Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos
30 Mayo 2021
Sa tagal ng panahong pinagninilayan ko ang misteryong ito, tila wala nang higit na mas madaling approach kundi ang i-relate ang Misteryo sa kasaysayan ng ating kaligtasan. (At ito ang susubukan kong gawin sa post na ito.)
Buhat pa noong una, kasama na ng Diyos Ama ang Salita at ang Espiritu Santo. Katunayan, walang anumang nalikha kundi sa pamamagitan ng Salita (Juan 1).
Nilikha Niya ang tao mula sa putik at ayon sa Kanyang anyo at kalikasan. Sa ibang salita, sina Eba at Adan ay nilikhang katulad ng Diyos. Walang kalungkutan. Walang pagkapagod. Walang kamatayan.
Nagbago ang lahat ng ito nang magkasala ang tao. Kinailangan niyang magtrabaho para mabuhay. Ang kamatayan at ang mga paghihirap niya sa lupa ang kabayaran ng kasalanan. Nalayo ang tao sa Diyos.
Hindi na tayo katulad ng Diyos. Ang Diyos ay hindi isinilang. Wala Siyang kamatayan. Ang ating kalikasan ay nalayo sa orihinal na plano ng Diyos. Ang lahat ng ito ay dahil sa kasalanan.
Sa maraming pagkakataon, tinangka ng Diyos na ilapit ang tao sa Kanya. Nariyan ang kuwento ni Noe at ang malaking baha. Ang Kanyang tipan kay Abraham. Ang pagliligtas Niya kay Lot at sa pamilya nito. Ang kasaysayan ni Moses at ng mga Israelita. Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng pagpapakita ng Diyos ng Kanyang malasakit sa tao.
Hanggang sa magkatawang-tao ang Kanyang Salita. Maraming naisaad sa Lumang Tipan tungkol sa Kanya. Ang rebelasyon ukol kay Hesus ay isiniwalat sa pamamagitan ng mga propeta at ng kasaysayan ng mga Israelita.
Si Hesus ang Anak ng Diyos. Kaisa ng Diyos. Liwanag buhat sa liwanag.
Naging tao si Hesus. Isinilang. Nangailangan ng pagkalinga ng mga magulang. Napagod. Nagutom. Tumangis. Pinahirapan. Ipinako at namatay sa krus. Muling nabuhay sa ikatlong araw. Buhay na nagpakita sa Kanyang mga alagad. Umakyat sa langit at ngayo'y kasama ng Ama sa kaluwalhatian.
Sa pamamagitan ni Hesus, ang tao'y nagkaroon muli ng pagkakataong maging katulad ng Diyos. Nagkaroon tayo ng pagkakataong maging kaisa ng Diyos sa kalikasan at layunin.
Si Hesus ang Diyos na totoo na naging taong totoo. Siya ang Diyos na naging tao. Kung hihimayin, Siya ang Diyos na isinilang, napagod, nagutom, tumangis, naghirap at namatay. Naging katulad tayo ng Diyos sa pamamagitan Niya.
Iisa na lang ang kulang. Kailangan tayong makasama ni Hesus sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Para magawa ito, kailangan nating mabuhay sa pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa.
At hindi ito kayang gawin ng tao sa Kanyang sariling kapasidad. Kailangan Niya ang tulong ng Diyos. Ito ang papel ng Espiritu Santo. Siya ang ating Gabay at Tagapagpabanal. Kasama na natin Siya buhat pa noong una. Tinanggap natin Siya sa ating binyag at naging gabay natin sa ating paggawa ng kabutihan at kalooban ng Diyos.
Ipinadala Siya ng Ama at ni Hesus sa mga Apostol. Ang Espiritu Santo ang kanilang naging Lakas, Gabay at Tagapagpabanal. Ang manifestation Niya sa anyo ng mga dilang apoy ay naranasan nila sa Pentekostes.
Mula noon hanggang ngayon, patuloy na kumikilos ang ating iisang Diyos na may tatlong Persona. Iisa ang layunin. Iisa ang pag-ibig. Sa kanilang kaisahan, nagkakaroon tayo ng pagkakataon sa kaligtasan at sa buhay na walang hanggan.
Sa ating pakikiisa sa kaisahan ng Diyos, tinatahak natin ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Mabuhay tayong umaasa sa Kanyang pag-ibig. Ibalik natin sa Diyos at sa ating kapwa ang pag-ibig nating tinatanggap. Sapagkat sa pakikiisa sa Ama, Anak at Espiritu Santo, kakamtin natin ang kaligtasan.
Panalangin:
Kami'y nakikiisa sa kaisahan ng Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo; umiibig, sumasamba at sumasampalataya:
Sumasampalataya ako sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat,
na may likha ng langit at lupa.
Sumasampalataya ako kay HesuKristo,
iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat.
Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo,
ipinanganak ni Santa Mariang Birhen.
Pinagpakasakit ni Poncio Pilato,
ipinako sa Krus, namatay, inilibing.
Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao;
nang ikatlong araw nabuhay na magmuli.
Umakyat sa langit,
naluklok sa kanan ng Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat;
at doon magmumulang paririto't maghuhukom
sa nangabubuhay at nangamamatay na tao.
Sumasampalataya ako sa Espiritu Santo,
sa Banal na Simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga Banal;
sa kapatawaran ng mga kasalanan,
sa pagkabuhay na magmuli ng nangamatay na tao,
at sa buhay na walang hanggan.
Amen.