Silent... Listen...


Linggo Ng Palaspas
28 Marso 2021


"Hosanna!" (Marcos 11:9-10) 

Isang malaking kasiyahan ang nadarama ng mga Hudyong sumalubong kay Hesus na pumapasok sa Jerusalem. Ipinagbubunyi nila ang pangalan ng ating Panginoon. Isinisigaw nila ang pagpupuri kay Hesus. Ipinapahayag nila ang pagdating ng paghahari ng Diyos.

Nakalulungkot nga lamang ang katotohanang limang araw pagkatapos ng kanilang pagbubunyi, sa araw ng Biyernes, sila rin ang mga taong sumigaw na ipako si Hesus sa krus.

Marami sa atin ang katulad nila. Gustung-gusto nating isigaw ang pagpupuri at pagsamba natin sa Kanya. Nalilimutan tuloy natin ang higit na mahalaga. 

Silent. Listen.

Dalawang salita. Parehas na mga letra. 

Kapag nagdarasal tayo, laging tayo na lang ang salita ng salita. Marami tayong gustong mangyari sa buhay natin. Marami tayong gustong makuha. Naka-focus tayo sa mga kulang sa atin. Hindi tuloy natin nakikita ang mga blessings Niya.

Subukan nating manahimik. Makinig tayo sa gustong sabihin sa atin ng Diyos. Madalas kasi hindi na natin Siya marinig sa sobrang dami ng sinasabi natin. Marami Siyang gustong sabihin sa atin. Marami Siyang mga balak sa buhay natin.

Mahalaga ang mga tahimik nating sandali kasama ang ating Panginoon. Two-way ang tunay na komunikasyon. Matapos nating magsalita ng mga gusto nating sabihin sa Kanya. Maglaan tayo ng mga sandali ng katahimikan upang marinig natin ang nais sabihin sa atin ng Diyos.

Patuloy nating isigaw sa buong mundo ang ating pagpupuri at pagsamba sa Kanya. Katulad ng ginawa ng mga Hudyo nang salubungin nila si Hesus na papasok ng Jerusalem. Ipahayag natin ang paghahari Niya sa ating buhay. Huwag nga lang nating kalimutang mahalaga rin ang katahimikan kasama Siya. 

Listen to His Words. Pray in the silence of our hearts. Listen in silence.

Panalangin:

Aming Ama, sa katahimikan ng aming mga puso, pinupuri, sinasamba at niluluwalhati po namin ang Inyong pangalan. 

Hayaan po Ninyong ipahayag namin sa buong mundong si Hesus ang Hari ng aming mga buhay. Siya ang Anak ni David na sumagip sa sangkatauhan mula sa kamatayang bunga ng aming mga kasalanan. Siya ang Kordero ng Diyos na nakawawala ng mga kasalanan ng sanlibutan.

Ama, patawarin Mo po kami sa aming mga kasalanan at mga pagkukulang. Lalo na po sa mga pagkakataong tumutulad kami sa mga Hudyong sumalubong kay Hesus sa Jerusalem. Madalas pong pinupuri Siya ng aming mga labi subalit iba ang laman ng aming mga puso. Maawa po kayo sa amin. Patawad po, Panginoon.

Sumaamin po sana ang Iyong Banal na Espiritu sa pag-alaala namin sa mga Mahal Na Araw. Turuan Mo po kaming makita ang Iyong kalooban sa mga gawain sa Parokya, sa aming mga pagsasakripisyo at pakikihati sa pasyon ni Kristo.

Pagnilayan po sana namin ang kaligtasang kaloob ni Hesus. Sa pamamagitan ng Iyong walang hanggang awa, sumaamin nawa ang buhay na walang hanggan.

Sa pangalan ni Hesus na sinalubong ng mga Hudyo sa Jerusalem. Hosanna sa Kanyang pangalang banal! Siya'y kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: