01 - 07 Nobyembre 2015



“Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6)

01 Nob
02 Nob
03 Nob
04 Nob
05 Nob
06 Nob
07 Nob


01 Nobyembre 2015
Dakilang Kapistahan ng mga Banal
(Unang Pagbasa: Pahayag 7:2-4.9-14; Salmo: Awit 24:1-2. 3-4. 5-6; Ikalawang Pagbasa: 1 Juan 3:1-3; Mabuting Balita: Mateo 5:1-12)


“Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.” (Mateo 5:3)



Kapistahan ng mga Kaluluwang
Kristiyano
02 Nobyembre 2015
Unang Pagbasa: 2 Macabeo 12:43-46; Salmo: Awit 103;
Ikalawang Pagbasa: Roma 8:31-39; 
Mabuting Balita: Juan 14:1-6

1 Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. 2 Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi’y hindi ko sana sinabi sa inyong: “Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.” 3 At pag pumunta na ako at naipaghanda kayo ng lugar, muli akong darating at dadalhin ko kayo sa akin upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo. 

4 At alam n’yo ang daan sa pupuntahan ko.” 5 Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?” 6 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.


San Martin de Porres
03 Nobyembre 2015
Unang Pagbasa: Roma 12:5-16; Salmo: Awit 131:1-3; 
Mabuting Balita: Lucas 14:15-24

15 Nang marinig ito ng isa sa mga kasalo, sinabi niya kay Jesus: “Mapalad ang makakasalo sa bangkete ng kaha-rian ng Diyos!” 

16 Sumagot si Jesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. 17 Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat.’ 18 Ngunit parang sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una: ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.’ 19 Sinabi naman ng isa: ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na’ 20 Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’

21 Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang maysambahayan at sinabi sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod, at papasukin mo rito ang mga dukha, mga bale-wala, mga bulag at mga pilay.’

22 At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na ang ipinag-utos mo at may lugar pa rin.’ 23 Sumagot sa kanya ang panginoon: ‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko. 24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinum-bida ko ang makatitikim ng aking handa’.”


San Carlos Borromeo
04 Nobyembre 2015
Unang Pagbasa: Roma 13:8-10; Salmo: Awit 112:1-9; 
Mabuting Balita: Lucas 14:25-33

25 Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Jesus, humarap siya sa kanila at sinabi: 26 “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. 27 At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin.

28 At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Di ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? 29 Sapagkat kung mailagay niya ang pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: 30 ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’

31 At paano kung may haring makikipagharap sa ibang hari? Di ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya  na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? 32 At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo. 33 Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat ng kanya.


05 Nobyembre 2015
Unang Pagbasa: Roma 14:7-12; Salmo: Awit 27:1-14; 
Mabuting Balita: Lucas 15:1-10

1 Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. 2 Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” 3 Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila:

4 “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? 5 At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, 6 at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ 7 Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi.

8 Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? 9 At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”


06 Nobyembre 2015
Unang Pagbasa: Roma 15:14-21; Salmo: Awit 98:1-4; 
Mabuting Balita: Lucas 16:1-8

1 Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. 2 Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’

3 At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. 4 Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ 

5 Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may-utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: “Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ 6 Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo; maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ 7 Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: Walundaan.”

8 Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di-matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.


07 Nobyembre 2015
Unang Pagbasa: Roma 16:3-27; Salmo: Awit 145:2-11; 
Mabuting Balita: Lucas 16:9-15

9 Kaya sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo ang di-matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan.

10 Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay di rin mapagkakatiwalaan sa malalaki. 11 Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di-matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na hindi talaga sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng talagang inyo?

13 Walang katulong na makapagsi-silbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa isa at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.”

14 Naririnig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. 15 At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ginagawa ninyo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao ngunit alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.

01 Nob
02 Nob
03 Nob
04 Nob
05 Nob
06 Nob
07 Nob

Mga kasulyap-sulyap ngayon: