Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon
17 Oktubre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 18 Oktubre 2015)
Ako. Ako. Ako.
Ito ang nasa isip ng magkapatid na Juan at Santiago nang hilingin nila kay Hesus ang mga matataas na upuan ng paghahari ng Panginoon. Binibilang na nila ang kanilang mahihita sa pagsunod nila kay Hesus. Para silang mga hangal na nagbibilang ng mga manok samantalang ni hindi pa napipisa ang mga itlog.
At ito ang isa sa pinakamalaking pagkakamali ng mga naga-aspire na maging lingkod ng Panginoon. Naiisip natin kung ano ang ating makukuha sa ating pagsunod kay Hesus. Maginhawang buhay. Kaligayahan. Kakontentuhan.
Katunayan, maraming beses ko nang narinig ang iisang sagot sa paglisan ng mga members ng mga mandated organizations, "aalis ako dahil hindi na ako masaya."
Kasiyahan. Nakabase sa emosyon. Aalis tayo sa paglilingkod kapag hindi na natin feel. Kapag hindi na tayo masaya.
Malayo ito sa Salita ni Hesus, "ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat."
Mag-focus tayo kay Hesus. Mag-focus tayo sa Kanyang halimbawa. "...ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng lahat."
Ano ba ang kaya nating ibigay? Ano ba ang puwede nating gawin upang maibahagi sa iba ang Mabuting Balita? Para makatulong sa mga nangangailangan? Para mapaunlad ang ating Katolikong komunidad?
Kung gusto talaga nating mag-serve sa Kanya, mag-alay tayo ng oras, kakayahan at resources para sa paglilingkod nang walang hinahangad na kapalit buhat sa Diyos. Dahil sa totoo lang, sa Kanya naman talaga galing ang lahat-lahat ng nasa atin. Ibinabalik lang natin.
Sa ganitong paraan, magiging tunay tayong dakila sa mata ng Diyos at ng mga kapwa natin lingkod.
Panalangin:
Aming Ama, sinasamba Ka namin at niluluwalhati.
Narito kaming mga lingkod Mo. Gumaganti sa pagmamahal na ibinahagi Mo sa amin. Ang aming mga salita, mga kilos at mga plano ay itinataas namin sa Iyo. Gamitin Mo kami sa Iyong ikaluluwalhati. Idinadambana namin sa mundo ang Iyong pangalan.
Turuan po sana kami ng Banal na Espiritu na tumulad sa halimbawa ng aming Panginoong Hesus, ang Iyong dakilang lingkod na lumimot sa Kanyang sarili, nag-alay ng Kanyang buhay para sa aming kaligtasan.
Sumaamin po nawa ang Iyong kaharian. Makita po sana namin si Hesus sa aming paglilingkod at pagmamahal sa Iyo at sa aming kapwa.
Sa Pangalan ng aming Panginoong Hesus, nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.