Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon - 11 Setyembre 2016



“Sapagkat namatay na ang anak kong ito, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.” (Lucas 15:24)

Unang Pagbasa: Exodo 32:7-11.13-14

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inialis mo sa Egipto, naroon at nagpapakasama. Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila’y iyon ang diyos na nag-alis sa kanila sa Egipto. Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matigas ang kanilang ulo. Kung gusto mo, lilipulin ko sila at sa iyo ko pagmumulain ang isang malaking bansa.”

Nagsumamo si Moises sa Panginoon: “Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inialis ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila’y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo.” Hindi nga itinuloy ng Panginoon ang balak na paglipol sa mga Israelita.

Salmo: Awit 50

Tugon: Babalik ako sa Ama, 
           pagkat ako’y nagkasala.

Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos, 
sang-ayon sa iyong kagandahang loob; 
mga kasalanan ko’y iyong pawiin, 
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin! 
Linisin mo sana ang aking karumhan 
at ipatawad mo yaring kasalanan! 

Isang pusong tapat sa aki’y likhain, 
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin. 
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin; 
ang Espiritu mo ang papaghariin. 

Turuan mo akong makapagsalita, 
at pupurihin ka sa gitna ng madla. 
Ang handog ko, O Diyos, na karapatdapat
 ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat. 

Ikalawang Pagbasa: Timoteo 1:12-17 

Pinakamamahal ko, nagpapasalamat ako kay Kristo Hesus na ating Panginoon, na nagbibigay sa akin ng lakas para sa gawaing ito, sapagkat ako’y minarapat niya at hinirang na maging lingkod. Hinirang niya ako upang maglingkod sa kanya bagamat noong una’y nagsalita ako laban sa kanya. Bukod dito’y inusig ko siya’t nilait. Sa kabila nito’y kinahabagan ako ng Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong hindi pa ako naniniwala sa kanya. Iginawad sa akin ng Panginoon ang kanyang masaganang pagpapala, kalakip ang pananampalataya at pagibig na nasa atin dahil sa pakikipag-isa kay Kristo Hesus. 

Narito ang isang katotohanang dapat tanggapi’t paniwalaan ng lahat: si Kristo Hesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga, at maging halimbawa ito sa mga mananalig sa kanya at pagkakalooban ng buhay na walang hanggan. Purihin at dakilain magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan, at di nakikita! Amen

Mabuting Balita: Lucas 15:1-32

Noong panahong iyon, ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Hesus. Nagbulungbulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila, “Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya’t sinabi ni Hesus ang talinghagang ito: 

“Kung ang sinuman sa inyo ay may sandaang tupa, at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala hanggang sa matagpuan, hindi ba? Kapag nasumpungan na’y masaya niyang papasanin ito. Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang tupa kong nawawala!’ Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi’t tumatalikod sa kanyang kasalanan kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na hindi nangangailangang magsisi. 

“O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Sisindihan niya ang ilaw, wawalisan ang bahay at hahanaping mabuti hanggang sa masumpungan ito, hindi ba? Kapag nasumpungan na niya ito ay aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang nawala kong salaping pilak!’ Sinasabi ko sa inyo, gayon din ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisi’t tumalikod sa kanyang kasalanan.” 

Sinabi pa ni Hesus, “Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo ang mamanahin ko.’ At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang ariarian at nagtungo sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at doo’y nilustay na lahat sa di wastong pamumuhay. Nang malustay na niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing yaon, at nagdalita siya. Kaya’t namasukan siya sa isang mamamayan ng lupaing yaon. Siya’y pinapunta nito sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya. Nang mapagisip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa sarili, ‘Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain at lumalabis pa samantalang ako’y namamatay ng gutom dito! Babalik ako sa kanya, at sasabihin ko, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”’ At tumindig siya at pumaroon sa kanyang ama. 

“Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya’t patakbo siyang sinalubong, niyakap at hinagkan. Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak.’ Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Madali! Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at panyapak. Kunin ang pinatabang guya at patayin; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay na ang anak kong ito, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’ At sila’y nagsaya. 

“Nasa bukid noon ang anak na panganay. Umuwi siya, at nang malapit na sa bahay ay narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong: ‘Bakit? May ano sa atin?’ ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ tugon ng alila. ‘Ipinapatay ng inyong ama ang pinatabang guya, sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit.’ Nagalit ang panganay at ayaw itong pumasok sa bahay. Kaya’t lumabas ang kanyang ama at inamuamo siya. Ngunit sinabi nito, ‘Pinaglingkuran ko po kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma’y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa’y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. Subalit nang dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinatabang guya!’ Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling. Ang lahat ng ari-arian ko ay sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: