Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon - 05 Hunyo 2016



Lumapit siya at hinipo ang kinalalagyan ng patay at tumigil naman ang mga may dala nito. Sinabi niya, “Binata, bumangon ka!” (Lucas 7:14)


Unang Pagbasa: 1 Hari 17:17-24 

Noong mga araw na iyon, nagkasakit ang anak ng balo. Lumubha ang sakit ng bata hanggang sa ito’y mamatay. Kaya’t sinabi ng babae kay Elias: “Anong ikinagagalit ninyo sa akin, lingkod ng Diyos? Naparito ba kayo upang ako’y sumbatan sa aking mga kasalanan at patayin ang aking anak?” 

“Akin na ang bata,” wika ni Elias. At kinuha niya ang bata, ipinanhik sa itaas, sa silid na kanyang tinutuluyan. Inilagay niya ang bata sa kanyang higaan at dumalangin: “Panginoon, aking Diyos, ganito po ba inyong igaganti sa babaing nagpatuloy sa akin?” Makaitlo niyang hiningahan ang bata kasunod ang ganitong dalangin: 

“Panginoon, aking Diyos, hinihiling ko po na mangyaring ibalik ninyo ang buhay ng batang ito.” Dininig ng Panginoon ang dalangin ni Elias at nabuhay ang bata. 

Inakay siya ni Elias at ibinalik sa kanyang ina. Wika niya, “Narito ang anak mo, buhay na siya.” 

At ganito ang naitugon ng babae: “Ngayon ko napatunayan na kayo nga ay lingkod ng Diyos, at pawang katotohanan ang sinabi ninyo sa ngalan ng Panginoon.”

Salmo: Awit 29

Tugon: Poong sa aki’y nagligtas, 
            ang dangal mo’y aking galak!

O Panginoon ko, sa iyong ginawa, kita’y pinupuri’t ako’y iniligtas, 
kaya ang kaaway ay di na nakuhang matuwa’t magalak. 
Mula sa libingang daigdig ng patay, hinango mo ako at muling binuhay; 
ako, na kasama nilang napabaon sa kailaliman. 

Purihin ang Poon, siya ay awitan ng lahat ng tapat na mga hinirang. 
Iyong gunitain ang mga ginawa ng Diyos na Banal. 
Ang kanyang ginawa ay alalahanin at pasalamatan! 
Hindi nagtatagal yaong kanyang galit, at ang kabutihan niya’y walang wakas. 
Ang abang may hapis at tigmak sa luha sa buong magdamag, 
sa bukang-liwayway ay wala nang lungkot, kapalit ay galak. 

Kaya’t ako’y dinggin. Ikaw ay mahabag sa akin, O Poon, 
ako ay pakinggan, mahabag ka, Poon! 
Ako ay dinggin mo at iyong tulungan. 
Nadama ko’y galak nang iyong hubarin ang aking panluksa. 
Sa pasasalamat sa iyo, O Poon, ay di magsasawa.  

Ikalawang Pagbasa: Galacia  1:11-19

Ibig kong malaman ninyo, mga kapatid, na hindi katha ng tao ang Mabuting Balitang ipinangaral ko. Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, ni itinuro sa akin ng tao. Si Hesukristo ang nagpahayag nito sa akin. 

Hindi kaila sa inyo kung paano ako namuhay bilang masugid na kaanib sa Judaismo. Buong lupit kong inusig ang simbahan ng Diyos at sinikap na ito’y wasakin. Naging mas masugid ako sa relihiyong ito kaysa maraming Judiong kasinggulang ko, at malaki ang aking malasakit sa mga kaugalian ng aming mga ninuno. 

Ngunit sa kagandahang-loob ng Diyos, hinirang niya ako bago pa ipanganak, at tinawag upang maging lingkod niya. At nang ihayag niya sa akin ang kanyang Anak, upang ang Mabuting Balita tungkol sa kanya ay maipangaral ko sa mga Hentil, hindi ako sumangguni kaninuman. Ni hindi ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na una kaysa akin. Sa halip, nagtungo ako sa Arabia at pagkatapos ay nagbalik sa Damasco. Nakaraan pa ang tatlong taon bago ako umakyat sa Jerusalem upang makipagkita kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. Wala akong nakitang apostol liban kay Santiago na kapatid ng Panginoon. 

Mabuting Balita: Lucas 7:11-17

Noong panahong iyon, pumunta si Hesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong niya ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang babaing balo. Marami ang nakikipaglibing. Nahabag ang Panginoon nang makita ang ina ng namatay, at sinabi sa kanya, “Huwag kang tumangis.” Lumapit siya at hinipo ang kinalalagyan ng patay at tumigil naman ang mga may dala nito. Sinabi niya, “Binata, bumangon ka!” Naupo ito at nagsalita; at siya’y ibinigay ni Hesus sa kanyang ina. 

Sinidlan ng takot ang lahat at sila’y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta! Nilingap ng Diyos ang kanyang bayan!” At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa kanya.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: