Adbiyento ng Bagong Pag-asa

Gospel Reflection

Unang Linggo ng Adbiyento
28 Nobyembre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 29 Nobyembre 2015)


Naggu-google ako para sa ginagawa kong Christmas decorations sa bahay nang mai-type ko ang salitang "advent" sa search query. Nagre-reflect na ako noon para sa post na ito. Tumumbad sa akin ang mga salitang hope, love, joy at peace. Napaisip ako. Ano nga ba ang Adbiyento?
Binibigyang hudyat ng Unang Linggo ng Adbiyento ang pagsisimula ng panahon ng Kapaskuhan. Ito rin ang simula ng isang bagong kalendaryong liturhikal ng ating Simbahan.

Isang bagong simula. Kasama ng bawat simula ang isang bagong pag-asa. Ito ang kahulugan ng Kapaskuhan. Hindi lamang ng natapos nang pagsilang ni Hesus na inaalala natin sa Pasko kundi higit sa anumapaman, ang pag-asang hatid ng pagbabalik ni Hesus upang magtatag ng Kanyang paghahari.

May mga paghihirap. Parang hindi matapus-tapos ang mga problema. Parang minsan gusto na nating sumuko. Pero malinaw ang mensahe ng ating Ebanghelyo ngayong Linggo, babalik si Hesus. Tatapusin Niya ang lahat ng pasakit ng mga tapat sa Kanya.

Nasa atin ang bagong pag-asang hatid ng pananampalataya sa magbabalik na si Hesus. Inaanyayahan natin Siyang mamalagi sa ating puso. Ibahagi ang hatid Niyang pag-asa. Ibahagi ang Kanyang pag-ibig. Ibahagi ang kaligayahan sa piling Niya. Ibahagi ang kapayapaang hatid Niya sa ating buhay.

Si Hesus ang sentro ng Pasko. Pagnilayan natin ang pag-ibig Niya. Pagsisihan natin ang ating mga kasalanan. Makipagkasundo tayo sa mga nakasamaan natin ng loob. Nais nating maging maganda ang pagpasok ng panahon ng Kapaskuhan.

Bagong simula. Bagong pag-asa. Pag-ibig. Kaligayahan. Kapayapaan. HesuKristo. 

Panalangin:

Maranatha! Halina Hesus! Halina!

Aming Ama, niluluwalhati po namin ang Iyong pangalan. Pinupuri po namin ang Iyong Kabunyiang walang hanggan.

Sa mga oras na ito, inilalagay po namin sa Iyong mga kamay ang aming mga buhay. Umaasa po kami sa pag-asang hatid ng pagsisimula ng Adbiyento. Darating muli si Hesus upang lunasan ang lahat ng aming mga paghihirap at mga karamdaman. 

Ama, hayaan Mo pong maghari sa amin ang Espiritu Santo habang narito kami sa mundo at naghihintay sa pagbabalik ng Hari ng mga hari. Kumakapit kami at nananalig sa awa at kaligtasan hatid Niya.

Sa tulong na panalangin nina Inang Maria at San Jose, hinihingi namin ito sa pangalan ni Hesus na muling babalik, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: