Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo
“Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.” (Juan 10:11)
Unang Pagbasa: Gawa 4:8-12
Noong mga araw na iyon, nagsalita si Pedro, na puspos ng Espiritu Santo: “Mga pinuno, at matatanda ng bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, talastasin ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito’y nakatindig sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Hesukristong taga-Nazaret. Siya’y inyong ipinako sa krus, ngunit muling binuhay ng Diyos.
Ang Hesus na ito, ‘ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay, ang siyang naging batong panulukan.’ Kay Hesukristo lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat sa silong ng langit, ang kanyang pangalan lamang ang ibinigay ng Diyos sa ikaliligtas ng tao.”
Salmo: Awit 118:1. 8-9. 21-23. 26. 28. 29
Tugon: Batong dating tinanggiha’y
siya pang naging saligan!
O pasalamatan ang Diyos na Panginoon, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig ay napakatatag at mananatili.
Mabuting di hamak na doon sa Poon magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
Higit ngang mabuting ang pagtitiwala sa Poo’y ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.
Aking pinupuri ikaw, Panginoon, yamang pinakinggan,
dininig mo ako’t pinapagtagumpay.
Ang batong natakwil ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato’y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos
kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod!
Ang pumaparito sa ngalan ng Poon ay pagpapalain;
magmula sa templo mga pagpapala’y kanyang tatanggapin!
Ikaw ay aking Diyos, kaya naman ako’y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
O pasalamatan ang Diyos na Poon, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig ay napakatatag at mananatili.
Ikalawang Pagbasa: 1 Juan 3:1-2
Mga pinakamamahal: Isipin ninyo kung gaano kalaki ang pagibig sa atin ng Ama! Tinatawag niya tayong mga anak ng Diyos – at iyan ang totoo.
Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan; hindi nila kinikilala ang Diyos.
Mga minamahal, sa ngayon, tayo’y mga anak ng Diyos, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Gayunman, alam nating sa pagparitong muli ni Kristo, tayo’y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin siya sa kanyang likas na kalagayan.
Mabuting Balita: Juan 10:11-18
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus: “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.
Ang upahan ay tumatakas, kapag nakikitang dumarating ang asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa’y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga tupa. Kaya’t sinisila ng asong-gubat ang mga ito, at pinangangalat. Tumatakas siya palibhasa’y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa.
Ako ang mabuting pastol. Kung paanong nakikilala ako ng Ama at siya’y nakikilala ko, gayon din naman, nakikilala ko ang aking mga tupa at ako nama’y nakikilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. Mayroon akong ibang tupa na wala sa kulungang ito. Kinakailangang sila’y alagaan ko rin; pakikinggan nila ang aking tinig. Sa gayo’y magiging isa ang kawan at isa ang pastol.
Dahil dito’y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay, upang ito’y kunin kong muli. Walang makakukuha nito sa akin; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at kunin uli. Ito ang utos na tinanggap ko sa aking Ama.”