Ika-27 na Linggo sa Karaniwang Panahon
03 Oktubre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 04 Oktubre 2015)
Sabi nila, ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan. Paano kikilos ng maayos ang mga bahagi ng katawan kung may nararamdaman itong sakit? Hindi ba't nakakailang? Hindi ba't nakakainis?
Binubuo ng mga bahagi ang ating simbahan. At ang Simbahan ang Mistikong Katawan ni Kristo. Tayong lahat ay mga bahagi nito. At hindi tayo magkakatulad upang tayo'y magkatulungan. (1 Corinto 12:12-31)
Ang pamilya ang pinakamaliit na yunit ng ating Kristiyanong sambayanan. Kumbaga sa ating katawan, ang pamilya ang cell-- tanda mo pa ba ito sa biology class mo noon?-- o ang building blocks of life.
Mahalagang pangalagaan ang bawat pamilyang Katoliko. Sa pamilya nagsisimula ang ating pananampalataya. Ang mga magulang, ninong at ninang natin ang sumagot para sa atin noong binyagan tayo. Ang mga magulang din natin ang dapat na ating maging mga unang katekista.
Kaya mahalagang lalo pa nating pagtibayin sa mga parokya at mga komunidad ang mga family life program. Dalhin natin ang Mabuting Balita sa bawat pamilya. Ibalik natin ang sama-samang pagdarasal ng bawat pamilya. Kaya natutuwa ako sa pagpapatuloy ng mga block rosaries at mga house to house prayer meetings.
At bilang mga magulang at mga anak, mahalagang umpisahan o ipagpatuloy natin sa sarili nating pamilya ang pananampalataya at pag-ibig na nakaugat at nakasentro kay Hesus. Madali itong sabihin subalit hindi madaling gawin. Maraming mga hadlang. Umpisahan natin sa unti-unting paghihilom ng mga sugat ng nakaraan at sa unti-unti ring paggiba ng mga pader sa pagitan ng bawat miyembro ng pamilya.
Kung ang bawat pamilya sa ating komunidad ay God-fearing at God-loving, magkakaroon tayo ng isang komunidad ng kaayusan, kapayapaan at kapanatagan.
Kaya huwag nating isiping hindi makakaapekto sa ating pamilya ang mga kaganapan sa ibang pamilya. Tayo'y bahagi ng isang malaking komunidad. Tayo'y bahagi ng mistikong katawan ni Kristo na tinatawag na Simbahan.
Umpisahan nating hilumin ang mga sugat at mga sakit ng Katawan, one family at a time. At umpisahan natin sa sarili nating mga pamilya.
Panalangin:
Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, pinasasalamatan at niluluwalhati Ka po namin dahil sa pag-ampon Mo sa aming bilang Iyong mga anak sa pamamagitan ni Hesus. Kasama Espiritu Santo at ni Birheng Maria, nakabilang kami sa Iyong malaking pamilya ng mananampalataya.
Patatagin po sana Ninyo ang mga programa at mga organisasyong naglalayong patibayin at pangalagaan ang kapakanan ng mga pamilya sa mundo.
Idinadalangin po namin ang aming sariling pamilya. Panatiliin Mo po kami sa Iyong kalooban. Ilayo Mo po kami sa lahat ng kapahamakan. Panatiliin Mo po kaming malusog at malakas sa paglilingkod sa Iyo at sa aming kapwa.
Idinadalangin din po namin ang lahat ng pamilya. Lalo na po ang mga dumaranas ngayon ng matitinding mga pagsubok. Makatagpo po sana sila ng lakas sa pag-ibig nila sa isa't isa.