Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon - 08 Nobyembre 2015

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat....” (Marcos 12:43)

Unang Pagbasa: 1 Hari 17:10-16

Noong mga araw na iyon, si propeta Elias ay pumunta sa Sarepta, at nang papasok na siya ng pintuan ng lunsod, nakita niya ang balo na namumulot ng panggatong. Sinabi niya sa babae: “Maaari po bang makiinom?” Aalis na ang babae upang ikuha siya ng tubig nang pahabol niyang sabihin: “Kung maaari, bigyan mo na rin ako ng kaunting pagkain.” 

Sumagot ang babae: “Alam po ng Panginoon na iyong Diyos na wala na kaming tinapay. Mayroon po kaming kaunting harina at kapatak na langis. Namumulot nga ako ng maigatong upang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay.” 

Sinabi sa kanya ni Elias: “Huwag kang mag-alala. Humayo ka at gawin mo ang iyong sinabi. Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang munting tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo. Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, Diyos ng Israel: Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan at hindi rin matutuyo yaong langis sa tapayan hanggang hindi sumasapit ang talagang takdang araw na ang ula’y marapating papatakin ng Maykapal.” 

Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at sila’y kumain – si Elias at silang mag-ina. At hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng pangako ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.

Salmo: Awit 146:7. 8-9. 9-10

Tugon: Kalul’wa ko, ‘yong purihin 
           ang Panginoong butihin!

Ang maaasahang lagi’y Panginoon, 
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom, 
may pagkaing handa, sa nangagugutom. 

Pinalaya niya ang mga nabihag; 
isinasauli, paningin ng bulag; 
lahat ng inapi ay itinataas, 
ang mga hinirang niya’y nililingap. 

Isinasanggalang ang mga dayuhang 
sa lupain nila’y doon tumatahan; 
tumutulong siya sa balo’t ulila, 
masamang balangkas pinipigil niya. 

Walang hanggang Hari, ang Diyos na Poon! 
Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion!

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 9:24-28

Pumasok si Kristo, hindi sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay, kundi sa langit. At ngayo’y nasa harapan siya ng Diyos at namamagitan para sa atin. 

Ang dakilang saserdote ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon, may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit minsan lamang pumasok si Kristo upang ihandog ang kanyang sarili, at iya’y sapat na. Kung di gayon, kailangan sanang siya’y paulit-ulit na mamatay mula pa nang matatag ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang napakita, ngayong magtatapos na ang mga panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng haing kanyang inihandog. 

Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. Gayon din naman, si Kristo’y minsang inihandog bilang hain upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya’y muling darating, hindi upang ihandog na muli dahil sa kasalanan kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.

Mabuting Balita: Marcos 12:38-44

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na mahilig maglalakad nang may mahabang kasuutan at natutuwang pagpugayan sa mga liwasan. Ang ibig nila’y ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga, at ang mga upuang pandangal sa mga piging. Inuubos nila ang kabuhayan ng mga babaing balo, at ang sinasangkala’y ang pagdarasal nang mahaba! Lalo pang bibigat ang parusa sa kanila!” 

Umupo si Hesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob doon sa templo, at pinagmasdan ang mga taong naghuhulog ng salapi. Maraming mayayamang naghulog ng  malalaking halaga. Lumapit naman ang isang babaing balo at naghulog ng dalawang kusing na katumbas ng isang pera. Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at kanyang sinabi, “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhangdukha ang buo niyang ikabubuhay.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: