Hindi Tayo Superhero

Gospel Reflection

Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ni Hesukristo
21 Nobyembre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.



Noong mga bata pa tayo, gusto nating maging tulad ng mga superhero. May kapangyarihan. May mga nagagawang hindi kaya ng mga ordinaryong tao. Madalas tayong mag-pretend na lumilipad o nagiging napakalakas. Nais nating makatulong sa nangangailangan. Gusto nating gumawa ng mga dakilang bagay.

Nang lumalaki na tayo, unti-unti nating nare-realize na hindi totoo ang mga superhero. Na make-believe lang sila. Na-realize natin ang limitasyon ng ating mga kakayahan. Ang mga limitasyon natin bilang tao.

Habang hinaharap natin ang mga kakulangan at kahinaang ito, lalo nating maiintindihan kung gaano kadakila ang Diyos na patuloy na gumagabay sa atin. Kailangan natin Siya dahil wala tayong magagawa kung wala Siya. At makagagawa tayo ng mga dakilang bagay sa tulong ng Espiritung Banal.

Sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo, makakaharap natin ang isang mababang-loob na si Hesus sa harapan ni Poncio Pilato. Hinubad Niya ang lahat ng Kanyang kaluwalhatian para matubos tayo sa ating mga kasalanan. Haharapin Niya ang kaparusahang dapat na tayo ang tumanggap.

Pinapaalala Niya sa atin ang dapat nating pagdaanan upang makamit ang buhay na walang hanggan. Ang daan patungo sa Ama ay hindi isang madaling daan. Puno ito ng mga paghihirap at kapighatian. 

Kung si Hesus nga na ating Panginoon at Hari ay tumanggap ng paghihirap, hindi tayo mas dakila sa Kanya. Tatanggap din tayo ng mga pagsubok bilang mga lingkod Niya.

Si Hesus ang Haring naglingkod. Siya ang Haring lumimot sa Kanyang sarili para sa kapakanan ng sangkatauhan at upang sumunod sa kalooban ng Ama. Hinahamon tayong sumunod sa Kanyang halimbawa.

Magpailalim tayo sa Kanyang paghahari. Harapin natin ang mga pagsubok natin sa araw-araw. Dahil kung iisipin, hindi tayo mga superhero,mahihina tayo. Wala tayong magagawa kung hiwalay tayo at hindi nagpapailalim sa kapangyarihan ni Kristong ating Hari.

Panalangin:

Aming Amang lubusan naming minamahal, dinadakila at sinasamba, ang aming mga puso'y handog namin sa Iyo. Sa Iyo ang lahat ng kaluwalhatian at kapangyarihan.

Narito kaming Iyong bayan, nagpapailalim sa walang hanggang paghahari ng Iyong bugtong na Anak, tinatanggap namin Siya bilang aming Tagapagligtas. Gayundin, niyayakap namin ang aming kapwang ipinag-utos Niyang ibigin namin. Ibinabahagi namin sa Kanila ang aming kaligayahan habang nagpapasakop sa Kanyang pag-ibig.

Ama, kasama Mo at ng Espiritu Santo, ipinapahayag namin sa buong mundo na si Hesus ang aming Hari, noon, ngayon at magpakailanman. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: