Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon - 28 Agosto 2016



“Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo.” (Lucas 14:13)

Unang Pagbasa: Sirac 3:17-18. 20. 28-29

Anak ko, maging mapagpakumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin, at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos. Habang ika’y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba; sa gayo’y kalulugdan ka ng Panginoon. Huwag mong hangaring maunawaan ang mga bagay na lampas sa iyong kakayahan, huwag mong saliksikin ang hindi mo kayang malaman. Nililimi ng matinong tao ang mga talinghaga; nawiwili silang makinig pagkat nais nilang matuto. Kung ang tubig ay nakamamatay ng apoy, ang paglilimos ay nakapapawi ng kasalanan. 

Salmo: Awit 67

Tugon: Poon, biyaya mo’y ’bigay 
            sa mahirap naming buhay.

 Ang lahat ay nagagalak, natutuwa ang matuwid; 
sa harapan nitong Diyos, galak nila’y di malirip. 
Awitan ang Panginoon, purihin ang kanyang ngalan. 
Ang pangalan niyang banal, magalak na papurihan. 

Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo, 
tumitingin sa ulila’t sanggalang ng mga balo. 
May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot, 
ang bilanggo’y hinahango upang sila ay malugod. 

Dahil sa’yo, yaong ulang masagana ay pumatak, 
lupain mong natuyo na’y nanariwa at umunlad. 
At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod, 
ang mahirap nilang buhay sa biyaya ay pinuspos. 

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 12:18-19. 22-24

Mga Kapatid:  

Hindi kayo lumapit, gaya ng paglapit ng mga Israelita, sa isang bundok na nakikita sa Bundok ng Sinai na may nagliliyab na apoy, balot ng pusikit na kadiliman, may malakas na hangin, may tunog ng trumpeta, at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na ito’y marinig ng mga tao, isinamo nilang tumigil iyon ng pagsasalita sa kanila. 

Ang nilapitan ninyo’y ang Bundok ng Sion at ang lungsod ng Diyos na buhay, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng dimabilang na anghel. Lumapit kayo sa masayang pagkakatipon ng mga ibinilang na panganay, na nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong banal na naroon na sa dakong inilaan sa kanila ng Diyos. Lumapit kayo kay Hesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan. 

Mabuting Balita: Lucas 14:1. 7-14

Isang araw ng Pamamahinga, si Hesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo; at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos. 

Napansin ni Hesus na ang pinipili ng mga inanyayahan ay ang mga upuang nakalaan sa mga piling panauhin. Kaya’t sinabi niya ang talinghang ito: “Kapag inanyayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang tanging upuan. Baka may inanyayahang lalong tanyag kaysa iyo. At lalapit ang nag-anyaya sa inyong dalawa at sasabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay ninyo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayo’y mapapahiya ka at doon malalagay sa pinakaabang upuan. Ang mabuti, kapag naanyayahan ka, doon ka maupo sa pinakaabang upuan, sapagkat paglapit ng nag-anyaya sa iyo ay kanyang sasabihin, ‘Kaibigan, dini ka sa kabisera.’ Sa gayon, nabigyan ka ng malaking karangalan sa harapan ng mga panauhin. Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.” 

Sinabi naman ni Hesus sa nag-anyaya sa kanya: “Kapag naghahanda ka, huwag ang mga kaibigan mo, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, sapagkat aanyayahan ka rin nila, at sa gayo’y nagantihan ka. Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo. Hindi sila makagaganti sa iyo at sa gayo’y magiging mapalad ka. Gagantihan ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal.” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: