Huwag Kang Pa-Bebe

Gospel Reflection


Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon
04 Hulyo 2021

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 05 Hulyo 2015.)


If children live with encouragement, they learn confidence.
If children live with praise, they learn appreciation.
If children live with acceptance, they learn to love.
If children live with kindness and consideration, they learn respect.

Mula ang mga linyang ito sa tula ni Dorothy Law Nolte na pinamagatang Children Learn What They LiveTotoo ito hindi lamang sa pagpapalaki sa ating mga anak kundi pati sa pagpapalaganap natin sa Mabuting Balita. 

Noong mga bagong kasapi tayo ng ating mga komunidad, maaaring inalagaan tayo tulad ng isang batang madaling masaktan.


Ine-encourage tayo upang matuto tayong magtiwala sa ating sarili at sa Diyos. Pinupuri tayo sa mabubuti nating gawa upang ipadama sa ating naa-appreciate ang ating mga pagpapagod. Ipinadama sa ating belong tayo sa komunidad. 


Sa ganitong paraan, nakikita natin ang kahalagahan ng ating mga gawain para sa ikalalalim ng ating pananampalataya.


Subalit habang tumatagal, dapat nating maunawaang hindi ganu'n kadaling maging lingkod ng Diyos. Na mahirap magpahayag ng pag-ibig ng Diyos sa mundong tumatanggi dito. Na may kalakip na pagsasakripisyo ang tunay na pagsunod kay Kristo.


Hindi higit na dakila ang alipin sa kanyang panginoon. Kung si Hesus nga na ating Panginoon ay dumanas ng mga paghihirap, tayo pa kayang mga lingkod lamang. Hindi tayo higit na dakila kay Hesus.


Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, dumanas ng rejection si Hesus. Tumangging maniwala sa Kanya ang Kanyang mga kababayan. Subalit kahit na gano'n ang kanilang reaksyon sa Kanyang mga sinasabi at ginagawa, ipinagpatuloy pa rin Niya ang pagpapahayag sa Kanila. Hindi Siya pinanghinaan ng loob.


Tayo ma'y dumaranas ng katulad na rejection sa ating pang-araw-araw na buhay bilang mga Katoliko. Sabi ko nga sa isang elder ng aming komunidad nang minsang magkakuwentuhan kami, "hindi ka tatagal sa community kung mahina ang loob mo. Kung masyado kang maramdamin at matampuhin."

Kaya kung puno man ng pagsubok ang ating buhay bilang mga lingkod ng Diyos, tuloy lang tayo sa ating gawain. Sabi nga sa teatro, "the show must go on."

Kaya kung nais talaga nating maging lingkod ni Hesus, huwag tayong pa-bebe. Ibig sabihin, hindi pupuwedeng lagi pa tayong i-encourage o purihin o pagparamdaman ng acceptance, love and considerationMag-grow tayo. Huwag nating hayaang maging baby ang ating pananampalataya. Turuan natin ang ating sariling lumago at mag-mature in faith.

Huwag kang pa-bebe. May mga pagkakataon talagang masasaktan tayo. Katulad ni Hesus, daranas tayo ng mga rejections.

Panalangin:

Ama naming makapangyarihan sa lahat, ang lahat ng parangal, pagluwalhati at papuri ay sa Iyo. Ikaw ang aming Ama. Ikaw ang aming Panginoon. Ikaw ang aming nag-iisang Diyos.

Salamat po sa lahat ng mga biyayang ipinagkakaloob Mo sa amin. Sa Iyong patuloy na pag-unawa sa aming mga kahinaan at pagiging suwail na mga anak.

Ama, patawarin po Ninyo ang mga pagkakataong tumatanggi kaming tanggapin si Hesus sa aming buhay. Katulad kami ng Kanyang mga kababayang hindi sumampalataya sa Kanya. Ipadala po sana ninyo sa amin at sa mga katulad namin ang Espiritu Santo upang makilala namin ang Iyong mga pagkilos upang maabot kami ng Iyong pag-ibig.

Tulungan Mo po kaming maging mga epektibong tagapagpahayag ng Iyong Mabuting Balita. Magawa po sana naming ipakilala sa mundo, lalo na po sa aming pamilya at mga taong malapit sa amin, ang kaligtasang hatid ng aming Panginoong Hesus.

Ang lahat ng ito sa pamamagitan Niya, kasama Niya at sa Kanya. Buong-puso naming ipinapahayag na si Hesus ay naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: