muling pagkabuhay. Katulad ni Lazaro, hindi Niya pinababayaan ang mga umiibig sa Kanya at ang mga taong lumalapit sa Kanya taglay ang taos na pagsisisi.

Sa pagpapatuloy natin sa ating pagninilay ngayong panahon ng Kuwaresma, magawa sana nating lalo pang i-focus ang ating mga sarili kay Hesus. Tandaan nating ginawa Niya ang lahat para sa atin. 

"Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo'y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang aking mga utos. Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, itinuring ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama." (Juan 15:13-15)

Itinuring Niya tayong kaibigan. Namatay at nabuhay na muli. Ginawa Niya ang lahat ng ito para sa akin at para sa iyo.

(Sa mga panahong ito ng krisis-medikal dulot ng sakit na kung tawagin ay COVID-19, ipinamumukha sa atin kung gaano kaiksi ang ating buhay. Kung gaano kawalang-halaga ang lahat ng mga materyal na bagay na ating pinaghihirapang tamasain. Kung mamamatay ka ngayon, nakasisiguro ka bang kakamtin mo ang buhay na walang hanggan kasama si Hesus at mga banal?

Hingin natin sa Linggong ito ang awa ng Diyos na patuloy na nagliligtas at nagmamahal sa atin sa kabila ng ating mga pagkukulang.)

Panalangin:

O aming Amang nagsugo kay Hesus upang kami'y iligtas mula sa libingan ng kasalanan, palagi Ka po naming pinararangalan at sinasamba sa Pangalan ni Hesus na aming Panginoon.

Isinisigaw namin sa buong mundong si Hesus ang aming buhay at ang aming muling pagkabuhay. Sa Kanya kami laging umaasa. Ang pagtulad sa kanya'y lagi naming pinagsisikapan.

Turuan Mo po kaming laging sundin ang Iyong kalooban. Magawa po sana naming laging talikuran ang kasalanan at ang luma naming buhay na malayo sa Iyo. 

O aming ama, buhayin mo po kami.

Ang lahat ng ito sa ngalan ni Hesus na bumuhay kay Lazaro upang magawang manalig ng mga tulad naming nagsusumikap sumunod sa Kanya, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

15 Marso 2025

Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo,” ani Hesus. (Juan 9:37)

Unang Pagbasa: 1 Samuel 16:1.6-7.10-13

Noong mga araw na iyon: Sinabi ng Panginoon kay Samuel: “Magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Betlehem sapagkat pinili ko nang maging hari ang isa sa kanyang mga anak.” 

Nang magkaharap-harap na sila, nakita ni Samuel si Eliab, pinagmasdan niya itong mabuti at sinabi sa sarili, “Ito siguro ang hinirang ng Panginoon para maging hari.” 

Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan. Hindi siya ang hinirang ko. Ang batayan ko ay di tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko.” 

Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit walang pinili sa kanila ang Panginoon. Kaya’t tinanong ni Samuel si Jesse, “Wala ka na bang anak kundi iyan?” 

“Mayroon pang isa; ‘yong pinakabata, at pastol ng aking mga tupa,” sagot ni Jesse. 

Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga’t hindi siya dumarating.” At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya’y makisig na binatilyo, malusog at nangungusap ang mga mata. 

At sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Siya ang hinirang ko; pahiran mo siya ng langis.” Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at pinahiran si David sa harapan ng kanyang mga kapatid. At mula noon, sumakanya ang Espiritu ng Panginoon.

Salmo: Awit 22 

Tugon: Pastol ko’y Panginoong Diyos, 
            hindi ako magdarahop!

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang. 
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan, 
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan, 
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.

At sang-ayon sa pangako na kanyang binitiwan 
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay. 
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan, 
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay; 
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang. 

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang, 
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway; 
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan 
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw. 

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan, 
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay; 
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.  

Ikalawang Pagbasa: Efeso 5:8-14

Mga kapatid: Dati, nasa kadiliman kayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag sapagkat kayo’y sa Panginoon. Mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga taong naliwanagan sapagkat ang ibinubunga ng pamumuhay sa liwanag ay pawang mabuti, matuwid at totoo. Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. Huwag kayong makikisama sa mga taong gumagawa ng mga bagay na walang ibubungang kabutihan – mga bagay na dulot ng kadiliman. Sa halip ay ilantad ninyo sila at ang kanilang mga gawa. Sapagkat kahiya-hiyang banggitin man lamang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim. Ang lahat ng nalalantad ay naliliwanagan, at ang naliwanagan ay nagiging liwanag. Kaya’t sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, magbangon ka mula sa mga patay, at liliwanagan ka ni Kristo.”

Mabuting Balita: Juan 9:1.6-9.13-17.34-38

Noong panahong iyon: Sa paglalakad ni Hesus ay may nakita siyang isang lalaking ipinanganak na bulag. At si Hesus ay lumura sa lupa at gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pumunta ka sa deposito ng tubig sa Siloe.” (Ang kahulugan nito’y Sinugo.) “Maghilamos ka roon.” Gayon nga ang ginawa ng bulag at nang magbalik ay nakakikita na. 

Sinabi ng mga kapitbahay niya at ng mga nakakita sa kanya noong siya’y namamalimos pa, “Hindi ba iyan ang lalaking dating nagpapalimos?” Sumagot ang ilan, “Iyan nga!” “Hindi! Kamukha lang,” wika naman ng iba. At sumagot ang lalaki, “Ako nga po iyon.” 

Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag. Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Hesus ng putik at padilatin ang bulag. Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, naghilamos ako pagkatapos, at ngayo’y nakakikita na ako.” Ang sabi ng ilan sa mga Pariseo, “Hindi mula sa Diyos ang taong iyan, sapagkat hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Paanong makagagawa ng ganitong kababalaghan ang isang makasalanan?” At hindi sila magkaisa ng palagay. Kaya’t tinanong nila uli ang dating bulag, “Ikaw naman, yamang pinadilat ni Hesus ang iyong mga mata, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya?” “Siya’y isang propeta!” sagot niya. Sumagot sila, “Ipinanganak kang makasalanan at ikaw pa ang magtuturo sa amin?”At siya’y itiniwalag nila. 

Nabalitaan ni Hesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya’t tinanong niya ang lalaki nang matagpuan niya ito, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin, upang ako’y manampalataya sa kanya.” “Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo,” ani Hesus. “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” sabi ng lalaki. At sinamba niya si Hesus. 

Gospel Reflection

In The Light Of Jesus


Una kong narinig ang terminong "free will" sa kaibigan kong nag-aaral noon ng Philosophy sa isang unibersidad sa Maynila. Siya 'yung kaibigan kong madalas kong nakakausap noon ng kung ilang oras tungkol sa mga bagay-bagay sa Pilosopiya.

Ang free will-- o ang kakayahang magdesisyon para sa sarili-- ang isa sa pinakamagandang handog sa atin ng Diyos. Masasabi ring isa ito sa pinakamapanganib kung gagamitin sa maling paraan.

Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, makikita natin ang iba't-ibang reaksyon ng mga tao sa himalang ginawa ni Hesus sa isang lalaking nakakita matapos maging bulag sa buo niyang buhay. Kitang-kita natin kung paanong ginamit ng mga taong nakapaligid sa pinaghimalaang bulag ang kanilang free will. Ang ilan sa kanila ay naniwala sa himala samantalang ang iba naman ay hindi. Kahit na ang mga Pariseo ay nahati sa kanilang palagay ukol sa nangyari sa bulag.

Ang bawat tao ay may kakayahang magdesisyon para sa kanyang sarili. Nasa ating pagpili na kung maniniwala tayo at susunod sa mga aral ni Hesus. Hindi ipinipilit ng Diyos sa atin ang Kanyang sarili. Araw-araw Niyang ipinapakita at ipinadarama sa atin ang Kanyang pag-ibig. Nasa atin na kung pag-ibig din ang igaganti natin sa Kanya o tatalikod tayo sa Kanyang mga pagtawag.

Sa Kuwaresmang ito, maging tulad sana tayo sa lalaking bulag na nakakita sa pamamagitan ng Liwanag ni Kristo. Siya ang ating lakas at tagapagsagip sa gitna ng kadiliman. Gabayan sana tayo ng Banal Na Espiritu upang makita at masunod natin ang kalooban ng Diyos sa ating buhay.

Mapanganib ang maling paggamit ng free will. Ginamit ito ng mga pariseo upang lumakad patungo sa kanilang kapahamakan. Ito rin ang ginamit nila upang pagplanuhang ipapatay si Hesus. 

Gamitin natin ang ating free will upang lumakad sa liwanag ng Kristo. Kasama ang ating matibay na desisyon, pasanin natin ang pang-araw-araw nating krus sa pagsunod kay Hesus na naparito upang bigyang-liwanag ang mga bulag at makasalanang tulad natin.

Liwanag o kadiliman? Nasa mga kamay natin ang pagpili. Ikaw at ako ay may free will.

Panalangin:

O mahal naming Diyos, o aming Amang palagiang nagmamahal at kumakalinga sa amin, sa kabila ng aming karumihan at pagiging hindi karapat-dapat, hayaan po Ninyong sa gabay ng Iyong Salitang siyang Liwanag ng mundo, purihin Kang lagi ng aming kaluluwa, buong kalakasan, buong-puso at buong-pag-iisip. Ang lahat ng ito ay nagmula sa Iyo, ang lahat ng kaluwalhatian ay ibinabalik namin sa Iyo.

Sa paggabay ng Espiritu Santo, matutunan sana po naming makakita ng tunay na Liwanag sa aming pang-araw-araw na buhay. Tulungan Mo po kaming tanggapin ang Kanyang pag-ibig at pagliligtas. Angkinin po sana namin ang Kanyang pag-ibig na ipinakita niya sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus para sa amin.

Dumating Siya sa mundo subalit hindi Siya kinilala ng mundo. Turuan Mo po kaming tumalikod sa kasalanan at tahakin ang hindi madaling landas patungo sa liwanag ng kaligtasan. Salamat po sa Iyong pagpapatawad na ipinagkakaloob Mo sa mga tulad naming nagsisisi.

Aming Ama, salamat po sa kalayaang ipinagkaloob Mo. Gamitin po sana namin ito sa aming pagtulong at pag-ibig sa aming kapwang higit na aba kaysa sa amin.

Ang lahat ng ito sa Liwanag ni Hesus na kasama Mong lagi at ng Espiritu Santo. Amen.

08 Marso 2026

Ikatlong Linggo ng Kuwaresma 

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo



“Ang uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito’y magiging isang bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.” (Juan 4:13-14)

01 Marso 2026

Ikalawang Linggo ng Kuwaresma

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” (Mateo 17:5)

Unang Pagbasa: Genesis 12:1-4

Noong mga araw na iyon: Sinabi ng Panginoon kay Abram: “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo. 

Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin kong isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at mababantog ang iyong pangalan at magiging pagpapala sa marami. 

Ang sa iyo’y magpapala ay aking pagpapalain; ngunit kapag sinumpa ka, sila’y aking susumpain. Ang lahat ng mga bansa pihong ako’y hihimukin, na, tulad mong pinagpala, sila ay pagpapalain din.” 

Sumunod nga si Abram sa utos ng Panginoon.

Salmo: Awit 32 

Tugon: Poon, pag-asa ka namin, 
            pagibig mo’y aming hiling!

Panginoo’y tapat sa kanyang salita, 
at maaasahan ang kanyang ginawa. 
Minamahal niya ang gawang matapat, 
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap. 

Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala 
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga. 
Hindi babayaang sila ay mamatay, 
kahit mag-taggutom sila’y binubuhay. 

Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon; 
siya ang sanggalang natin at katulong. 
Ipagkaloob mo na aming makamit, 
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig, 
yamang ang pag-asa’y sa’yo nasasalig! 

Ikalawang Pagbasa: 2 Timoteo 1:8-10

Pinakamamahal kong kapatid: Makihati ka sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita, sa tulong ng Diyos na nagligtas at tumawag sa atin upang tayo’y maging kanyang bayan. 

Ito’y ginawa niya sa pamamagitan ni Kristo Hesus, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob na inilaan sa atin bago pa magsimula ang panahon. Ngunit nahayag lamang ito nang dumating si Kristo Hesus na ating Tagapagligtas. Nilupig niya ang kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Mabuting Balita.

Mabuting Balita: Mateo 17:1-9

Noong panahong iyon: Isinama ni Hesus si Pedro, at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila’y umakyat sa isang mataas na bundok. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus: nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuting parang busilak ang kanyang damit. Nakita na lamang at sukat ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipagusap kay Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro kay Hesus, “Panginoon, mabuti pa’y dumito na tayo. Kung ibig ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” 

Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng isang maningning na ulap. At mula rito’y may tinig na nagsabi: “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” 

Ang mga alagad ay natakot nang gayon na lamang nang marinig nila ang tinig, at sila’y napasubasob. Ngunit nilapitan sila ni Hesus at hinipo. “Tumindig kayo,” sabi niya, “huwag kayong matakot.” At nang tumingin sila ay wala silang nakita kundi si Hesus. 

At habang bumababa sila sa bundok, iniutos ni Hesus sa kanila, “Huwag ninyong sasabihin kanino man ang pangitain hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.”  



Gospel Reflection

Patikim Sa Kaluwalhatian


Hindi ako lumaki sa isang relihiyosong pamilya. Naging abala ang tatay sa pagtataguyod sa aming magkapatid. Si Nanay naman ay maagang nawala. Namatay siya isang linggo matapos niyang ipanganak ang aming bunsong kapatid na lumaki sa pamilya ng tiyahin ko.

22 Pebrero 2026

Unang Linggo ng Kuwaresma

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


Si Hesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. (Mateo 4:1)

18 Pebrero 2026

Miyerkules ng Abo 
Ebanghelyo At Mga Pagbasa

Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang makaaalam nito. Siya na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim, ang gaganti sa iyo.” (Mateo 6:18)

Unang Pagbasa: Joel 2:12-18

Sinasabi ngayon ng Panginoon: “Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin, kayo’y mag-ayuno, manangis at magdalamhati. Magsisi kayo nang taos sa puso, hindi pakitang tao lamang.” 

Magbalik loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos. Siya’y may magandang loob at puspos ng awa, mapagpahinuhod at tapat sa kanyang pangako; laging handang magpatawad at hindi magpaparusa. Maaaring lingapin kayo ng Panginoon at bigyan ng masaganang ani. Kung magkagayon, mahahandugan natin siya ng haing butil at alak. Ang trumpeta ay hipan ninyo, sa ibabaw ng Bundok ng Sion; iniutos ninyo na mag-ayuno ang lahat. 

Tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon. Tipunin ninyo ang lahat, matatanda’t bata, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal. Mga saserdote, kayo’y tumayo sa pagitan ng pasukan at ng dambana, manangis kayo’t manalangin nang ganito: “Mahabag ka sa iyong bayan, O Panginoon. Huwag mong tulutang kami’y hamaki’t pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin, ‘Nasaan ang inyong Diyos?’ ” Pagkaraan, ipinamalas ng Panginoon na siya’y nagmamalasakit sa kanyang bayan.

Salmo: Awit 50 

Tugon: Poon, iyong kaawaan 
            kaming sa ’yo’y nagsisuway.

 Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos, 
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob; 
mga kasalanan ko’y iyong pawiin, 
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin! 
Linisin mo sana ang aking karumhan 
at ipatawad mo yaring kasalanan! 

Ang pagsalansang ko ay kinikilala, 
laging nasa isip ko at alaala. 
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay, 
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan. 

Isang pusong tapat sa aki’y likhain, 
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin. 
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin; 
ang Espiritu mo ang papaghariin. 

Ang galak na dulot ng ’yong pagliligtas, 
ibalik at ako ay gawin mong tapat. 
Turuan mo akong makapagsalita, 
at pupurihin ka sa gitna ng madla. 

Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 5:20. 6:2

Mga kapatid, ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya. 

Yamang kami’y mga katulong sa gawain ng Diyos, ipinamamanhik namin sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos. Sapagkat sinasabi niya: “Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita, sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”

Tingnan ninyo! Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas!

Mabuting Balita: Mateo 6:1-6. 16-18

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit. 

“Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihan ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim. 

“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihan ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim. 

“Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagpaimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang makaaalam nito. Siya na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim, ang gaganti sa iyo.” 


Gospel Reflection

Personalan

"Trabaho lang ito, walang personalan!"

Marami sa ating mga Katoliko ngayon ay hanggang dito lang ang relasyon sa Diyos at kapwa-tao. Walang personalan. Magsisimba o magdadasal para matupad lang ang obligasyon. Mag-aayuno o magsasakripisyo para lang makabawas ng kasalanan. Maglilimos o magbibigay sa kapwa para lang masabing nagbigay.

Ang lahat ay nasa panlabas. Manhid. Walang pakiramdam. 

Ang hamon sa atin ngayong Miyerkules ng Abo, bilang pagsisimula ng Kuwaresma, ay gawing personal at mas malalim ang lahat. Magdasal tayo bilang pagpapalalim ng ating personal na relasyon sa ating Diyos. Siya ay isang Amang matiyagang naghihintay sa ating pagbabalik (Lucas 15:11-32), isang tapat na kaibigan (Juan 15:15), isang Diyos na hindi nakalilimot (Isaias 49).

Mag-ayuno dahil nais nating makihati sa paghihirap ni Hesus sa krus at sa paghihirap ng ating kapwa. Naging biktima ng matinding injustice si Hesus, marami ngayon ang mga katulad Niya. Hindi lang natin sila nakikita dahil sa ating masyadong pagiging abala. Marami  rin sa atin ang pinili na lang na ipikit ang mga mata at tanggapin ang lahat dahil iyon ang komportableng gawin.

Kasabay nito ay ang pagtaya natin sa ating pamumuhay. Ang pagbabawas sa lahat ng sobra at pagdadagdag sa mga kulang. Mula roon, habang pinagninilayan natin ang Pasyon ni HesuKristo, pinalalalim natin ang ating pandama sa tawag at kalooban ng Diyos.

Magbigay sa ating kapwa upang ibahagi sa kanila ang pag-ibig ng Diyos. Pagmamahal ang dahilan ng pagbibigay na ito. Hindi obligasyon lang o palabas. Iparating natin sa kanilang higit na kapos na hindi sila totoong nalimot ng Diyos. Ipinaaabot ng Diyos ang Kanyang pagkalinga sa pamamagitan ng mga makasalanan ding tulad nila.

Ang Kuwaresma ay higit sa ipinahid na abo sa ating noo, o sa layo ng nilakad natin sa Visita Iglesia, sa Via Crusis at sa mga prusisyon, o sa itinagal natin o sa bilang ng rosaryong na-recite natin sa mga vigil.  Ang esensya ng Kuwaresma ay ang pagsisikap nating tuparin ang dalawang pinakadakilang utos:

"Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.  Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta." (Mateo 22:37-40)

Sapagkat ang Kuwaresmang sisimulan natin sa Miyerkules ng Abo ay hindi lamang bahagi ng "trabaho" natin bilang mga Katoliko kundi isang "personal" na pangyayaring dapat na nag-uugat sa ating pusong nakikipagniig sa ating Diyos-- sa ating Amang nagkaloob ng Kanyang Bugtong na Anak bilang Korderong namatay sa Krus  at muling nabuhay para sa ating kaligtasan. 

Ang pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa ay personalan at hindi trabaho lang.


Panalangin:

O aming Amang palaging nagpupuno sa aming mga pagkukulang, purihin ang Iyong Ngalan. Dakilain ang Iyong mga ginawa upang sagipin kami mula sa kamatayang dulot ng aming mga kasalanan. 

Sinisimulan po namin ang aming personal na paghahanda para sa aming muling pag-alaala sa Misteryo Paskwal ng Iyong Anak na si HesuKristo, loobin po Ninyong lalo kaming makalapit sa Inyo. Ipadala po Ninyo sa amin ang Iyong Banal na Espiritung aming Gabay at Tagapagpabanal.

Gamitin Mo po kaming mga kasangkapan ng Iyong pag-ibig. Maunawaan din po sana naming hindi kami nilikha para lamang sa aming sariling kapakanan. Makita po nawa namin sa aming kapwa ang Iyong Anak at maisabuhay namin ang katotohanang ginagawa namin sa Inyo ang anumang gawin namin para sa mga salat sa materyal na bagay, atensyon at pag-ibig. 

Buhat sa kaibuturan ng aming mga puso, ipinapahayag naming si Hesus ang Kordero ng Diyos na nakawawala ng kasalanan ng sanlibutan. Siya ay kasama Mo na buhat pa ng una, nagkatawang-tao Siya lalang ng Espiritu Santo, ipinako sa krus, namatay, inilibing, muling nabuhay at umakyat sa langit para sa amin. Ngayo'y naluluklok Siya kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Parang Kisapmata


Linggo ng Palaspas
02 Abril 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 13 Abril 2014.)


Pumapasok tayo sa mga banal at mahal na mga araw ng pasyon ng ating Panginoong HesuKristo sa pamamagitan ng isang masayang pagdiriwang. Sinasalubong natin Siya sa pamamagitan ng pagwawagayway ng mga palaspas at mabunying pagsigaw ng "Purihin ang anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!"

Daily Gospel - 01 Abril 2023

 

At isa sa kanila, si Caifas na Punong-pari sa taong iyon, ang nagsabi: “Wala kayong kaalam-alam. Ni hindi n’yo naiintindihan na mas makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa sambayanan kaysa mapahamak ang buong bansa.” (Juan 11:49-50)

Daily Gospel - 31 Marso 2023

 

Kung ginagawa ko naman, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin, paniwalaan ninyo ang mga gawa. Kaya malalaman n’yo na nasa akin ang Ama at ako’y nasa Ama.” (Juan 10:38)

Daily Gospel - 30 Marso 2023


Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung may nagsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi niya papansinin ang kamatayan magpakailanman.” (Juan 8:51)

Daily Gospel - 29 Marso 2023

 

“Kung ang Diyos nga ang inyong Ama, mamahalin n’yo sana ako sapagkat sa Diyos ako galing at ngayo’y naparito.” (Juan 8:42)

Daily Gospel - 28 Marso 2023


“Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, maiintindihan ninyong Ako siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili ko kundi ayon sa iniaral sa akin ng Ama – ang mga ito ang aking sinasabi.” (Juan 8:28)

Daily Gospel - 27 Marso 2023

 

Sinabi ni Jesus: “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayo’y, huwag nang magkasala pa.” (Juan 8:11)

Ikalimang Linggo ng Kuwaresma - 26 Marso 2023

 Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Lazaro, lumabas ka!” (Juan 11:43)

Para Sa Iyo


Ikalimang Linggo Ng Kuwaresma
26 Marso 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 06 Abril 2014.)



"Ginagawa namin ang lahat ng ito para sa iyo."

Madalas nating marinig sa mga magulang natin ang mga salitang ito. Hindi natin ito masyadong maintindihan pero ito naman ang totoo. Gagawin ng isang magulang ang lahat para sa kanyang mga anak.

Daily Gospel - 25 Marso 2023

 

Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.”  (Lucas 1:38)

Daily Gospel - 24 Marso 2023


“Kilala n’yo nga ako at alam n’yo kung saan ako galing! Ngunit hindi ako pumarito sa ganang sarili ko. Ipinadala ako ng Totoo na hindi n’yo kilala. Kilala ko siya pagkat sa kanya ako galing at siya ang nagsugo sa akin.” (Juan 7:28-29)

Daily Gospel - 23 Marso 2023

 

May patunay naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang bigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawa mismong ginagawa ko ang nagpapatunay na sinugo ako ng Ama.  (Juan 5:36)

Daily Gospel - 22 Marso 2023

 

“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ng anuman sa sariling kusa ang Anak maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, ganoon din ang paggawa ng Anak. ” (Juan 5:19)

Daily Gospel - 21 Marso 2023

 

Sinabi sa kanya ni Jesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at maglakad-lakad!” (Juan 5:8)

Post/s ng Nakaraang Linggo

Looking for Catholic Devotional Apps?