Get Connected!

Gospel Reflection

Ikaapat Linggo ng Adbiyento
19 Disyembre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 20 Disyembre 2015)


Panahon ng maraming pagtitipon at handaan ang buwan ng Disyembre; kasal, reunions, pabinyag, Christmas parties. Panahon ng pagba-bonding kasama ang mga kaibigan at pamilya at mga kamag-anak. Makahulugan ang mga pagtitipon dahil sa enjoyment sa company ng bawat isang matagal na panahon ding hindi nagkasama at nagkita. (Kahit pa nga sabihing panahon ng pandemya ngayon.)

Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, isang pagba-bonding ang magaganap sa magpinsang sina Maria at Elizabet. Walang enggrandeng pagtitipon o masasarap na pagkain ang kanilang pagtatagpo. Ito'y pagkikita ng dalawang simpleng babaeng umasa sa grasya ng Diyos at kapwa sila hindi nabigo sa kanilang pag-asa.

Sila ay magkapamilya hindi lamang sa dugo kundi sa kanilang pananampalataya ring kapwa nila hinawakan sa kanilang mga buhay. Dahil sa pananalig na itong natagpuan nila sa isa't-isa, nawala ang kanilang mga pangamba at suliranin. 

Nai-imagine ko ang damdamin ni Birheng Maria habang pinagninilayan Niya ang sinabi ni Anghel Gabriel sa kanya sa annunciation. Maaring naisip niya ang mga posibleng mangyari sa kanya kapag nalaman ng mga taong buntis siya. (Maaari siyang batuhin ng bayan hanggang sa kanyang kamatayan.) Ito marahil ang isa sa dahilan kaya nagmamadali siyang dumalaw kay Elizabet.

Natagpuan niya sa pinsan ang kapayapaan. Napalitan ng kagalakan ang kanyang pangamba. At gayundin ang nadama ni Elizabet. Isang karangalan para sa kanya ang dalawin ng ina ng kanyang Panginoon.

At ito ang Pasko. Ukol ito sa pamilya at mga kaibigan. Tungkol sa pagba-bonding na higit pa sa pagkain, alak at mga regalong pinaglalaanan natin ng panahong ihanda. Makipagkuwentuhan tayo sa mga taong malapit sa atin. Mag-spend tayo ng quality time. Kumonek tayo sa isa't isa. I-recharge natin ang mga relasyon natin.

Habang ginagawa natin ang pakikipag-bonding, tandaan nating ang pundasyon ng matibay na pamilya at pagkakaibigan ay si Kristo. Na katulad ni Birheng Maria at Elizabet, ang tunay na kagalakan at kapayapaan ay nagmumula sa isang pananampalatayang pinagsasaluhan ng pamilya at ng magkakaibigan.

Maglaan sana tayo ng panahon para sa sama-samang pagsisimba at pagdarasal. Pasalamatan natin ang mga biyayang dumarating sa atin. I-cherish natin ang mga panahong kasama natin ang isa't-isa.

Para naman sa malalayo sa kanilang pamilya, nariyan ang mga gadgets. Kahit malayo tayo sa isa't-isa, maraming paraan para ipakita natin ang ating love.

Get connected. Connected sa pamilya. Connected sa mga kaibigan. Connected kay HesuKristo. Sa ganu'ng paraan, matagpuan sana natin ang kagalakan at kapayapaan.

Panalangin:

O aming Amang mapagmahal at mapagpatawad, ang aming mga puso'y sumasamba, lumuluwalhati at naghahayag ng pag-ibig sa Iyo. 

Turuan Mo po kaming lalo pang umibig sa Iyo, sa aming pamilya, sa aming mga kaibigan at sa aming kapwa. Magawa po sana naming ibahagi sa kanila ang aking pag-ibig kung paanong ipinadama Mo sa aking ang Iyong pag-ibig.

Pagkalooban Mo po kami ng kagalakan at kapayapaan sa aming pag-alaala sa kapanganakan ng Iyong anak. Matagpuan po sana namin ang isang pananampalatayang magtutulak sa aming lubusang magtiwala sa Iyong kalooban.

Itinataas namin sa Iyo ang aming mahal sa buhay at ang aming bansa.

Sa tulong ng panalangin ni Birheng Maria at ni San Jose, ang lahat ng ito sa matamis na pangalan ni HesuKristo, Panginoon namin at Diyos, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: