Kapag Biyernes Santo Ang Buhay

Kapag may malaki akong problema, lagi kong sinasabi sa sarili ko, "may Linggo ng Muling Pagkabuhay ang bawat Biyernes Santo."

Ito naman ang totoo. May katumbas na ginhawa at kaligayahan ang lahat ng paghihirap. Ito ang inaasahan ng bawat mananampalataya. Na matapos ang lahat ng ating mga paghihirap sa mundo, kakamtin natin ang ligaya at kaluwalhatian sa kabilang buhay.

Nagapi ni Hesus ang kamatayan sa pamamagitan ng pagbangon Niya mula sa libingan. Nagtagumpay na ang Anak ng tao laban sa kamatayan. Siya ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Buhay na walang hanggan ang kaloob Niya para sa mga sumasampalataya sa Kanya. 

Biyaya mula sa Diyos ang buhay na ito. Hindi ito dahil sa ating ginagawang kabutihang kulang na kulang kundi dahil sa walang hanggang awa at pag-ibig ng Diyos. Tayo na ang nagkasala subalit Siya pa rin ang gumawa ng paraan upang magawa nating lumapit sa Kanya sa pamamagitan ni Kristo.

Lumapit tayo kay Hesus, ang libingang walang laman ay indikasyon ng muling pagbangon ng mga patay sa huling araw. Ihandog natin sa Kanya ang buo nating buhay. Siya ang ating pag-asa at lakas sa pagharap natin sa lahat ng pagsubok.

Kaya kapag pakiramdam natin, parang Biyernes Santo ang buo nating buhay, tandaan nating darating ang Linggo ng Muling Pagkabuhay. 

Panalangin:

Aming Ama, ang aming mga puso'y nagagalak habang patuloy ka po naming sinasamba, niluluwalhati at ipinagbubunyi. Ang lahat ng karangalan, papuri at pasasalamat ay sa Iyo.


Muling nabuhay si Hesus. Ito ang puso ng aming pananampalataya. Sa pamamagitan nito, kasama Niya'y umaasa kami sa aming muling pagkabuhay.

Kasama ang mga anghel sa langit, nagagalak kami sa tagumpay ng aming Panginoon. Sa tagumpay ng kabutihan sa kasamaan. 

Sa pagpapasan namin sa pang-araw-araw naming krus, marapatin Mo pong makakuha kami ng lakas sa pangako ni Hesus na kaginhawahan sa piling ng Iyong kaluwalhatian sa huling araw.

Ama, ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus na muling nabuhay sa ikatlong araw matapos Siyang mamatay sa krus, kasama Mong naghahari at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: