Ang kamatayan ay hindi likha
ng Diyos. Ang pagkamatay ng alinmang
may buhay ay hindi niya
ikinalulugod. Ginawa niya ang
bawat nilalang upang magpatuloy,
at lahat ng nilalang niya ay mabuti
at mahusay. Wala silang kamandag
na nakamamatay. Ang kamatayan
ay di naghahari sa daigdig na ito,
sapagkat ang katarungan ng Diyos
ay walang kamatayan.
Pagkat ang tao’y hindi nilikha
ng Diyos para mamatay, kundi
para maging larawan niyang buhay.
Ngunit dahil sa pakana ng diyablo,
nakapasok ang kamatayan at ito ang
kahihinatnan ng mga napailalim
sa kanya.
Salmo: Awit 30:2. 4. 5-6. 11. 12. 13
Tugon: Poong sa aki’y nagligtas,
ang
dangal mo’y aking galak!
O Panginoon ko, sa iyong ginawa,
kita’y pinupuri’t ako’y iniligtas,
kaya ang kaaway ay di na nakuhang
matuwa’t magalak.
Mula sa libingang
daigdig ng patay, hinango mo ako
at muling binuhay;
ako, na kasama
nilang napabaon sa kailaliman.
Purihin ang Poon, siya ay awitan
ng lahat ng tapat na mga hinirang.
Iyong gunitain ang mga ginawa ng
Diyos na Banal,
ang kanyang ginawa
ay alalahanin at pasalamatan!
Hindi
nagtatagal yaong kanyang galit, at
ang kabutihan niya’y walang wakas.
Ang abang may hapis at tigmak
sa luha sa buong magdamag,
sa
bukang-liwayway ay wala nang
lungkot, kapalit ay galak.
Kaya’t ako’y dinggin, ikaw ay
mahabag sa akin, O Poon, ako ay
pakinggan,
mahabag ka, Poon! Ako
ay dinggin mo at iyong tulungan.
Nadama
ko’y galak nang iyong hubarin
ang aking panluksa.
Sa pasasalamat
sa iyo, O Poon, ay di magsasawa.
Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 8:7. 9. 13-15
Mga kapatid:
Kayo’y tanyag sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman,
sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa
amin. Sikapin din ninyong manguna
kayo sa pagkakawanggawa.
Alam ninyo kung gaano kalaki
ang pag-ibig ng ating Panginoong
Hesukristo na bagamat mayaman
ay nagpakadukha upang yumaman
kayo sa pamamagitan ng kanyang
karukhaan.
Hindi sa ibig kong magaanan
ang iba at mabigatan naman kayo.
Masagana naman kayo ngayon;
marapat lamang na tulungan ninyo
ang mga nangangailangan. Kung
kayo naman ang mangailangan
at sila’y managana, sila naman
ang tutulong sa inyo. Sa gayon,
pareho kayong nakatulong sa isa’t
isa at naganap sa inyo ang sinabi
sa Kasulatan:
“Ang nagtipon ng marami ay
hindi lumabis, at ang nagtipon ng
kaunti ay hindi naman kinulang.”
Mabuting Balita: Marcos 5:21-24. 35-43
Noong panahong iyon, muling
tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa
ng Galilea, nakasakay sa bangka.
Nasa baybay pa siya ng lawa ay
pinagkalipumpunan na siya ng
maraming tao.
Dumating ang isang
lalaking nagngangalang Jairo, isang
tagapamahala ng sinagoga. Pagkakita
kay Hesus, siya’y nagpatirapa
sa kanyang paanan at ang samo:
“Agaw-buhay po ang anak kong
dalagita. Kung maaari, sumama kayo
sa akin at ipatong ninyo sa kanya
ang inyong kamay upang siya’y
gumaling at mabuhay!” Sumama
naman si Hesus. At sinundan siya ng
napakaraming taong nagsisiksikan, anupa’t halos maipit na siya.
May ilang dumating mula sa bahay
ni Jairo. “Patay na po ang anak
ninyo,” sabi nila. “Bakit pa ninyo
aabalahin ang Guro?” Hindi pinansin
ni Hesus ang kanilang sinabi, sa
halip ay sinabi sa tagapamahala,
“Huwag kang mabagabag, manalig
ka.” At wala siyang isinama kundi
si Pedro at ang magkapatid na
Santiago at Juan.
Nang dumating
sila sa bahay ng tagapamahala,
nakita ni Hesus na gulung-gulo
ang mga tao; may mga nananangis
pa at nananaghoy. Pagpasok niya
ay kanyang sinabi, “Bakit kayo
nagkakagulo at nananangis? Hindi
patay ang bata; natutulog lamang!”
Ngunit pinagtawanan siya ng mga
tao. Pinalabas niya ang lahat,
maliban sa ama’t ina ng bata at sa
tatlong alagad, at sila’y pumasok sa
kinaroroonan ng bata. Hinawakan
niya ito sa kamay at sinabi, “Talita
kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng,
sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!”
Pagdaka’y bumangon ang bata at
lumakad. Siya’y labindalawang taon
na.
At namangha ang lahat. Mahigpit
na ipinagbilin ni Hesus na huwag
ipaalam ito kaninuman; at iniutos
niyang bigyan ng pagkain ang bata.