“Kunin ninyo; ito ang aking katawan... Ito ang aking dugo ng tipan, ang dugong mabubuhos dahil sa marami.” (Marcos 14:22. 24)
Noong mga araw na iyon, lahat ng iniutos ng Panginoon ay sinabi ni Moises sa mga Israelita. Ang mga ito nama’y parang iisang taong sumagot, “Lahat ng iniuutos ng Panginoon ay susundin namin.”
Isinulat ni Moises ang lahat ng utos ng Panginoon. Kinabukasan, maagang-maaga siyang nagtayo ng altar sa paanan ng bundok. Nagtayo rin siya ng labindalawang bato, na kumakatawan sa labindalawang lipi ni Israel. Pagkatapos, inutusan niya ang ilang kabataang lalaki na magdala sa altar ng mga handog na susunugin. Sila rin ang inutusan niyang pumatay ng mga hayop na gagamiting handog sa pakikipagtipan sa Panginoon.
Ang kalahati ng dugo ng pinatay na hayop ay inilagay niya sa malalaking mangkok at ang kalahati’y ibinuhos niya sa altar. Kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa nang malakas. Sabaysabay namang tumugon ang mga Israelita, “Susundin namin ang lahat ng utos ng Panginoon.” Pagkatapos, kinuha ni Moises ang mga mangkok ng dugo at winisikan ang mga tao. Sinabi niya, “Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ng Panginoon sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito.”
Salmo: Awit 116:12-13. 15-16. 17-18
Tugon: Sa Panginoong tumubos,
kalis ng inumi’y handog!
Sa Diyos ko’t Panginoon, ano’ng aking ihahandog
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw,
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos
yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.
Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak.
Sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Ikalawang Pagbasa: Hebreo 9:11-15
Mga kapatid, dumating na si Kristo, ang Dakilang Saserdote ng bagong tipan. Siya’y naglilingkod doon sa sambahang lalong dakila at walang katulad, hindi ginawa ng tao, alalaong baga’y wala sa sanlibutang ito. Minsan lamang pumasok si Kristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo’y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at bisirong baka ang kanyang dalang handog, kundi ang sariling dugo, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin.
Ang dugo ng mga kambing at mga toro at ang abo ng dumalagang baka ay iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi. Sa gayon, sila’y nagiging malinis ayon sa Kautusan. Ngunit higit na di hamak ang magagawa ng dugo ni Kristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating puso’t isip upang talikdan na natin ang mga gawang walang kabuluhan at paglingkuran ang Diyos na buhay.
Mabuting Balita: Marcos 14:12-16.22-26
Unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Lebadura, araw ng pagpatay ng kordero para sa Paskuwa. Tinanong si Hesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?” Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan. May masasalubong kayong isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinatatanong po ng Guro kung saang silid siya maaaring kumain ng Hapunang Pampaskuwa, kasalo ng kanyang mga alagad.’ At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.” Nagtungo sa bayan ang mga alagad at natagpuan nga nila roon ang lahat, gaya ng sinabi niya sa kanila. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.
Samantalang sila’y kumakain, dumampot ng tinapay si Hesus, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad. “Kunin ninyo; ito ang aking katawan,” wika niya. Hinawakan niya ang kalis, at matapos magpasalamat ay ibinigay sa kanila; at uminom silang lahat. Sinabi niya, “Ito ang aking dugo ng tipan, ang dugong mabubuhos dahil sa marami. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom ng alak na mula sa ubas hanggang sa araw na inumin ko ang bagong alak sa kaharian ng Diyos.”
Umawit sila ng isang imno, at pagkatapos ay nagtungo sa Bundok ng mga Olibo.