Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol
17 Enero 2016
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 20 Enero 2013.)
Nag-iisang anak namin si Baby Lei Rhiz. Kapag may lakad ang aming munting pamilya at binibihisan ni Misis ng bestida o palda ang aming walong-buwang gulang na baby girl, madalas sabihin ng kapitbahay o kamag-anak, "dalaga na ang baby girl."
Madalas ko itong pabirong kontrahin ng paboses-batang pangungusap na, "hindi pa po ako dalaga, baby pa po ako." Sabay susundan ko ito ng isang ngiti.
At iyon naman ang totoo, hangga't maaari ayokong magmadali sa paglaki ang aming anak. Kung puwede nga lang, baby namin siya hanggang sa kanyang paglaki. Alam kong hindi puwedeng mangyari 'yon dahil magiging dalaga siya. Darating sa puntong magkakaroon siya ng mga desisyong maaaring taliwas sa gusto naming mag-asawa.
Sa pagdiriwang natin ng Kapistahan ng Sto. Niño, maririnig muli natin sa homily ng ating mga pari ang mga katangian ng mga bata at ang katangian ng Batang si Hesus. Isa-isa itong bibigyan ng emphasis upang maunawaan natin ang kahalagahan ng kapisatahan.
Minsang naging bata si Hesus. Sa kultura ng mga Hudyo, minsan Siyang nawalang-halaga sa lipunan-- ang mga babae at bata sa panahong iyon ay hindi ibinibilang katulad na lang nang bilangin ang mga pinakain ni Hesus sa ilang (Mateo 14:21).
Katulad ko sa aking anak, nais ng Diyos na patuloy tayong maging tulad ng isang bata. Nais Niyang manatili tayong umaasa at nagtitiwala sa Kanya. Nais ng Diyos na manatili tayong simple, mapagkumbaba, may paggalang at takot sa Kanya. Nais Niyang tularan natin ang halimbawa ni Hesus.
Ang Kapistahan ng Sto. Niño ay pagdiriwang ng pag-ibig ng Diyos. Minsang naging isang Bata si Hesus upang ihatid sa atin ang mapagpalang pagmamahal ng Diyos Ama. Lumaki man si Hesus, nanatili sa Kanya ang magagandang mga katangian ng isang bata. Nanatili Siyang masunurin, simple, nagtitiwala, mapagkumbaba. Sana ganu'n din tayo.
Panalangin:
Panginoon naming Diyos, pinupuri Ka po namin at laging sinasamba. Ang buo po naming buhay ay ihinahandog namin sa Inyo. Turuan mo po kaming maging mabubuti Mong mga anak.
Minsan pong naging Bata si Hesus para sa aming kaligtasan. Tulungan Mo po kaming tumulad sa Kanyang mga halimbawa. Manatili sanang bata ang aming mga pusong patuloy na umaasa, nagtitiwala, nagpapasalamat at nagmamahal sa Inyo.
Narito po kaming patuloy na naghahandog sa Inyo ng aming mga sarili sa Pangalan ni Hesus, kasama ng Espiritu Santo, nabubuhay at naghahari magpasawalang-hanggan. Amen.