Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon - 24 Hulyo 2016



“Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo: ‘Ama, sambahin nawa ang ngalan mo....  (Lucas 11:2)

Unang Pagbasa: Genesis 18:20-32

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon, “Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra,at napakalaki ng kanilang kasalanan. Paroroon ako at aalamin ko kung totoo.” 

Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit nanatili ang Panginoon sa tabi ni Abraham. Itinanong ni Abraham, “Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, may kasalanan man o wala? Sakaling may limampung matuwid sa lunsod, wawasakin po ba ninyo iyon? Hindi ba ninyo patatawarin ang lunsod dahil sa limampung iyon? Naniniwala akong hindi ninyo idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at mabuti. Hindi ito mangyayari! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!” At tumugon ang Panginoon, “Hindi ko ipahahamak ang lunsod dahil sa limampung matuwid.” “Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan,” wika ni Abraham, “wala po akong karapatang magsalita sa inyo, pagkat alabok lamang ako. Kung wala pong limampu, at apatnapu’t lima lamang ang matuwid, wawasakin ba ninyo ang lunsod?” “Hindi ko wawasakin dahil sa apatnapu’t limang iyon,” tugon ng Panginoon. Nagtanong na muli si Abraham, “Kung apatnapu lamang?” “Hindi ko wawasakin ang lunsod dahil sa apatnapung iyon,” tugon sa kanya. 

“Huwag sana kayong magagalit, magtatanong pa po ako. Kung tatlumpu lamang ang taong matuwid doon, hindi rin ninyo wawasakin?” Sinagot siya, “Hindi ko wawasakin ang lunsod dahil sa tatlumpung iyon.” Sinabi pa ni Abraham, “Mangangahas po uli ako. Kung dalawampu lamang ang matuwid na naroon?” “Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod dahil sa dalawampung iyon,” muling tugon sa kanya. Sa katapusa’y sinabi ni Abraham, “Ito na po lamang ang itatanong ko: Kung sampu lamang ang matuwid na naroon?” “Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod dahil sa sampung iyon,” tugon ng Panginoon.

Salmo: Awit 137 

Tugon: Noong ako ay tumawag, 
            tugon mo’y aking tinanggap!

Ako, Poon, buong-pusong aawit ng pasalamat, 
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap. 
Sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang, 
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan. 

Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan, 
ikaw’y tunay na dakila, pati iyong kautusan. 
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo, 
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako. 

Kung ang D’yos mang Panginoon ay dakila at mataas, 
hindi niya nililimot ang aba at mahihirap; 
kumubli ma’y kita niya yaong hambog at pasikat. 
Kahit ako’y nababatbat ng maraming suliranin, 
ako’y walang agam-agam, panatag sa iyong piling. 

Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway, 
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay. 
Yaong mga pangako mo ay handa mong tupding lahat; 
ang dahilan nito, Poon, pag-ibig mo’y di kukupas, 
at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap.  

Ikalawang Pagbasa: Colosas 2:12-14

Mga kapatid: Nang kayo’y binyagan, nalibing kayong kasama ni Kristo at muling nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. 

Kayong mga Hentil na dating patay dahil sa kasalanan ay muling binuhay ng Diyos na kasama ni Kristo. Pinatawad niya tayo sa ating mga kasalanan at pinawalang-bisa ang lahat ng kasulatan laban sa atin, pati mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus.

Mabuting Balita: Lucas 11:1-13

Minsan, nananalangin si Hesus. Pagkatapos niya, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” 

Sinabi ni Hesus, “Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo: ‘Ama, sambahin nawa ang ngalan mo. Magsimula na sana ang iyong paghahari. Bigyan mo kami ng aming makakain sa araw-araw. At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinatatawad namin ang bawat nagkasala sa amin. At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok.’ ” 

Sinabi pa rin niya sa kanila, “Ipalagay natin na ang isa sa inyo’y nagpunta sa isang kaibigan isang hatinggabi at nagsabi, ‘Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kanyang kaibigan sa loob ng bahay, ‘Huwag mo nga akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makababangon pa upang bigyan kita ng iyong kailangan.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. 

Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo, at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok. Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya’y humihingi ng itlog? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: