Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon - 26 Hulyo 2015

Linggo ng Misyong Pilipino

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo



Nang makita ng mga tao ang kababalaghang ginawa ni Hesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paririto sa sanlibutan!” (Juan 6:14)

Unang Pagbasa: 2 Hari 4:42-44

Noong panahong iyon, isang lalaking taga-Baal-salisa ang lumapit kay Eliseo. May dala siyang bagong aning trigo at dalawampung tinapay na yari sa unang ani niya ng sebada. Sinabi ni Eliseo, “Ihain ninyo iyan sa mga tao.” Sumagot ang kanyang katulong, “Hindi ito magkakasya sa sandaang tao.” Iniutos niya uli, “Ihain ninyo iyan sa mga tao sapagkat sinabi ng Panginoon: Mabubusog sila at may matitira pa.” At inihain nga iyon. Kumain ang lahat at nabusog, ngunit marami pang natira, tulad ng sinabi ng Panginoon.

Salmo: Awit 145:10-11. 15-16. 17-18

Tugon: Pinakakain mong tunay 
           kaming lahat, O Maykapal!

Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang iyong nilalang; 
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan. 
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian, 
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan. 

Tanging Panginoon ang inaasahan ng tanang nabubuhay, 
siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan. 
Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang; 
anupa’t ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay. 

Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa; 
kahit ano’ng gawin ay kalakip doon ang habag at awa. 
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao, 
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo. 

Ikalawang Pagbasa: Efeso 4:1-6

Mga kapatid: 

Ako na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay namamanhik sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo’y maging mapagpakumbaba, mabait, at matiyaga. Magmahalan kayo at magpaumanhinan. Pagsumakitan ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng buklod ng kapayapaan. 

Iisa lamang ang katawan at iisa rin ang Espiritu; gayon din naman, iisa lamang ang pag-asa ninyong lahat, dulot ng pagkatawag sa inyo ng Diyos. May isa lamang Panginoon, isang pananampalataya, at isang pagbibinyag, isang Diyos at Ama nating lahat. Siya’y higit sa lahat, gumagawa sa lahat, at sumasalahat.

Mabuting Balita: Juan 6:1-15

Noong panahong iyon, tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga kababalaghang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit. Umahon si Hesus sa burol kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Malapit na noon ang Pista ng Paskuwa ng mga Judio. 

Tumanaw si Hesus, at nakita niyang dumarating ang napakaraming tao. Tinanong niya si Felipe, “Saan tayo bibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya ito para subukin si Felipe, sapagkat alam ni Hesus ang kanyang gagawin. Sumagot si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang denaryong tinapay ang bilhin ay di sasapat para makakain nang tigkakaunti ang mga tao.” 

Sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, si Andres na kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ngunit gaano na ito sa ganyang karaming tao?” “Paupuin ninyo sila,” wika ni Hesus. Madamo sa lugar na yaon. Umupo ang lahat – humigit-kumulang sa limanlibo ang mga lalaki. Kinuha ni Hesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi sa mga tao; gayon din ang ginawa niya sa isda. Binigyan ang lahat hangga’t gusto nila. At nang makakain na sila, sinabi niya sa mga alagad, “Tipunin ninyo ang lumabis para hindi masayang.” Gayon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang bakol. 

Nang makita ng mga tao ang kababalaghang ginawa ni Hesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paririto sa sanlibutan!” Nahalata ni Hesus na lalapit ang mga tao at pilit siyang kukunin upang gawing hari, kaya muli siyang umalis na mag-isa patungo sa kaburulan. 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: