Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon - 18 Setyembre 2016



“Kaya’t sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ng sanlibutang ito. Maubos man ito’y may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan.” (Lucas 16:9)


Unang Pagbasa: Amos 8:4-7

Pakinggan ninyo ito, kayong sumisikil sa nangangailangan at kayong umaapi sa mga dukha. 

Ang sabi ninyo sa inyong sarili, “Inip na inip na kaming matapos ang mga araw ng pamamahinga. Hindi tuloy namin maipagbili ang aming mga inani. Kailan ba matatapos ang Araw ng Pamamahinga, para mailako namin ang mga trigo? Tataasan namin ang halaga, gagamit kami ng maling takalan at dadayain namin sa timbang ang mga mamimili. Sa halaga ng isang pares na sandalyas, aming bibilhin bilang alipin ang taong dukha. Pati tulyapis ng trigo ay ipagbibili namin sa mataas na halaga.” 

Sumumpa ang Panginoon, ang Diyos ng Israel: “Hindi ko na maipatatawad ang masasama nilang gawa.”

Salmo: Awit 112

Tugon: Purihin ang Poong Diyos 
           na sa dukha’y nagtatampok!

Ang Poo’y purihin! Dapat na magpuri ang mga alipin, 
ang ngalan ng Poon ay dapat purihin. 
Ang kanyang pangalan ay papurihan, 
magmula ngayo’t magpakailanman.  

Siya’y naghahari sa lahat ng bansa, 
lampas pa sa langit ang pagkadakila. 
Walang makatulad ang Panginoong Diyos, 
na sa kalangitan doon naluluklok; 
buhat sa itaas siya’y tumutunghay, 
ang lupa at langit kanyang minamasdan.

Mula sa alabok ang mga mahirap, 
sa pagkalugami ay itinataas. 
Sa mga prinsipe ay isinasama, 
nagiging prinsipe ang mga lingkod n’ya.  

Ikalawang Pagbasa: 1 Timoteo 2:1-8

Pinakamamahal ko, una sa lahat, ipinakikiusap kong paabutin ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan, panalangin, pamanhik, at pasasalamat para sa lahat ng tao. Gayon din ang gawin ninyo para sa mga hari at mga maykapangyarihan upang makapamuhay tayo nang tahimik at payapa, marangal at may kabanalan. 

Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas na ang ibig ay maligtas ang lahat ng tao at makaalam ng katotohanan. Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Kristo Hesus na naghandog ng kanyang buhay upang tubusin ang lahat. 

Siya ang katunayan ng banal na layunin ng Diyos at nahayag sa takdang panahon. Dahil dito, ako’y hinirang na mangangaral, apostol at tagapagturo ng pananampalataya at ng katotohanang ito sa mga Hentil. Katotohanan ang sinasabi ko, hindi ako nagsisinungaling. 

Ibig kong ang mga lalaki sa lahat ng dako’y manalanging may malinis na kalooban, walang hinanakit o galit sa kapwa.

Mabuting Balita: Lucas 16:1-13

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “May isang mayaman na may isang katiwala. Isinumbong sa kanya na nilulustay nito ang kanyang ari-arian. Kaya’t ipinatawag niya at tinanong: ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Isulit mo sa akin nang buo ang pangangasiwa mo sa aking ari-arian pagkat mula ngayon ay hindi na ikaw ang katiwala ko.’ 

Nawika ng katiwala sa sarili, ‘Aalisin na ako ng aking panginoon sa pangangasiwa. Ano ang gagawin ko? Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. A! Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa, may tatanggap din sa akin sa kanilang tahanan.’ Isaisa niya ngayong tinawag ang mga may utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una, ‘Gaano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito, ‘Sandaang tapayang langis po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka’t gawin mong limampu,’ sabi ng katiwala. At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Sandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ wika niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ 

Pinuri ng panginoon ang magdarayang katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos.” 

At nagpatuloy si Hesus ng pagsasalita, “Kaya’t sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ng sanlibutang ito. Maubos man ito’y may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang magdaraya sa maliit na bagay ay magdaraya rin sa malaking bagay. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga kayamanan ng sanlibutang ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? At kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo? Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.” 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: