Warm Welcome


Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon 
14 Pebrero 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 15 Pebrero 2015.)


"Di na kita love," ito ang narinig ko sa isang batang napagalitan ng kanyang nanay. Ipinapaliwanag ng inang mali ang ginawa ng bata pero paulit-ulit na sinasabi ng bata ang gayong pangungusap.

Katulad tayo ng nasabing bata. Nagtatampo tayo kapag nasasaktan tayo. Nawawala ang pagmamahal at napapalitan ng inis kapag hindi tayo napagbibigyan sa ating kagustuhan. Ganito tayong magmahal. Mabilis mawala. Mabilis magtampo.

Sabi nga ng isang quote nai-post sa fb, "ang unlimited at forever ay may pagkakapareho, parehong may expiration." At may katotohanan sa quote na ito.


Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, makakatagpo natin si Hesus na tinanggap at hinipo ang isang ketongin. Sa kultura ng mga Hudyo, ang magkaroon ng nabanggit na sakit ay itinuturing na pinakamarumi. Katunayan, hindi sila puwedeng pumasok sa mga bayan.


Subalit hindi naging hadlang ang sakit ng lalaki. Dumating si Hesus sa mundo hindi para pagalingin ang mga malulusog. Naging tao Siya para sa mga taong katulad ng lalaki.


Bukas ang kaharian ng Diyos sa lahat. Kahit ano pa ang estado mo sa buhay. Kahit ano pa ang iyong nakaraan. Ano ka man sa kasalukuyan. Tatanggapin tayo ni Hesus. Mahal Niya tayo. Basta lumapit lang tayo.


Ang alay Niyang pag-ibig ay walang kondisyon. Walang katapusan. Ikaw man ang pinakamakasalanang tao sa mundo, mahal ka ng Diyos. Period.


Paulit-ulit nating sinasaktan si Hesus. Parang lagi natin Siyang ipinapako sa krus sa tuwing nagkakasala tayo. Subalit kung magsisisi tayo at lalapit sa Kanya, paulit-ulit din Niya tayong pinatatawad.


Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi katulad ng pagmamahal ng tao. Kahit paulit-ulit natin Siyang nasasaktan, patuloy Siyang nagmamahal sa atin. Patuloy Niya tayong tinatawag na lumapit sa Kanya. 


Tinatawag Niya tayo sa araw-araw ng ating buhay. Isang warm welcome ang ibinigay ni Hesus sa lalaking ketongin. Ito rin ang isasalubong Niya kung lalapit tayo ngayon sa Kanya.


Panalangin:


Amang Diyos, sinasamba Ka namin at niluluwalhati. Inilalapit namin sa Iyo ang aming pusong nagsisisi. Kapatawaran Mo ang lunas sa lahat ng aming mga paghihirap.


Ama, pinasasalamatan po namin ang pagmamahal na inihayag Mo sa amin sa pamamagitan ng Iyong Anak na si Hesus. Tinatanggap po namin Siya sa aming mga buhay. 


Ipadala Mo po sa amin ang Banal na Espiritu upang magkamit kami ng lakas na harapin ang mga pagsubok sa aming mga buhay. Panginoon, hindi po namin ito kayang mag-isa. Saklolo Mo po ang aming lakas. Ikaw ang lagi naming pag-asa.


Ama, patatagin Mo po ang aming puso. Magawa po sana naming amining kami'y nagkasala. Magawa naming magsisi at talikuran ang buhay na malayo sa Iyo. Si Hesus po ang aming lunas. Linisin Mo po kami sa aming mga karumihan sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig.


Sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo, na laging tumatanggap sa mga katulad naming nagsisisi sa aming mga kasalanan. Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: