“Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon, at kahanga-hanga ang ating nakita.” (Marcos 12:10-11)
29 Mayo 2016
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Kristo
Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya. (1 Corinto 11:26)
Pagbasa: 2 Pedro 1:2-7; Salmo: Awit 91:1-16;
Mabuting Balita: Marcos 12:1-12
1 At nagsimula siyang magsalita sa talinhaga.
“May nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo.
2 Nang panahon na ng anihan, pinapunta niya ang isang katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang bahagi niya sa ani. 3 Ngunit sinunggaban nila ito at pinaalis na walang dala. 4 Nagpadala uli sa kanila ang may-ari ng isa pang katulong pero hinampas ito sa ulo at hinamak. 5 Nagpadala rin siya ng iba ngunit pinatay naman ito. At marami pa rin siyang ipinadala; hinampas ang ilan sa kanila at pinatay ang iba.
6 Mayroon pa siyang isa, ang minamahal na anak. At ipinadala niya siyang pinakahuli sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ 7 Ngunit nang makita siya ng mga magsasaka, inisip nila: ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang mana.’ 8 Kaya hinuli nila siya at pinatay, at itinapon sa labas ng ubasan.
9 Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Darating siya at lilipulin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba. 10 Hindi ba ninyo nabasa ang Kasulatang ito? Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. 11 Gawa ito ng Panginoon, at kahanga-hanga ang ating nakita.”
12 Huhulihin na sana nila siya pero natakot sila sa mga tao. Naunawaan nga nila na sila mismo ang tinutukoy niya sa talinhagang ito. Iniwan nila siya at lumayo.
Pagdalaw ni Birheng Maria kay Elizabeth |
Pagbasa: Sofonias 3:14-18; Salmo: Isias 12:2-6;
Mabuting Balita: Lucas 1:39-56
39 Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. 40 Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. 41 Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth 42 at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! 43 Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? 44 Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
46 At sinabi ni Maria:
“Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon 47 at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas 48 dahil isinaalang-alang niya ang abang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. 49 Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. 50 Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. 51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. 52 Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga bale-wala. 53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. 54 Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa 55ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.”
56 Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
San Justino |
Pagbasa: 2 Timoteo 1:1-12; Salmo: Awit 123:1-2;
Mabuting Balita: Marcos 12:18-27
18 Lumapit naman kay Jesus ang mga Sadduseo. Sinasabi ng mga ito na walang pagkabuhay na muli, kaya nagtanong sila: 19 “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may mga magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa upang magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ 20 Ngayon, may pitong magkakapatid. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 21Kaya kinuha ng ikalawa ang kanyang asawa, at namatay ring walang anak. Ganito rin ang nangyari sa pangatlo. 22 Silang pito nga ay namatay nang hindi nagkaanak. At sa huli’y namatay din ang babae. 23 Ngayon, sa muling pagkabuhay, kung mabubuhay silang muli, kanino sa pito siya magiging asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.”
24 Sumagot si Jesus: “Di kaya bunga ng di ninyo pagkaunawa sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos ang inyong pagkakamali? 25 Sa muling pagkabuhay nga nila, hindi na mag-aasawa ang lalaki o babae kundi para na silang mga anghel sa Langit.
26 At tungkol naman sa mga patay at sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo inunawa ang sinabi sa inyo ng Diyos sa aklat ni Moises, sa kabanata ng palumpong: Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob? 27 Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay. Maling-mali kayo.”
San Marcelino at Pedro |
Pagbasa: 2 Timoteo 2:8-15; Salmo: Awit 25:4-14;
Mabuting Balita: Marcos 12:28-34
28 May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo nila. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?”
29 Sumagot si Jesus na “Ito ang una: Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. 30 At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas. 31At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.”
32 Kaya sinabi ng guro ng Batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa kanya. 33 At ang mahalin siya nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.”
34 Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
Kabanal-banalang Puso ni Hesus |
Unang Pagbasa: Ezekiel 34:11-16; Salmo: Awit 23:1-6; Ikalawang Pagbasa: Roma 5:5-11; Mabuting Balita: Lucas 15:3-7
3 Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila:
4 “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? 5 At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, 6 at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ 7 Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi.
Kalinis-linisang Puso ni Birheng Maria |
Pagbasa: Isias 61:9-11; Salmo: 1 Samuel 2:1-8;
Mabuting Balita: Lucas 2:41-51
41 Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus para sa Piyesta ng Paskuwa. 42 Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. 43 Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang.
44 Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. 45 Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. 46 At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. 47 At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya.
48 Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” 49 Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” 50 Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila.
51 Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.
|
|
|
|
|
|
|