Nang taong mamatay si Haring
Uzias, nakita ko ang Panginoon.
Nakaupo siya sa isang napakataas
na luklukan. Ang laylayan ng kanyang
damit ay nakalatag sa buong Templo.
May mga serapin sa kanyang
ulunan, at bawat isa’y may anim na
pakpak. Wala silang tigil nang kasasabi
sa isa’t isa ng ganito: “Banal,
banal, banal ang Panginoong Diyos
ng mga hukbo ! Ang kanyang kaningninga’y
laganap sa sanlibutan.” Sa
lakas ng kanilang tinig ay nayanig
ang pundasyon ng Templo at ang
loob nito’y napuno ng usok. Sinabi
ko, “Kawawa ako. Marumi ang aking
labi at naninirahan sa piling ng mga
taong marurumi rin ang labi. Mapapahamak
ako pagkat ako’y isang
makasalanang nakakita sa Panginoon,
ang Makapangyarihang Hari.”
Pagkatapos, may isang seraping
sumipit ng baga sa dambana, at
lumipad na patungo sa akin. Ang
baga ay idiniit sa aking mga labi, at
sinabi, “Wala ka nang sala. Napawi
na ang mga kasalanan mo.”
Narinig ko ang tinig ng Panginoon,
“Sino ang aking ipadadala? Sino ang
aming susuguin?” Sumagot ako,
“Narito po ako. Ako ang isugo n’yo.”
Salmo: Awit 137
Tugon: Poon, kita’y pupurihin
sa harap
ng mga anghel!
Ako, Poon, buong pusong aawit
ng pasalamat,
sa harap ng mga
anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa
harap ng iyong templo ay yuyuko
at gagalang,
pupurihin kita roon,
pupurihin ang ‘yong ngalan.
Dahilan sa pag-ibig mo at sa
iyong katapatan,
ikaw’y tunay na
dakila, pati iyong kautusan.
Noong
ako ay tumawag, tinanggap ko ang
tugon mo,
sa lakas mong itinulong
ay lumakas agad ako.
Dahilan sa pangako mong narinig
ng mga hari,
pupurihin ka ng
lahat at ikaw’y ipagbubunyi.
Ang
lahat ng ginawa mo ay kanilang
aawitin,
at ang kadakilaan mo ay
kanilang sasambitin.
Nahahandang harapin mo mapupusok
kong kaaway,
ligtas ako sa
piling mo, sa lakas na iyong taglay.
Yaong mga pangako mo ay handa
mong tupding lahat,
ang dahilan nito,
Poon, pag-ibig mo’y di-kukupas,
at
ang mga sinimulang gawain mo’y
magaganap.
Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 15:1-11
At ngayo’y ipinaaalaala ko sa
inyo, mga kapatid, ang Mabuting
Balita na ipinangaral ko sa inyo. Iyan
ang pahayag na inyong tinanggap
at naging saligan ng inyong pananampalataya. Sa pamamagitan nito’y
naliligtas kayo, kung matatag kayong
nananangan sa salitang ipinangaral
ko sa inyo – liban na nga lamang
kung kayo’y sumampalataya na di
iniisip ang inyong sinampalatayanan.
Sapagkat ibinigay ko sa inyo
itong pinakamahalagang aral na
tinanggap ko rin: si Kristo’y namatay
dahil sa ating mga kasalanan, bilang
katuparan sa nasasaad sa Kasulatan;
inilibing siya at muling nabuhay sa
ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan;
at siya’y napakita kay Pedro, saka sa
Labindalawa. Pagkatapos, napakita
siya sa mahigit na limandaang kapatid
na nagkakatipon. Marami sa kanila’y
buhay pa hanggang ngayon, bagamat
patay na ang ilan. At napakita rin siya
kay Santiago, saka sa mga apostol na
sama-sama noon. Sa kahuli-huliha’y
napakita rin siya sa akin – bagamat
ako’y tulad ng batang ipinanganak
nang di-kapanahunan.
Sapagkat ako ang pinakahamak
sa mga apostol, ako’y di karapatdapat
tawaging apostol, sapagkat
inusig ko ang simbahan ng Diyos.
Ngunit dahil sa kagandahang-loob
niya, ako’y naging apostol, at hindi
naman nawalan ng kabuluhan ang
kaloob niyang ito sa akin. Nagpagal
ako nang higit kaysa kaninuman sa
kanila, bagamat hindi ito sa sarili
kong kakayanan kundi sa tulong ng
Diyos sa akin.
Kaya’t maging ako o sila – ito
ang ipinangangaral namin, at ito ang
pinananaligan ninyo.
Mabuting Balita: Lucas 5:1-11
Noong panahong iyon, nakatayo
si Hesus sa baybayin ng Lawa ng
Genesaret. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao na ibig
makarinig ng salita ng Diyos. May
nakita siyang dalawang bangka sa
baybayin; nakalunsad na ang mga
mangingisda at naghuhugas ng
kanilang mga lambat. Lumulan siya
sa isa sa mga bangka at hiniling kay
Simong may-ari nito, na ilayo nang
kaunti sa tabi. Naupo siya sa bangka
at nangaral sa mga tao.
Pagkatapos niyang magsalita ay
sinabi kay Simon, “Pumalaot kayo
at ihulog ang mga lambat upang
manghuli.”
Sumagot si Simon, “Guro, magdamag
po kaming nagpagod at wala
kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi
ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.”
Gayon nga ang ginawa nila at sa
dami ng kanilang huli ay halos magkansisira
ang kanilang mga lambat.
Kaya’t kinawayan nila ang kanilang
mga kasamahang nasa ibang
bangka upang patulong, at lumapit
naman ang mga ito. Napuno ang
dalawang bangka na halos lumubog.
Nang makita iyon ni Simon Pedro,
siya’y nagpatirapa sa paanan ni
Hesus at nagsabi, “Lumayo po kayo
sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y
makasalanan.”
Nanggilalas siya at ang kanyang
mga kasama dahil sa dami ng kanilang
huli; gayon din sina Santiago at
Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga
kasosyo ni Simon. At sinabi ni Hesus
kay Simon, “Huwag kang matakot.
Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng
mga tao.” Nang maitabi na nila ang
kanilang mga bangka, iniwan nila
ang lahat at sumunod kay Hesus.