“Ang tumatanggap sa batang ito sa ngalan ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.” (Lucas 9:48)
|
|
|
|
|
|
|
Ika-26 Linggo sa Karaniwang Panahon
(I-click ang larawan)
“May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isa namang pulubing nagngangalang Lazaro...” (Lucas 16:19-20)
San Cosmas at San Damian |
Pagbasa: Job 1:6-22; Salmo: Awit 17:1-7;
Mabuting Balita: Lucas 9:46-50
46 Nangyari na ikinabahala nila kung sino nga kaya sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang pinagtatalunan nila sa kanilang isipan kaya kumuha siya ng isang bata at pinatayo sa tabi niya. 48 At sinabi niya sa kanila: “Ang tumatanggap sa batang ito sa ngalan ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. At isa pa: ang matagpuang pinakamaliit sa inyong lahat ang siyang dakila.”
49 At nagsalita si Juan: “Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonyo sa ngalan mo. Pero pinagbawalan namin siya dahil hindi siya sumusunod na kasama namin.” 50 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Huwag ninyo siyang pagbawalan dahil panig sa inyo ang hindi laban sa inyo.”
San Vicente de Paul |
Pagbasa: Job 3:1-23; Salmo: Awit 88:2-8;
Mabuting Balita: Lucas 9:51-56
51 Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. 52 Nagpadala siya ng mga sugo para mauna sa kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang kanyang matutuluyan. 53 Pero ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta siya sa Jerusalem. 54 Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: “Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa langit para puksain sila?” 55 Lumingon si Jesus at pinagwikaan sila, 56 at sa ibang bayan sila nagpunta.
San Lorenzo Ruiz at mga kasama |
Pagbasa: Job 9:1-16; Salmo: Awit 88:10-15;
Mabuting Balita: Lucas 9:57-62
57 Habang naglalakad sila, may nagsabi kay Jesus: “Susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” 58 At sinabi sa kanya ni Jesus: “May lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon; ang Anak ng Tao nama’y wala man lang mahiligan ng kanyang ulo.” 59 At sinabi naman niya sa isa: “Sumunod ka sa akin.” Sumagot naman ito: “Pauwiin mo ako para mailibing ko muna ang aking ama.” 60 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus: “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay; humayo ka naman at ipangaral ang kaharian ng Diyos.” 61 Sinabi naman ng isa pa: “Susunod ako sa iyo, Panginoon pero pauwiin mo muna ako para makapagpaalam sa aking mga kasambahay.” 62 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Hindi bagay sa kaharian ng Diyos ang humahawak ng araro at pagkatapos ay lumilingon sa likuran.”
San Miguel, San Gabriel at San Rafael, mga Arkanghel |
Pagbasa: Pahayag 12:7-12; Salmo: Awit 138:1-5;
Mabuting Balita: Juan 1:47-51
47 Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” 48 Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punong-igos, nakita na kita.”
49 Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” 50 Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punong-igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.”
San Geronimo |
Pagbasa: Job 38:1–40:5; Salmo: Awit 139:1-14;
Mabuting Balita: Lucas 10:13-16
13 Sawimpalad ka, Corazin! Sawimpalad ka, Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagdamit-sako at naupo sa abo at nakapagbalik-loob. 14 Kaya magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon kaysa inyo sa araw ng paghatol. 15 At ikaw naman, Capernaum, dadakilain ka kaya hanggang langit? Hindi! Ibubulid ka sa impiyerno!
16 Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang di-tumatanggap sa inyo ay di-tumatanggap sa akin. At ang di-tumatanggap sa akin ay di tumanggap sa nagsugo sa akin.”
Sta. Teresa ng Batang si Hesus |
Pagbasa: Job 42:1-17; Salmo: Awit 119:66-75;
Mabuting Balita: Mateo 18:1-10
1 Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?”
2 Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, 3 at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. 4 Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. 5 At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.
6 Ngunit kung may tumisod at magpadapa sa isa sa maliliit na ito na naniniwala sa akin, mas makabubuti pa para sa kanya na itapon siya sa ilalim ng dagat na may taling malaking bato sa kanyang leeg.
7 Sawimpalad ang daigdig dahil may kinatitisuran ang tao. Kailangang sumapit ang mga pagkatisod ngunit kaawa-awa ang tumitisod at nagpapadapa sa kanya.
8 Kung ang iyong kamay o paa ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw o pilay sa buhay kaysa matapon sa walang hanggang apoy na may dalawang paa at dalawang kamay. 9 At kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, dukutin mo ito at itapon. Mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na may isang mata kaysa matapon sa apoy ng Gehenna na may dalawang mata.
10 Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.
|
|
|
|
|
|
|