The Spirit's Transforming Power


Dakilang Kapistahan ng Pentekostes
23 Mayo 2021

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 24 Mayo 2015.)


Mga duwag. Mga nang-iwan sa ere. Mga taksil. Mga walang kuwentang kaibigan. Mga takot.

Ito ang mga ilan lamang sa mga salitang makapaglalarawan sa mga apostol at iba pang mga alagad ni Hesus. 

Sa ating Ebanghelyo, nagkukulong sila sa madilim na bahay. Nagtatago sa takot sa mga hudyong naging dahilan kung bakit ipinako at namatay sa krus ang kanilang Panginoon.

Sa loob ng limampung araw at gabi matapos magpakita sa kanila ang muling nabuhay na si Hesus, hindi sila nagkaroon ng tapang na magsalita tungkol sa Mabuting Balita. Nagwakas ang katahimikang iyon sa Kapistahan ng Pentekostes.

Sa Unang Pagbasa, mababasa nating isinisigaw nila ang Mabuting Balitang dati-rati'y pinagbubulungan nila. At hindi  nila basta-basta lang ipinapahayag ang kaligtasang hatid ni Kristo, ipinapahayag nila ang mga ito sa iba't-ibang wika.

Ang mga mangingisda, mga maniningil ng buwis at ang mga dating makasalanan, ngayo'y nagsasalita ng may kapangyarihan. At walang magawa ang mga nakaririnig sa kanila kundi ang magulat at humanga sa kanilang mga salita.

Ang dating takot at karuwagan nila'y napalitan ng katapangan. Katapangang hatid ng kapangyarihan ng Espiritu Santong ipinangako sa kanila ni Hesus na ngayo'y tinanggap nila sa anyo ng mga dilang apoy.

Ang Espiritu Santong tinanggap noon ng mga alagad ni Hesus ay ang parehong Espiritu Santong tinanggap natin noong tayo'y binyagan. Nasa atin na ang kapangyarihan. Nasa atin na ang kakayahang maging instrumento ng pag-ibig ng Diyos.

Hayaan nating gamitin tayo ng Espiritu Santo. Hayaan nating gabayan Niya tayo upang maging daluyan tayo ng grasya ng Diyos; sa ating sarili, sa ating mga mahal sa buhay at sa ibang tao.

Sa tuwing hihingi tayo ng biyaya mula sa Diyos, huwag nating kalimutang hingin ang paggabay ng Espiritu Santong siyang tagapagkaloob ng biyaya. Siya ang ating Tagapagpabanal at Gabay.

Banal na Espiritu, ipadama Mo po sa amin ang Iyong pag-ibig at paggabay. Ipadama Mo po sa amin ang Iyong nakapagpapabagong kapangyarihan.

Panalangin:

Aming Ama, sa kapangyarihan ng Espiritu Santong Presensya Mo sa gitna namin, ang lahat ng parangal, papuri at at pagsamba ay sa Iyo. Puso, isipan, kaluluwa at buong pagkatao, ang lahat ng ito Ama ay sa Iyo.

Gabayan po sana kaming lagi ng Espiritu Santong inaangkin naming aming Gabay at Tagapagpabanal. Bigyan po Sana Niya kami ng tapang at lakas upang masimulan at maipagpatuloy naming ipahayag sa iba ang Mabuting Balita ng Iyong pag-ibig. Isinisigaw namin sa buong mundo na Ikaw ang aming Diyos at si Hesus ang aming Panginoon at Tagapagligtas.

Makilala Ka po sana ng mga taong hindi pa nakatatanggap kay Hesus. Sa pamamagitan ng aming iisang binyag at iisang pananampalataya, buklurin po sanang lagi ang aming Simbahan. Mula sa aming Santo Papa, mga obispo at mga kaparian hanggang sa mga simpleng mananampalatayang patuloy na nagpapalago ng aming pagkakakilala at pag-ibig kay Hesus.

Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, sa paggabay ng Espiritu Santo. Sa aming pakikiisa sa Inyong kaisahan, Iisang Diyos na may Tatlong Persona. Ama, Anak at Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: