Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon - 12 Hunyo 2016



Siya’y nanangis at nabasa ng kanyang luha ang mga paa ni Hesus. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok, hinagkan, at pinahiran ng pabango.  (Lucas 7:38)

Unang Pagbasa: 2 Samuel 12:7-10.13

Noong mga araw na iyon, sinabi ni Natan kay David, “Ito ang ipinasasabi sa inyo ng Panginoong Diyos ng Israel: ‘Itinalaga kitang hari sa Israel, iniligtas kita sa kamay ni Saul, ibinigay ko na rin sa iyo ang sambahayan at mga asawa ng iyong amo pati ang sambahayan nina Israel at Juda. At maibibigay ko sa iyo ang higit pa riyan. Bakit mo pinaglaruan ang salita ng Panginoon at gumawa ka nang labag sa kanyang kalooban? Ipinapatay mo na si Urias, kinuha mo pa ang kanyang asawa. Oo, ipinapatay mo ang Heteong iyon sa mga Ammonita upang makuha mo ang asawa niya. Yamang ginawa mo ang mga bagay na iyon at ako’y itinakwil mo, tandaan mong laging may mamamatay sa patalim sa iyong sambahayan.’ ” 

Sinabi ni David kay Natan, “Tunay akong nagkasala sa Panginoon.” 

Sumagot si Natan, “Kung gayo’y pinatatawad ka na niya at hindi ka mamamatay.”

Salmo: Awit 31 

Tugon: D’yos ko, ako’y patawarin 
             sa aking pagkasuwail!

Mapalad ang tao na pinatawad na yaong kasalanan, 
at nalimot na rin ang kanyang nagawang mga pagsalansang; 
mapalad ang taong sa harap ng Poon ay di naparatangan 
dahilan sa siya ay di nagkasala at hindi nanlinlang. 

 Ako ay lumapit sa iyong harapan at sala’y inamin, 
ang aking ginawang mga pagsalansang di ko inilihim; 
pinagpasiyahan kong ang lahat ng ito sa iyo’y idaing, 
at aking natamo ang iyong patawad sa sala kong angkin. 

Kublihan ko’y ikaw, ikaw ang sasagip kung nababagabag, 
aking aawitin ang pagkakalinga at ‘yong pagliligtas. 

Lahat ng matuwid at tapat sa Poon, magalak na lubos, 
dahil sa natamo nilang kabutihang kaloob ng Diyos; 
sumigaw sa galak ang lahat ng taong sa kanya’y sumunod! 

Ikalawang Pagbasa: Galacia 2:16.19-21

Mga kapatid: Alam naming ang tao’y pinawawalang-sala dahil sa pananalig kay Hesukristo at hindi dahil sa mga gawa ayon sa Kautusan. Nanalig din kami kay Kristo Hesus upang pawalang-sala ng Diyos sa pamamagitan ng pananalig kay Kristo, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan. Sapagkat ang tao’y di mapawawalang-sala sa pamamagitan ng pagtalima sa Kautusan. Ako’y namatay na sa Kautusan – sa pamamagitan na rin ng Kautusan upang mabuhay para sa Diyos. Namatay na akong kasama ni Kristo sa krus. At kung ako ma’y buhay hindi na ako ang nabubuhay kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin. At habang ako’y nasa daigdig, namumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at nag-alay ng kanyang buhay para sa akin. Hindi ko mapawawalang-kabuluhan ang kaloob ng Diyos. Kung ang tao’y pinawawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Kristo!

Mabuting Balita: Lucas 7:36-50 

Noong panahong iyon, inanyayahan si Hesus ng isa sa mga Pariseo upang makasalo niya. Pumaroon siya sa bahay nito at dumulog sa hapag. Sa bayan namang yaon ay may isang babae na kilalang makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Hesus sa bahay ng Pariseo, kaya’t nagdala siya ng pabangong nasa sisidlang alabastro. At lumapit siya sa likuran ni Hesus, sa gawing paanan. Siya’y nanangis at nabasa ng kanyang luha ang mga paa ni Hesus. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok, hinagkan, at pinahiran ng pabango. Nang makita ito ng Pariseong naganyaya kay Hesus, nasabi nito sa sarili, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam niya kung sino at kung anong uri ng babae ang humihipo sa kanya – isang makasalanan!” 

Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Hesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot siya, “Ano po iyon, Guro?” Sinabi ni Hesus, “May dalawang taong nanghiram sa isang nagpapautang; ang isa’y liman-daang denaryo at ang isa nama’y limampu. Nang hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sino sa kanila ang lalong nagmamahal sa nagpautang?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po’y ang pinatawad ng malaking halaga.” “Tama ang sagot mo,” ang tugon ni Hesus. 

Nilingon niya ang babae, at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para aking mga paa; ngunit binasa niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinagkan, ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumitigil ng paghalik sa aking mga paa. Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo, subalit pinahiran niya ng pabango ang aking mga paa. Kaya’t sinasabi ko sa iyo, ang malaking pagmamahal na ipinamalas niya ang nagpapatunay na ipinatawad na ang marami niyang kasalanan; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti lang ang pagmamahal na ipinamamalas.” Saka sinabi sa babae, “Ipinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 

At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong pati pagpapatawad ng kasalanan ay pinangangahasan?” Ngunit sinabi ni Hesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananalig; yumaon ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: