Linggo Ng Pasko Ng Muling Pagkabuhay - 05 Abril 2015



Hindi pa nila nauunawaan ang nasasaad sa Kasulatan, na kailangang muling mabuhay si Hesus. (Juan 20:9)

Unang Pagbasa: Gawa 10:34.37-43

Noong mga araw na iyon, nagsalita si Pedro, “Alam ninyo ang nangyari sa buong Judea na nagsimula sa Galilea nang mangaral si Juan tungkol sa binyag. Ang sinasabi ko’y tungkol kay Hesus na taga-Nazaret. Ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan bilang katunayan na siya nga ang Hinirang. Sapagkat sumasakanya ang Diyos, saanman siya pumaroon ay gumagawa siya ng kabutihan at nagpapagaling sa lahat ng pinahihirapan ng diyablo. Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Gayunman, siya’y ipinako nila sa krus. 

Ngunit muli siyang binuhay ng Diyos sa ikatlong araw. Napakita siya, hindi sa lahat ng tao kundi sa amin lamang na noon pang una’y pinili na ng Diyos bilang mga saksi. Kami ang nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya’y muling mabuhay. 

Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging Hukom ng mga buhay at mga patay. Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na bawat mananalig sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Salmo: Awit 118:1-2. 16-17. 22-23

Tugon: Araw ngayon ng Maykapal, 
           magalak tayo’t magdiwang!

O pasalamatan ang D’yos na Panginoon, pagkat siya’y mabuti; 
ang kanyang pag-ibig ay napakatatag at mananatili. 
Ang taga-Israel, bayaang sabihi’t kanilang ihayag, 
“Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi kukupas.” 

Ang lakas ng Poon, ang siyang nagdulot ng ating tagumpay 
sa pakikibaka sa ating kaaway. 
Aking sinasabing di ako papanaw, mabubuhay ako 
upang isalaysay ang gawa ng Diyos na Panginoon ko.

Ang batong natakwil ng nangagtatayo ng tirahang-bahay, 
sa lahat ng bato’y higit na mahusay. 
Ang lahat ng ito ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos. 
Kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod. 

Ikalawang Pagbasa: Colosas 3:1-4

Mga kapatid: Binuhay kayong muli, kasama ni Kristo, kaya’t ang pagsumakitan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Kristo na nakaupo sa kanan ng Diyos. 

Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo’y natatago sa Diyos, kasama ni Kristo. Si Kristo ang tunay na buhay ninyo, at pag siya’y nahayag, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan.

Mabuting Balita: Juan 20:1-9

Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!” 

Kaya’t si Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y naunahan ng kasamang alagad. Yumuko ito at sumilip sa loob. Nakita niyang nakalagay ang mga kayong lino, ngunit hindi siya pumasok. Kasunod niyang dumating si Simon Pedro at tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan. Nakita niya ang mga kayong lino, at ang panyong ibinalot sa ulo. Hindi ito kasama ng mga kayong lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating; nakita niya ito at siya’y naniwala. Hindi pa nila nauunawaan ang nasasaad sa Kasulatan, na kailangang muling mabuhay si Hesus.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: