Bubble Pop


Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
27 Hunyo 2021

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 28 Hunyo 2015.)


Araw noon ng Linggo. Wala kaming pasok ni misis sa trabaho. Kapag ganitong walang pasok, I make it a point na mag-spend ako ng quality time kasama ang aming only child. Nang umagang iyon, nagyaya ang daughter naming maglaro ng bubbles. Nire-refill ko ng dishwashing liquid at tubig ang binili naming palobo noon. 

Masaya kaming naglaro ng bula. Gagawa ako ng mga bubbles tapos hahabulin niya. Magpapalit kami ng puwesto. Pinagmamasdan ko ang isang bulang ginawa ng aking anak nang matigilan ako. It pops in me.
Pinagninilayan ko noon ang Ebanghelyo natin ngayong Linggo. Ang ating buhay ay katulad ng isang bula. Narito ngayon subalit biglang-bigla, hindi natin inaasahan, ay naglalaho.

Walang pinipiling edad ang realidad ng kamatayan. Katunayan, isang batang babaeng labindalawang taong gulang ang binawian ng buhay sa ating Ebanghelyo. Hindi natin puwedeng sabihing bata pa ako kaya magpapakasarap muna ako sa aking buhay. Puwede tayong mamatay anytime, anuman ang ating estado, puwedeng mamaya o puwedeng bukas. Diyos lang ang nakaaalam.

Pinapaalaala sa atin ni Hesus, "Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito’y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. Sa piling ng Diyos kayo mag-ipon ng inyong iniipon; wala nga roong kulisap o kalawang na sisira, at walang magnanakaw." (Mateo 6:19-20)

Subalit hindi lamang tungkol sa katotohanan ng kamatayan ang ating Ebanghelyo, higit sa anupaman, tungkol ito sa buhay na bumubukal mula kay Hesus. Siya ang Diyos ng buhay. Ang Daan. Ang Katotohanan. At ang Buhay.

Tumulad tayo sa pananampalataya ng tagapamahala ng sinagogang si Jairo. Buhay ng kanyang dalagitang anak ang naging bunga ng kanyang pananalig. Katulad niya, buhay na walang hanggan naman ang magiging bunga ng ating pananampalataya kay Hesus bilang ating Diyos at Personal na Tagapagligtas.

Ang ating buhay ay parang isang bula. Narito ngayon subalit bigla na lang maglalaho. Sa ating pagkapit sa ating Diyos ng Buhay, kamtin sana natin ang buhay na walang hanggan matapos ang ating kamatayang hindi natin kailanman matatakasan.

Panalangin:

Ama, ang lahat ng papuri, pagbubunyi at pagluwalhati ay sa Iyong matamis na pangalan.

Hindi mo po ninais na kamtin namin ang kamatayan subalit dahil sa pakikialam ng demonyo at dahil na rin sa aming kahinaan, hinaharap namin ngayon ang katotohanang ito. Batid po naming hindi kami karapat-dapat sa Iyong banal na awa. Sa pamamagitan ni Hesus na aming daan, katotohanan at buhay, inaangkin naming muli kaming mabubuhay kasama Niya matapos ang aming kamatayan.

Turuan Mo po kaming pahalagahan ang aming buhay at ang mga biyayang kaloob nito. Gamitin po sana namin ang mga araw na ilalagi namin sa sangkalupaan para sa Iyong ikaluluwalhati. Tunay nga pong hiram lamang ang buhay na ito, hayaan Mo pong gamitin namin ito para sa pag-ibig sa Iyo at sa aming kapwang katulad ko rin ay umaasa lamang sa Iyong awa.

Igalang po sana namin ang buhay. Magawa sana naming labanan ang anumang anyo ng pagkitil dito. Suportahan po sana namin ang mga samahang nagsusulong sa mga adhikaing nagtataguyod ng buhay.

Ama, bukas-makalawa ay maaari kaming mamatay. Batid po namin ang katotohanang ito. Pagdating po ng araw na iyon, umaasa kami sa Iyong kaloob na buhay na walang hanggan. Ang aming puso, isipan, kaluluwa at buong buhay ay sa Iyo. 

Hangad naming maglingkod sa Iyo sa buhay na ito at sa susunod pa, sa pangalan ni Hesus, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: