Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon - 13 Setyembre 2015



Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. (Marcos 8:34)

Unang Pagbasa: Isaias 50:5-9

Binigyan ako ng pang-unawa ng Panginoon, hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya. Hindi ako tumutol nang bugbugin nila ako, hindi ako kumibo nang ako’y kanilang insultuhin. Pinabayaan ko silang bunutin ang buhok ko’t balbas, gayundin nang lurhan nila ako sa mukha. 

Ang mga pagdustang ginawa nila’y ‘di ko pinapansin, pagkat ang Makapangyarihang Panginoon ang tumutulong sa akin. Handa akong magtiis pagkat aking batid na ang sarili ko’y di mapapahiya. 

Ang Diyos ay malapit at siya ang magpapatunay na wala akong sala. May mangangahas bang maghabla sa akin? Magharap kami sa hukuman, at ilahad ang kanyang bintang. Ang Poon mismo ang magtatanggol sa akin. Sino ang makapagpapatunay na ako ay may sala?

Salmo: Awit 116:1-2. 3-4. 5-6. 8-9

Tugon: Kapiling ko habambuhay 
           ang Panginoong Maykapal!

Mahal ko ang Panginoon, pagka’t ako’y dinirinig. 
Dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik; 
ako’y kanyang dinirinig tuwing ako’y tumatawag, 
kung ako ay tumatawag, sinasagot niya agad. 

Noong ako’y mahuhulog sa bingit ng kamatayan, 
nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan; 
lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan. 
Sa ganoong kalagayan, Panginoo’y tinawag ko, 
at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako. 

Mabuti ang Panginoon, siya’y mahabaging Diyos, 
tunay siyang mahabagin at mapagpahinuhod. 
Panginoo’y nagtatanod sa wala nang sumaklolo, 
noong ako ay manganib, iniligtas niya ako. 

Ako’y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan, 
tinubos sa pagkatalo, at luha ko’y pinahiran. 
Sa harap ng Panginoon doon ako mananahan, 
doon ako mananahan sa daigdig nitong buhay. 

Ikalawang Pagbasa: Santiago 2:14-18

Mga kapatid: Ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya’y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya pinatutunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng gayong pananampalataya? 

Halimbawa: ang isang kapatid ay walang maisuot at walang makain. Kung sabihin ng isa sa inyo, “Patnubayan ka nawa ng Diyos. Magbihis ka’t magpakabusog,” ngunit hindi naman siya binibigyan ng kanyang kailangan, may mabuti bang maidudulot sa kanya iyon? 

Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa. Ngunit may nagsabi, “May pananampalataya ka at may gawa ako.” Sagot ko naman, “Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang kalakip na gawa, at ipakikita ko naman sa iyo sa pamamagitan ng aking mga gawa ang aking pananampalataya.”

Mabuting Balita: Marcos 8:27-35

Noong panahong iyon, si Hesus, kasama ang kanyang mga alagad, ay nagtungo sa mga nayon ng Cesarea, sakop ni Filipo. Samantalang sila’y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Ang sabi ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo; at may nagsasabi pang isa kayo sa mga propeta.” 

“Kayo naman – ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya. “Kayo ang Kristo,” tugon ni Pedro. “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila. 

Mula noon, ipinaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Siya’y itatakwil ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at ipapapatay. Ngunit sa ikatlong araw, muli siyang mabubuhay. Maliwanag na sinabi niya ito sa kanila. Kaya’t niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. Ngunit humarap si Hesus sa kanyang mga alagad at pinagwikaan si Pedro: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.” 

Pinalapit ni Hesus ang mga tao, pati ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Mabuting Balita ay siyang magkakamit niyon.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: