|
|
|
|
|
|
|
17 Enero 2016
Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol
Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol
(Unang Pagbasa: Isaias 9:1-6; Salmo: Awit 97; Ikalawang Pagbasa: Efeso 1:3-6.15-18; Mabuting Balita: Lucas 2:41-52)
Pagbasa: 1 Samuel 15:16-23; Salmo: Awit 50:8-23;
Mabuting Balita: Marcos 2:18-22
18 At minsa’y nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo. Kaya may lumapit sa kanya at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”
19 Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? 20 Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno.
21 Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit. Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo pang lalaki ang punit. 22 At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, papuputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”
Pagbasa: 1 Samuel 16:1-13; Salmo: Awit 89:20-28;
Mabuting Balita: Marcos 2:23-28
23 Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. At habang naglalakad ang kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. 24 At sinabi kay Jesus ng mga Pariseo: “Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga. Hindi ito ipinahihintulot.”
25 Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa kailanman ang ginawa ni David nang nangangailangan siya at nagugutom – siya at ang kanyang mga kasama? 26 Pumasok siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang Punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa niya pati na ang kanyang mga kasama.” 27 At sinabi pa sa kanila ni Jesus: “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga. 28 Kung gayon, ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”
Pagbasa: 1 Samuel 17:32-51; Salmo: Awit 144:1-10;
Mabuting Balita: Marcos 3:1-6
1 Muling pumasok si Jesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at mayroon ding gustong magsumbong tungkol kay Jesus. 2 Kaya nagmasid sila at baka pagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pahinga.
3 At sinabi naman niya sa taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.” 4 At saka niya sila tinanong: “Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At di sila umimik.
5 Nalungkot si Jesus dahil sa katigasan ng kanilang puso kaya galit niyang tiningnan silang lahat, at sinabi sa lalaki: “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito.
6 Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.
Pagbasa: 1 Samuel 18:6–19:7; Salmo: Awit 56:2-13;
Mabuting Balita: Marcos 3:7-12
7 Kaya lumayo si Jesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea ang sumunod sa kanya.
Mayroon din namang mga taong galing sa Judea 8 at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maraming-marami ang nagpunta sa kanya nang mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa.
9 Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. 10 Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya. 11 Sinusugod siya ng mga inaalihan ng maruruming espiritu pagkakita sa kanya at pasigaw nilang sinasabi: “Ikaw ang Anak ng Diyos.” 12 Ngunit tinagubilinan niya silang huwag siyang ibunyag.
Pagbasa: 1 Samuel 24:3-21; Salmo: Awit 57:2-11;
Mabuting Balita: Marcos 3:13-19
13 At umakyat si Jesus sa burol at tinawag ang mga gusto niya. At lumapit sila sa kanya.
14 Sa gayon niya hinirang ang Labin-dalawa (na tinawag din niyang Mga Apostol) upang makasama niya at maipadala sila para mangaral 15 at magkaroon ng kapangyarihan para palayasin ang mga demonyo.
16 Kaya itinalaga niya ang Labindalawa at tinawag na Pedro si Simon, 17 at si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan, at tinawag niya silang Boanerges, na ang ibig sabihi’y “Sina-Parang-Kulog”; 18 at saka si Andres, at si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo, 19 si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.
Pagbasa: Samuel 2 S 1:1-27; Salmo: Awit 80:2-7;
Mabuting Balita: Marcos 3:20-21
20 Pagkauwi ni Jesus, nagsidating ang mga tao kayat hindi na sila nakakain. 21 Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kamag-anak, lumabas sila para hulihin siya. Sinasabi nga nilang “Nababaliw siya.”
|
|
|
|
|
|
|