Believing Is Seeing


Ikalawang Linggo Ng Muling Pagkabuhay
11 Abril 2021

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 12 Abril 2015.)


"Kuya Lord, bakit po nanigas si Kuya Jesus?"

Nagulat ako sa tanong na iyon ng isang batang babaeng kasama sa mga tinuturuan namin ng Katekesis. Volunteer catechist ako noon ng Parish Ministry for Children sa aming parokya.

Ang tinutukoy ng bata'y ang image ni Hesus na nasa crucifix sa gitna ng altar ng simbahan. 

Saglit akong natigilan sa tanong niya. Sa isip ko'y medyo natawa ako pero siyempre, hindi ako nagpahalata sa kanya.

Binanggit ko ang pangalan ng bata. "Ang nakikita mo sa altar ay image lamang ni Jesus Christ," pagsisimula ko ng paliwanag sa kanya. "Si Kuya Jesus ay nasa puso nating lahat. Lagi Niya tayong binabantayan. Lagi natin Siyang kasama."

At sa puso ko 'yun ang totoo. Kahit ano'ng gawin natin, hindi natin makikita ang pagkilos ng Diyos kung hindi natin bubuksan ang ating puso.

Marami akong nakikilalang non-believers, sa online man o sa personal. Sila 'yung mga taong kahit anong paliwanag o argumento ang gawin mo, ipipilit nilang walang katotohanan ang Diyos. Sarado ang kanilang puso at isipan.

Lagi nating naririnig, to see is to believe. Pero sa mga mananampalatayang katulad natin, to believe is to see

Hindi natin makikilala si Hesus at matatanggap ang muli Niyang pagkabuhay kung hindi natin bubuksan ang ating puso. Hindi natin makikita ang pagkilos ng Diyos sa ating buhay kung hindi tayo magkakaroon ng kababaang-loob na amining may Makapangyarihang Kamay na kumikilos sa gitna natin.

Kung tutulad tayo kay Tomas, mananatiling patay si Hesus sa ating buhay. Patuloy tayong maghahanap ng liwanag, ng direksyon, ng kahulugan at ng kabuluhan sa ating buhay.

Hayaan nating palayain tayo ng katotohanang hatid ni Kristo. Hanggang kailan tayo mananatili sa kadiliman? Naging tao ang ilaw at nakipamayan sa atin, hanggang kailan tayo magkukubli sa kadiliman?

Believing is seeing. See the wonders of His undying love. Open the eyes of our hearts.

Panalangin:

Aming Amang Diyos, papuri at pagsamba ang lagi naming handog sa Iyo. Ang aming mga puso'y inihahandog namin sa Iyo.

Sumaamin po sana ang kapayapaang kaloob ni Hesus at magawa po sana namin itong ibahagi sa aming kapwang masyado nang binabagabag ng kanilang mga dalahin sa kanilang dibdib. 

Isinugo kami ni Hesus kung paanong Siya'y isinugo Mo, magawa po sana naming ibahagi sa iba ang Mabuting Balitang hatid ng muling pagkabuhay ni Hesus. Makita po sana sa aming pang-araw-araw na buhay ang mga bunga ng aming pananalig sa Iyo. Hayaan Mong luwalhatiin Ka ng iba sa pamamagitan ng pagkilos Mo sa pamamagitan namin. Gamitin Mo po kami, Panginoon. Gamitin Mo po kami upang maabot Mo silang mga makabagong Tomas sa aming panahon.

Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, na nabuhay na magmuli. Pinananaligan namin at sinasamba. Sa pamamagitan Niya, kasama Niya at sa Kanya, ang lahat ng papuri ay sa Iyo, Ama, kasama ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: